Binura na nina Ana Jalandoni at Kit Thompson ang mga larawan nilang magkasama sa kani-kanilang Instagram accounts.
Nakita pa ang sweet photos ng dalawa sa Instagram account ni Ana noong Biyernes ng hapon, March 18, 2022.
Biyernes ng umaga nang pumutok ang balitang isinugod sa ospital ang sugatang si Ana dahil sa umano’y pambubugbog sa kanya ni Kit.
Naka-check in noon ang magkasintahan sa isang hotel sa Tagaytay.
Kinumpirma ni Kit ang relasyon nila ni Ana noon lamang December 15, 2021.
Ipinost noon ng aktor sa Instagram ang larawan nila ni Ana: magkadikit ang kanilang mga ulo at nakaakbay si Kit sa girlfriend sa kanilang dinner date.
Tanging caption ni Kit: “Our first date.”
“MyLove” comment naman ni Ana.
Wala na ang larawang ito sa IG account ni Kit, at anumang larawan nilang magkasama.
Hindi naman kataka-takang hindi na rin sila naka-follow sa isa’t isa.

CELEBS EXPRESS CONCERN FOR ANA
Sa kabilang banda, nagpaabot ng pakikisimpatiya ang mga kaibigan at katrabaho ni Ana sa kanyang post noong Biyernes.
Ibinahagi ni Ana ang larawan niyang punung-puno ng sugat mula sa pambubugbog umano ni Kit.
Mensahe ng sexy actress na si Sheree: “this is so hard to see [broken hearts emojis]”
Mensahe naman ni Maui Taylor: “Hugs babe! Praying for you.”
Komento ng Kapuso actress na si Kim Domingo: “Get well soon babe.”
Pahayag ni Teejay Marquez: “Rest well stay strong.”
Message ni Phoebe Walker: “Stay strong @realanajalandoni, praying for your healing.”

Nagpahayag din ng simpatiya sina IC Mendoza, Wilbert Ross, Tart Carlos, at iba pa.

UPDATE ON KIT AND ANA
Samantala, sa ulat ng PEP Troika ngayong Martes, March 22, kinumpirma ni Ana na nakalabas na siya ng ospital.
Pagtutuunan muna raw ngayon ni Ana ang patuloy na pagpapagaling mula sa matinding physical damage na kanyang natamo.
“Mas priority ko muna ang aking recovery. Kailangan ko makabawi ng lakas,” mensahe ng aktres.
Kinumpirma naman ng kanyang abogadong si Atty. Faye Singson na sinampahan na nila si Kit ng reklamong Violence Against Women and Children sa piskalya.
Sa kabilang banda, nakapagpiyansa na rin si Kit matapos madetine sa Tagaytay City Police noong Biyernes.
