Humabol si Miss Universe 2013 3rd runner-up Shamcey Supsup sa paghain ng kanyang kandidatura para sa 2022 elections ngayong Biyernes, October 8.
Tatakbo si Shamcey bilang party-list representative ng grupong ARTE o Advocates for Retail, Textile, Tradition, Entertainment, & the Creative Sector.
First nominee ang national director ng Miss Universe Philippines Organization.
Sasabak na rin sa pulitika si Miss Universe Philippines 2020 second runner-up Michele Gumabao sa pamamagitan ng pagtakbo bilang nominee ng isang party-list group.
Ngayong araw, naghain siya ng certificate of nomination and acceptance (CONA) ng MOCHA: Mothers for Change party-list.
Ang kontrobersiyal na personalidad na si Mocha Uson ang first nominee ng nasabing grupo.
Second nominee si Michele.

Ayon sa ulat, ang MOCHA: Mothers for Change party list ay magtutulak ng magandang pamumuhay ng mga kababaihan.
Sesentro rin daw ang kanilang adbokasiya sa kalusugan, kabuhayan, at magandang representasyon sa Kongreso para sa kapwa nila kababaihan.
Si Mocha ay isang masugid na tagasuporta ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Napatunayan itong muli dahil personal pang itinaas ni Duterte ang mga kamay ni Mocha sa filing nila sa Comelec, Sofitel Tent, Pasay City, kanina.
Una nang tumakbo si Mocha sa AA-Kasosyo party list noong 2019 elections, ngunit hindi sila sinuwerte na makakuha ng kahit isang upuan sa Kongreso.
Samantala, si Michele naman ay nagretiro na sa beauty pageants. Katatapos lamang ng kanyang mga tungkulin sa Miss Universe Philippines nitong nakaraang September 30, 2021.
Tapos na ang filing ng certificate of candidacy kaninang alas-singko ng hapon.
Pero maaari pang magbago ang pangalan ng mga kandidato sa iba't ibang posisyon dahil pinapayagan ng Comelec ang substitution sa mga ito basta magkakapareho sila ng partido.
