Nagbalik na sa YouTube ang real-life sweethearts na sina Jayzam Manabat at Camille Trinidad ngayong Miyerkules, September 15.
Ito ay makalipas ang 27 araw mula nang burahin nila ang kanilang unang YouTube channel na may 12 million subscribers.
Kasabay nito ay may patutsada ang JaMill sa mga napabalitang kontrobersiya na nakapalibot sa pag-delete nila ng kanilang YouTube account noong Agosto 19.
Ito ang announcement nila sa kanilang joint Facebook account (published as is):
"AYAN NA NAKA UPLOAD NA HAHAHAHAHAHAHAH BAKIT KAMI NAG DELETE NG CHANNEL.
"LINTEK NA MEDIA TO BINALITA NYO NANAMAN KAMI HAHAHAHAHAHAHAHA BALATO NAMAN DYAN HAYUP KAYO."
Hindi kaila sa publiko na lumikha ng espekulasyon ang pagbura ng JaMill ng sikat nilang YouTube account.
Tatlong araw bago nabura ang account ng JaMill, noong August 16, naglabas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng memo na nagsasabing mahigpit na ipatutupad ang pagsingil ng buwis sa social media creators.
Sabi sa memo ng BIR: "The Bureau of Internal Revenue (BIR) has been receiving reports that certain social media influencers have not been paying their income taxes despite earning huge income from the different social media platforms.
"There are also reports that they are not registered with the BIR or are registered under different tax types or line of business but are also not declaring their earnings from social media platforms for tax purposes.
"Whatever may be the reasons, it is now the most opportune time to discuss the tax obligations of these social media influencers."
Noong August 24, nag-anunsiyo uli ang BIR sa PTV4 na may iniimbestigahan silang "YouTube vlogging couple" na kumita ng "PHP50 million" hanggang "PHP100 million" sa loob ng dalawang taon nang hindi nagbabayad ng buwis.
Nabanggit pa ng ahensya na ang pag-delete ng channel ay hindi sagabal sa kanilang imbestigasyon. Hindi binanggit ng BIR kung sino ang vlogging couple na iyon.
Sa kaso ng JaMill, hindi malinaw kung ano ang posisyon nila hinggil sa memo ng BIR.
Wala silang nabanggit ukol dito sa kanilang Facebook video noong August 19, at kahit sa panibago nilang YouTube vlog nitong September 15.
Habang isinusulat ang artikulong ito, mayroong 250K subscribers ang kanilang bagong lunsad na YouTube channel.
May one million views na rin ang kanilang first entry na may titulong "BAKIT NAMIN NA-DELETE ANG YOUTUBE CHANNEL NAMIN."
JAMILL ON "FAKE NEWS" ABOUT THEIR DELETED YOUTUBE CHANNEL
Hindi tahasang binanggit ng tambalang JaMill kung ano ang mga kontrobersiyang naiulat tungkol sa kanila matapos nilang i-delete ang kanilang channel.
Pero aware daw ang dalawa na "trending" sila sa Twitter noon.
Sabi ni Camille, "Paggising namin nag-trending na dinelete yung channel, ganito ganyan. May mga issue na lumabas na akala mo totoo pero fake news."
Dugtong ni Jayzam, "Ganito kasi 'yan. Nag-delete tayo nang walang paliwanag. So, yung mga tao, 'Bakit?'
"E, yung mga media naman, it's time to shine."
Ayon pa kay Jayzam, kung anu-anong inilabas na headlines ng media patungkol sa deleted YouTube channel nila "para mapapindot yung mga chismoso at chismosa sa Pilipinas."
Sabi pa niya, "'Sino itong couple na ito na ganito, ganyan? Ta's naka-blurred yung picture namin. Ta's sa description nila hashtag '#JaMill.'
"Jusmiyo! Nagpahula pa kayo!"
JAMILL CLAIMS deletion of YOUTUBE CHANNEL was FOR "HEALING."
Ayon pa kina Jayzam at Camille, ang suma tutal kung bakit nila binura ang dati nilang YouTube channel ay para isalba ang kanilang relasyon.
"Kasi yun naman talaga ang purpose. Isuko muna ito para makapagpokus kami na maghilom as a couple," ani Jayzam.
Dumating daw sila sa puntong napagtanto nilang "matagal" nang "toxic" ang kanilang relasyon.
Paliwanag ni Jayzam, "Nabubulag na kami nun. 'Yan yung mga panahon na kung anu-ano nangyayari sa amin, walang umaawat sa amin.
"Mas nakakatakot nga yung pag nasa mali ka, mapi-feel mo tama lahat ng ginagawa mo.
"Pero pag humaharap ka na sa tama, saka ka hinahatak ng mga kampon ng kadiliman. 'Hindi ka para diyan. Naalala mo ginawa mo?' Ganun nangyari sa amin."
Paliwanag naman ni Camille, "Feeling ko kaya ganun, pag malapit na talaga tayo kay Lord, lahat ng manggugulo lalong lalapit sa inyo.
"As in, pag nasa dark side ka ng buhay mo, wala ka nakikita kung di puro saya, saya, saya. Hanggang sa mali ka na.
"So, nag-heal na kami nun, pero akala namin is yun na yun. Akala namin pag sinabi namin na 'Okay na...' Pero hindi, e.
"Kasi may mga bagay na may marinig ka lang na word na makapag-trigger sa 'yo, dire-diretso na siya. Di siya joke... Galit ka na isang buong araw. Ang sakit na ng dibdib mo.
"Hanggang sa napunta na sa point na na-delete na yung channel."
Anila, may insidente kunsaan may nakausap si Camille na isang professional counselor na layuning ihanda ang kanyang "mental health" sa isang "long-term brand endorsement."
Pero dahil doon ay marami raw naungkat na insecurity kay Camile, at isa roon ay ang isyung binabato ng ibang tao na "for the vlog" lang ang relasyon nila ni Jayzam.
Ani Camille, "Nagtatanong ako sa isip ko, 'Sa YouTube lang ba lahat-lahat?'"
Naging sanhi raw iyon ng pagtatalo ng couple.
Dagdag ni Jayzam, "Oo, ang sakit kasi nun. Hanggang sa sobrang dami nang nagtatanong.
"Yung mga media... na clickbait kasi mga 'yan, e. Kung anu-ano sinasabi ng mga 'yan, e. Di ko alam kung balita pa ba ibinabalita ng mga 'yan, e.
"Hanggang sa pumasok sa isip ni Camille na baka kaya nandito lang talaga ako dahil sa channel. Dinelete niya."
CAMILLE REGRETS DELETING THEIR OLD CHANNEL
Ayon kay Camille, pinagsisisihan niya ang pagbura ng lumang JaMill YouTube.
"Siyempre nung time na yun, mahina ako," anang dalaga.
Sundot ni Jayzam, "Ako, nagulat ako kasi nag-flashback sa akin lahat ng pinaghirapan namin ni Camille.
"Nagsisisi naman din ako, guys. Nakakalungkot naman talaga na sa isang iglap bakit ko ginawa."
Sa puntong ito, siniguro ni Jayzam kay Camille na wala siyang sama ng loob sa nangyari.
Ani Jayzam, "Pero wag kang mag-aalala, naiintindihan kita. Wala akong pakialam kahit dinelete mo.
"Ikaw ang mahal ko. Mas mahal kita kesa sa channel na yun."
Sa huli, iginiit ni Jayzam na walang katotohanan ang mga intriga sa kanila ni Camille. Pero hindi pa rin niya tuwirang sinabi kung ano ang inaalmahan niya.
"Gusto ko muna tuldukan yung mga tanong sa isip niyo. Napakaseryoso ng video na ito.
"Para matuldukan yung mga haka-haka sa isip niyo. Hindi totoo ang mga haka-hakang kumakalat noon, hindi totoo.
"At inaayos namin ang mga kailangan namin ayusin bilang tao sa relasyon namin at sa buhay namin. Inaasikaso namin lahat 'yan. Wag kayong mag-alala."
Desidido rin silang magsimula muli sa kanilang bagong YouTube channel.
"Wag na tayo magdrama-drama. Tapos na tayo diyan. Tuloy uli ang buhay," ani Camille.
Sang-ayon ni Jayzam, "Tuloy lang. Lagi niyo tatandaan, papalaki man nang papalaki ang problema niyo sa buhay, tatagusan at tatagusan 'yan."
