Nasanay na ang viewers ng It’s Showtime na napapanood sa harap ng kamera si Bobet Vidanes noong ito pa ang direktor ng noontime show ng ABS-CBN.
Muli itong nangyari nang lumipat siya bilang creative producer ng Lunch Out Loud, ang noontime show ng TV5 na katapat ng programa na pinanggalingan niya.
Kahapon, October 11, ang 56th birthday ni Bobet kaya tinawag siya sa stage ng mga host ng LOL para batiin at hingan ng mensahe para sa kaarawan niya.
Isang variety show ang LOL pero naging real-life drama program ito kahapon dahil sa hindi inaasahang pag-iyak ni Bobet.
Nagsalita siya sa kauna-unahang pagkakataon tungkol sa pag-alis niya sa It’s Showtime at paglipat sa noontime program ng TV5 at Brightlight Productions.
Ang kanyang kalusugan ang isa sa mga ibinigay na dahilan ni Bobet sa pag-alis nito sa It’s Showtime. Hindi na raw healthy ang kanyang pagtatrabaho na posibleng ikamatay niya nang maaga.
“Isa pa po sa main reason kung bakit ako naghanap ng ibang buhay, ito po totoo ‘to, pinili ko po yung health, yung kalusugan.
“Kasi po, yung pagtatrabaho ko sa kabila, hindi na po healthy. Mamamatay po ako nang maaga.
"Ang ganda ng programa, pero it’s not healthy anymore.
“To make it short lang, I’m here sa Lunch Out Loud or any program, no pressure. I am happy now," parang bata na lumuluhang pagtatapat ni Bobet.
Itinanggi ng dating direktor ng It’s Showtime ang mga balita noon na pera ang dahilan ng pag-alis niya sa kompanya at programa na, diumano, mahal na mahal niya.
Saad ni Bobet, “It’s not about the money na sinasabi niyo. It’s about help.
"I hope po na naiintindihan niyo. Sana po sarado na tayo doon, it’s my health. It’s not healthy anymore.
"Pero sobrang mahal ko po yung kompanyang ‘yan. Sobrang mahal ko yung programa na ‘yan.”
Hindi idinetalye ni Bobet kung bakit nasabi niyang hindi na healthy ang pagtratrabaho niya noon sa It's Showtime.
NO MENTION OF VICE
Nagsimulang mabasag ang boses ni Bobet bago ito tuluyang napaiyak nang kanyang ikuwento na marami ang humiling na mainterbyu siya tungkol sa pag-alis sa It’s Showtime, pero hindi niya ginawa.
“May dahilan po kasi. May dahilan po, baka hindi niyo maintindihan.
“Pamilya yung stage, e. Pamilya na yung panahon na birthday ko, nandito ako with artists. Magkakaiba nga lang yung mukha.
“I miss my Showtime family, pero nakakatuwa, nung nagbibigay kayo ng message [LOL hosts] sa akin, for the longest time, sina Anne Curtis ang kaharap ko, sina Jugz and Teddy.
“Nakakatuwa, iba naman yung nagbibigay ng message akin, so parang ang lawak na pala ng nagmamahal sa akin,” mensahe ni Bobet.
Sina Anne Curtis, Jugz Jugueta, at Teddy Corpuz ang ilan sa mga host ng It's Showtime.
Kapansin-pansin namang hindi binanggit ni Bobet si Vice Ganda, na siyang main host ng iniwanan niyang noontime show.
VICE GANDA'S SENTIMENT
Sa isa niyang vlog noong February 2021, inamin ni Vice na na-offend siya sa pag-alis ni Bobet bilang direktor ng It's Showtime dahil wala raw silang alam tungkol dito at iniwan na lang sila nang basta.
Bahagi ng pahayag noon ni Vice, "Nagulat ako, kasi hindi ko alam, di ba? Sana... Wala. Nagulat. Nagtaka. Nagtanong.
“'Tapos, inaya ko siyang mag-ano. Tinext ko siya para usap kami. Para lang maintindihan ko, di ba?
“Hindi niya ako sinagot. Hindi niya ako sinagot. Para kung... di ba?
“Para alam ko man lang, o alam man lang natin, o isa man lang sa atin, may alam yung totoong rason. Di ba?
“Kasi, yung rason, ‘yon yung sinabi niya sa management. Pero personal, wala naman siyang kinausap sa atin, di ba? Na parang...
“Nakakagulat lang, parang after 11 years... doon lang pala iyon. Parang kung... kung meron man tayong bahagi doon sa dahilan niya para umalis.
“Sana, nalaman man lang natin, di ba? At kung meron man, kumbaga, kung tayo, isa sa atin ang dahilan kaya siya umalis, sana alam natin. Para napag-usapan.
“Kung meron man, bakit hindi napag-usapan for 11 years? 'Tapos, pak! Biglang... wala na.
“Kung ano man yung dahilan niya, sana napag-usapan. At saka kung talagang family tayo, baka... kung napag-usapan, baka nagawan ng paraan.
“Baka natulungan natin ang isa’t isa, di ba? Kung may pinagdadaanan siya noon, baka nakagawa tayo ng paraan. Pero yung...
“‘Yun lang din, nakaka... ang plastik pag sinabing hindi ako na-offend!
“Parang... naloka din ako. Parang... ano yun? Ganun-ganun lang? Walang sabi-sabi.
“After 11 years, nanggaling pa iyon sa anniversary na meron pa tayong mga chikang 'walang iwanan kahit anong mangyari' sa opening.
“Di ba, may mga ganun-ganun tayo? 'Tapos, right after, a few days after the anniversary, biglang may maririnig kang parang... anong nangyari sa pangako?”
WHY BOBET DID NOT SAY GOODBYE
Sa kanyang pagsasalita sa Lunch Out Loud kahapon, tila sinagot na ni Bobet ang mga katanungan sa likod ng kanyang pag-alis sa It's Showtime nang hindi nagpapaalam sa mga host ng programa.
Nilinaw ni Bobet na hindi siya tinanggal sa ABS-CBN dahil maayos ang kanyang pagpapaalam sa management.
Nagpahiwatig din siya na kung nagpaalam siya sa mga artistang katrabaho niya ay baka sumama ang ilan sa mga ito sa kanyang pag-alis.
Saad niya, “Konting paliwanag lang po, hindi naman ako natanggal sa ABS-CBN, e. Umalis po ako, nagpaalam ako sa management nang maayos.
“At ang sabi po ng management sa akin, alam niyo ‘yan, na kayo ang magpapaliwanag sa mga artist ko.
"For some reason, siguro naman maiintindihan ninyo kung sasabihin ko na kapag ako lumipat, baka sumama pa sila, e, you don’t like that.
“Ayoko rin naman yun kaya ipinagbigay-tiwala ko sa inyo na kayo na ang magpapaliwanag sa mga artist ko.
"Ngayon, sinasabi ng artists ko, iniwan ko sila."
Bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa panig ng ABS-CBN at pamunuan ng It's Showtime sa naging pahayag na ito ni Bobet Vidanes.
Use these Nike promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.