Inamin ni Kim Chiu na nag-alala siya nang maging viral ang video niya na nagpapakita ng larawan ng artistang tinanggal sa ABS-CBN hallway.
Hindi binanggit ni Kim kung sino ang Kapamilya star na nawala sa gallery of stars, pero mabilis na nahulaan ng netizens na larawan iyon ni Bea Alonzo.
Natunton iyon dahil hindi kaila sa Kapamilya fans na si Bea ang napagitnaan nina Piolo Pascual at Jericho Rosales sa gallery of stars ng ABS-CBN, at tugma iyon sa video na ipinakita ni Kim.
Nakadagdag pa sa usap-usapan ng netizens ang kaalamang si Bea ay bagong lipat sa GMA-7 matapos ang halos dalawang dekada bilang Kapamilya.
Pero idiniin ni Kim na wala siyang ibinigay na pangalan sa kanyang video.
"Wag na, ito… natatakot na ‘ko sa mga tao, e," sabi niya.
Pero ipinaliwanag ni Kim na hindi niya akalaing magiging viral ang kanyang video.
Nagkukulitan daw sila noon ng It's Showtime co-host na si Amy Perez.
Lahad ni Kim: "Kasi, kinakabahan na kami ni Tiyang Amy sa 'Magpasikat.’ Like, super talaga nung linggo na yun.
"Kasi, di naaprubahan ang apoy namin. Hindi naaprubahan ang mga ganito...
"So, parang, 'Ano na ang gagawin natin, Tiyang Amy? Magtutula tayo dun."
Tila nakahanap sila ng distraction nang maabutan nila ang dalawang maintenance staff members na nagtatanggal ng litrato sa gallery of stars.
Nasa labas lang iyon ng studio ng It's Showtime sa main building ng ABS-CBN.
"Tapos [sa] sobrang kaba namin at nagkataon nga na nagkatanggalan. So, ano lang, sabi namin kay Kuya, 'Sino ‘yan?' E, hindi sinasabi kung sino," dagdag ni Kim.
Base sa paliwanag ni Kim, tila hindi niya alam kung portrait ni Bea ang tinanggal sa gallery of stars.
Nakapanayam si Kim matapos ang presscon proper ng Huwag Kang Lalabas, isa sa official entries sa Metro Manila Film Festival 2021. Isa itong horror trilogy movie kunsaan bida siya sa episode na "Hotel."
Ginanap ang presscon sa Fisher Mall sa Quezon City noong December 12.
NETIZENS' REACTIONS TO KIM'S VIDEO
Binura rin ni Kim ang video na ibinahagi niya sa kanyang Instagram Story, pero nakunan na ito ng screengrab ng netizens.
Hati ang reaksiyon ng netizens.
Sabi ng mga kampi kay Kim, nilagyan lang ng kulay ang post ng actress-host.
May mga nagsabi ring insensitive si Kim sa ipinost niyang video.
Sabi naman ng iba, walang masama kung tanggalin ang portrait ng artistang lumipat na ng ibang TV network.
ON REMOVAL OF PORTRAITS OF KAPAMILYA STARS
Kakatakutan niya ba kung isang araw, ang picture na niya sa hallway ang ibinababa at tinatanggal sa ABS-CBN gallery of stars?
Nag-aalangang sagot ni Kim, "Parang binababa lang naman siya kapag...
"Hindi ko po alam, ha! Siyempre, hindi naman ako ang nag-utos na tanggalin.
"Nagkataon lang na nakita namin ni Tiyang."
Sa sumunod na hirit ni Kim, tila nakaabot din ang isyu sa ABS-CBN TV Production Head at Star Magic Head na si Laurenti Dyogi.
Natatawang sabi na lang ng aktres, "Sabi rin ni Direk Lauren, 'Bakit kasi nagtanggal ng tanghali?'"
Use these Shopee vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
