Nirerespeto ng Pinoy Big Brother (PBB) management ang desisyon ni Toni Gonzaga na umalis bilang main host ng reality show ng ABS-CBN.
Sa statement na inilabas ng PBB ngayong araw, February 9, 2022, nagpasalamat din ang programa sa pagsilbing host ni Toni sa loob ng 16 na taon.
Narito ang kabuuan ng statement ng PBB:
"We respect the decision of Toni Gonzaga-Soriano to step down as main host of Pinoy Big Brother.
"Toni has been part of our reality show for 16 years and we thank her for helping bring the stories of our housemates to our viewers."

Nauna nang naglabas ng statement si Toni tungkol sa pag-alis niya sa PBB ngayong araw.
Sa unang balitang inilabas ni MJ Felipe, si Toni ang boluntaryong nag-endorso kay Bianca Gonzalez ng main host duties ng TV host.
Nagsilbing host si Toni ng PBB simula ng unang season nito noong 2005.
Ibinunyag ni Toni ang desisyon niyang umalis sa PBB isang araw pagkatapos ng paghu-host niya sa campaign rally nina Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. at Sara Duterte-Carpio.
Nakatanggap si Toni ng kritisismo dahil dito, kabilang na ang mga Kapamilyang nasaktan sa ginawa niya dahil siya rin mismo ang nagpakilala kay Rodante Marcoleta, na isa sa mga namuno para hindi mabigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN.
Isa rin sa nagpahayag ng pagkadismaya sa ginawa ni Toni ay ang business unit head ng PBB na si Raymund Dizon.
