Hindi nakatiis si AJ Raval, 21, na sagutin ang panghuhusga sa kanya ng isang netizen kaugnay ng mga patutsada sa sexy actress ng ex-boyfriend nitong si Axel Torres, 28.
Kahapon, October 7, pinakawalan ni Axel ang ilang throwback pictures ni AJ na kuha sa mga special occasion na pinagsaluhan nila noon.
Sa unang litrato, nakaupo si AJ sa kama sa isang kuwarto na may rose petals at red balloons.

Sa ikalawang litrato, makikita si AJ na may hawak na bouquet.

Sa ikatlong litrato, may hawak si AJ na cake na may greeting na "Happy 7M!!! I love you."

NETIZEN'S MESSAGE TO AJ
Dahil dito ay may netizen na naalalang minsan nang sinabi ni AJ na kahit kailan ay hindi pa niya naranasang paghandaan siya ng romantic surprise ng isang karelasyon.
Inihayag iyon ni AJ nang paghandaan siya ng actress-vlogger na si Donnalyn Bartolome ng flowers, balloons, cake, at gift sa ginawa nilang "Girlfriend Challenge" noong September.
"First time ko 'to," saad ni AJ noon.
Ikinais ito ng netizen dahil lumalabas na nagsinungaling daw si AJ kay Donnalyn.
Tingin ng netizen ay nakatikim si AJ ng sorpresa mula kay Axel, base sa mga litratong ipinakita ng dating Pinoy Big Brother housemate.
AJ INSISTS AXEL DID NOT SURPRISE HER
Pero pinanindigan ni AJ na hindi si Axel ang may gawa ng surprise sa ipinakitang litrato ng dating nobyo.
Sabi ni AJ: "Actually yung photo na nakita niyo, ako ang nag-shopping doon and nag-arrange.
"Nagpa-pic lang ako kasi Valentine's Day 'yon, gusto ko lang mag-post na sinurprise din ako."
Sana raw ay tigilan na ang panghuhusga ng iba sa kanya.
Aniya, "Tama na ang pagmamagaling, ha? Wala kayong alam."
Pinost ito ni AJ sa kanyang Instagram Story, kalakip ng mensahe sa kanya ng netizen.
Burado na ang post ng sexy actress, pero nailathala ito sa Cosmo.ph.

AJ'S CRYPTIC QUOTE CARDS
May iba pang malamang quote cards na ibinahagi si AJ sa kanyang Instagram Stories.
Una na rito ay may mensahe tungkol sa pagsisinungaling ng isang tao.
"I don't understand how someone can tell so many lies and never feel bad about it," saad sa quote card ni AJ.

Hindi malinaw kung patama niya ito kay Axel na pinatutsadahan siya tungkol sa kanilang breakup.
Idinaan ni Axel sa kantang "Traitor" ang sama ng loob niya na nakahanap agad ng iba si AJ.
Nag-post din si Axel ng lyrics ng kantang "Numb," na animo'y pakiramdam niya sa viral PDA videos nina AJ at Aljur Abrenica.
Naghiwalay sina AJ at Axel bandang Hunyo matapos ang halos dalawang taong relasyon.
Noong October 5 unang kinumpirma ni AJ sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang panliligaw sa kanya ni Aljur.
Kung mayroon mang batikos na ibinabato kina AJ at Aljur, nasabi na rin ni AJ na hindi siya magpapaapekto dahil naniniwala siyang wala siyang natatapakang ibang tao.
