May pahaging ang Hashtags member na si Nikko Natividad sa mga nagbabangayang netizens dahil sa magkakaiba nilang sinusuportahang kandidato sa paparating na eleksyon.
Ayon kay Nikko, hindi naman kailangang mag-away away ang mga tao pagdating sa kung sino ang kanilang mga manok sa eleksyon.
Ang importante, aniya, ay magkaroon ng respetuhan ng opinyon at desisyon kung sino ang nais nilang iboboto sa darating na Mayo.
Noong Biyernes, February 11, 2022, nagbahagi si Nikko sa kanyang Twitter ng seryoso at nakakatawang opinyon ukol sa eleksyon.
Aniya, magkaiba sila ng sinusuportahang kandidato sa pagka-presidente ng kanyang non-showbiz wife na si Cielo Mae Eusebio.
Pero hindi raw nangangahulugang apektado rin ang kanilang sex life.
Buong tweet ni Nikko: “Magkaiba kame ng ibobotong presidente ng asawa ko pero may nangyayare paren samen gabe gabe. Libog na libog paren kame sa isat isa!!
“Ganyan dapat ang mentality naten.”
Hindi binanggit ni Nikko kung sino ang mga sinusuportahan nilang mga kandidato.
Ibinahagi rin ni Nikko ang screenshot ng kanyang tweet sa kanyang Facebook.
Caption niya: “Respeto sa isat isa plss. Stop fighting mga mahal kong Pilipino [heart emoji]”
Gayundin sa kanyang Instagram na may kaparehong caption.
View this post on Instagram
Naging mainit ang mundo ng showbiz nitong nakaraang linggo sa pagsisimula ng official campaign period para sa May 9, 2022 elections.
Umani ng matinding batikos ang Kapamilya actress-host na si Toni Gonzaga dahil sa kanyang paghu-host sa grand proclamation rally ng UniTeam nina former senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte.
Ginanap ang kanilang rally sa Philippine Arena sa Bulacan noong nakaraang February 8.
Bahagi ng senatorial aspirants ng UniTeam si SAGIP Party List Congressman Rodante Marcoleta.
Si Marcoleta ang isa sa umusig nang husto sa top executives ng ABS-CBN sa isinagawang hearing ng Kongreso kaugnay ng franchise renewal application ng Kapamilya Network noong 2020.
Isa rin si Marcoleta sa mga bumoto upang tuluyang ibasura ang franchise renewal ng kinabibilangang network ng Toni.
Kasunod nito ay nagbitaw si Toni bilang main host ng Pinoy Big Brother (PBB) ng ABS-CBN, bagamat wala siyang ibinigay na dahilan.