Hindi raw naaapektuhan ang presidential aspirant na si Senator Manny Pacquiao sa mga batikos sa asawang si Jinkee Pacquaio dahil sa pagbabahagi nito sa social media ng kanilang marangyang pamumuhay.
Ito ang diretsong tugon ng Pambansang Kamao sa Ikaw ang On The Spot: The Presidential Candidate's Interview ng DZMM TeleRadyo kahapon, December 8.
Ayon kay Manny, hindi nagyayabang ang asawa sa kung anuman ang mga ibinabahagi nito sa kanyang social media pages.
Saad niya, “Alam niyo po, hindi naman ako naapektuhan diyan kasi naniniwala kami sa Panginoon.
“Ang aking asawa lamang po ay hindi naman po talaga mayabang 'yan, ‘no.
“Nagpu-post siya ng ganyan, hindi naman ipinagmamalaki niya, gusto lang niyang bigyan ng inspirasyon ang ating mga kababayan na magsikap, walang imposible.
“Kasi kami, galing sa pinakamahirap na pamilya. Dahil sa nagsikap, kami ay proud kami na yung mga natamo namin sa buhay, hindi po namin ninakaw 'yan, pinaghirapan po namin.
“So, marami naman diyan dini-display ang ano nila pero hindi pinaghirapan, ninakaw po sa taong bayan. Mahirap yun.”
Dagdag pa ni Manny, deserve nilang namnamin ang bunga ng kanilang mga pinaghirapan.
Pagtatanggol niya sa asawa, “humble” ito masyado.
Sabi ni Manny, “Kami, hindi naman ipinagmamalaki 'yan, pero nararapat lang po siguro na sumaya din kami, ma-enjoy namin pinaghirapan namin.
"At yung asawa ko, mahiyain po 'yan. Humble po masyado 'yan.
“Siguro, sinasabi lang maganda dahil yun yung nasuot ng aking asawa, yun ang gusto niyang background.”
Suhestiyon pa niya sa mga "naiinggit" kay Jinkee: “Siguro po yung iba, naiinggit, humanap din kayo ng magagandang background, kunyari mansion din yung nasa background ninyo, kunwari mamahalin din yung mga suot niyo, idi-display, ganun.
“Pero hindi sinasabi dun na, ‘Ito ay wala kayong ganito,’ hindi po ganun yung asawa ko.
“Hindi po yun yung ibig sabihin.
“In fact, yung asawa ko po, mabait 'yan, matulungin, marami rin po 'yang tinutulungan.
“Hindi lang po namin ina-announce yung mga itinutulong namin dahil labag po 'yan sa aming paniniwala as Christian, a true Christian.
“Hindi kailangan kung ano ang ginagawa ng kanan ay malalaman ng kaliwa.
“Ngayon lang po talaga naa-announce yung mga ginagawa ko na sarili kong pera ang gastos na pulitiko na ako.”
Nabatikos noon si Jinkee matapos lumabas na lagpas sa dalawang milyong piso ang outfit-of-the-day (OOTD) nito sa laban ni Manny kontra Cuban boxer Yordenis Ugas noong Agosto.
