Isang karangalan para sa dating basketbolista at Pasig City congressman na si Robert "Dodot" Jaworski Jr. na mapiling running mate ni Mayor Vico Sotto.
Babalik sa pulitika si Dodot matapos ang labing-apat na taon nitong pamumuhay nang pribado.
Naging kongresista ang asawa ni Mikee Cojuangco sa Pasig mula 2004 hanggang 2007.
Tumakbo siyang mayor noong 2007, ngunit natalo siya ng dating alkalde na si Bobby Eusebio.
Natalo naman ni Vico si Eusebio noong 2019 elections.
Pahayag ni Dodot sa Vlog ng Pasig tungkol sa pagkapili sa kanya ni Mayor Vico bilang kanyang bise sa susunod na eleksyon, "Well, ako’y very excited dito sa pagkakataon ko na makabalik sa larangan ng public service.
“Higit sa lahat, pangalawa, napakalaking karangalan para sa akin na sa dami-rami ng mga tao nakapaligid kay Mayor Vico—mga active at hindi active na pulitiko—e, ako po yung isa sa mga nabibigyan at nabigyan niya ng tiwala na makakampi niya at makasama niya dito sa susunod na laban sa 2022 elections.”
Nais ni Dodot na maging aktibo ang mga kabataan sa susunod na halalan dahil pangarap daw nila ni Mayor Vico na ang mga susunod na mamumuno sa siyudad ay mga galing sa grassroots ng Pasig.
Aniya, “Kasi, sino pang magmamahal sa bayan natin kundi tayu-tayo ring mga Pasigueño na nakatira dito?
“Ako, hinihimok ko lahat, take part sa elections, pakinggan po natin lahat ng kandidato, ang kanilang plataporma, ang mga gusto nilang ilahad, at magtanong kayo ng mga plataporma at programa.
"Kung ano dapat ang ibaba sa tao, kung 'yan ba ay tama para sa anti-corruption drive, 'yan ba ay tama para sa mga transparency programs na dapat nating itulak sa gobyerno.
"'Yan ba ay kasama sa accountability issues na kailangan nating itulak sa ating gobyerno.
“Again, it's such a big honor for me na maging kasama at kakampi ni Mayor Vico sa Pasig.”