Labis na ikinatuwa ng maraming Pilipino ang suportang ipinakita ni Marian Rivera sa pambato ng Pilipinas sa Miss Universe 2021 na si Beatrice Luigi Gomez.
Si Marian ay isa sa miyembro ng selection committee ng 70th Miss Universe.
Umabot sa Top 5 si Beatrice.
Si Harnaaz Sandhu ng India ang kinoronahang bagong Miss Universe.
Sa pagtatapos ng coronation night, umakyat sa entablado si Marian para batiin at kausapin si Beatrice.
Kita sa mga kumalat na videos na nagkaroon ng moment ang Kapuso Primetime Queen at ang Cebuana beauty queen sa isang bahagi ng stage.
Todo-yakap si Marian kay Beatrice sa harap ng mga Pinoy supporters sa audience.
Nagkaroon ng pagkakataong mag-usap ang dalawa, subalit hindi ito dinig sa gitna ng ingay.
Pero sa isang punto ng video, hinarap ni Marian ang Pinoy supporters.
Sabi ni Marian sa fans: “Proud tayo, di ba?”
Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas, ikinuwento ng Kapuso actress ang iba pa nilang napag-usapan ni Beatrice.
Saad niya sa ulat ng GMA News Online kahapon, December 22, “Nandun ako sa stage tapos nakita ko siya, tapos hinahanap din daw niya ako. Naghahanapan kami.
“Then finally, nag-meet kami. Sinabi ko sa kanya na, ‘Top 5 is still Top 5.’
“[Sabi ko], ‘Proud kami sa’yo, nakita namin ginawa mo talaga yung best mo. Para sa amin, ikaw ang Miss Universe namin no matter what.’”
Dahil saksi siya sa pagpupursige ni Beatrice para sa pageant, wala siyang masabi kungdi ang pagiging proud sa narating nito sa Miss Universe 2021.
Dagdag niya, “Sobrang happy ako sa kanya, sa performance niya. Gusto ko iparamdam sa kanya na, ‘Kaya mo yan, kaya natin ’to.’
“At least kahit sa maliit na pamamaraan ko, nakita niya tini-cheer ko siya.”
Nakatakdang maglabas ng isang documentary sina Marian at asawang si Dingdong Dantes sa naging journey ni Beatrice sa Miss Universe.
