Natuloy na ang pangalawang pagpapakasal ng aktres na si Ritz Azul at ng kanyang mister na si Allan Guy.
Nitong nakaraang December, 11, 2021 (12-11-21), ginanap ang ikalawang pag-iisang dibdib nila sa Club Paradise, Palawan.
Pero kahapon, December 14, lang nag-upload ng mga larawan sa Instagram sina Ritz at Allan.
Ang beach wedding nilang ito ay itinuturing ng dalawa na kanilang “dream wedding destination.”
Sabi ni Ritz sa caption ng kanyang post: “We did it! Mr. and Mrs. Guy 12-11-21 [heart emoji] #theGUYforRITZ
“Dream wedding destination on our dream wedding date with the best suppliers and close friends. Thank you so much, everyone!”
View this post on Instagram
Maiksing post naman ni Allan sa kanyang Instagram: “12.11.21 Dream come true #theGUYforRITZ”
View this post on Instagram
Sa eksklusibong panayam kay Ritz sa Calamansi App podcast noong November 24, nagbigay ang Kapamilya actress ng ilang detalye tungkol sa kanilang second wedding.
Ito raw talaga ang plano nilang unang kasal ngunit nag-iba lamang dahil sa kahilingan ng ama ni Allan.
Unang ikinasal ang dalawa sa Baguio City noong November 20, 2021.
Kuwento ng aktres, “Ang nangyari kasi talaga, yung Palawan talaga ang pinlano namin, kasi dream wedding namin, beach wedding.
“Ayun, natapos na namin yung planning, ganyan. Pagkatapos ng planning, tinitingnan naman namin yung guest namin, ‘Makakapunta ba 'to sa Palawan? Hindi ba siya mahihirapan sa pag-travel?’
“Tapos sakto rin, nag-ask yung dad niya, nag-suggest yung dad niya na magpakasal kami dito malapit sa Metro Manila para makapunta yung lola niya na 91 years old.
“E, na-plan na namin lahat sa Palawan, as in plantsado. Dapat sa Palawan talaga kami ikakasal.
"So, nag-suggest yung tatay niya na dito na lang gawin.
“’Di ginawa namin sa Baguio, na land travel lang, na makakapunta yung immediate family, yung lola niya, yung ninong-ninang.
“Bale ang mangyayari, dalawa yung wedding namin. Pagkatapos nitong sa Baguio, susunod yung sa Palawan.”
