Ipinagkibit-balikat lamang ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang inihaing reklamong cyberlibel sa kanya ng kanilang vice mayor na si Iyo Bernardo.
Wala naman daw kasi siyang ipinost online na libelous o nakasisira ng kapwa.
Sa panayam sa kanya ng CNN Philippines kahapon, March 22, 2022, diretsong sinabi ni Sotto na wala siyang masamang sinabi o na-post na kasiraan para kay Bernardo.
Saad niya, "Obviously I don't think I said anything libelous.
"I've never said anything about his family. I really didn't. Tsaka hindi cyber.
"I didn't post anything online or say anything online."
Noong nakaraang Biyernes, March 18, sinampahan ni Bernardo si Sotto ng reklamong cyberlibel sa Bulwagan ng Katarungan ng kanilang siyudad.
Nag-ugat daw ang kanyang reklamo sa statements ni Mayor Vico sa isang flag ceremony na naganap noong January 10, 2022.
Pahayag ni Bernardo sa panayam sa kanya ng Pasig News Today, "Ito ho ay yun pong nangyaring insidente na nangyari sa flag ceremony dahil naniniwala kasi ako na hindi ho nagagamit ang flag ceremony.
"Ginagamit po ito para pasalamatan ang mga empleyado ho namin, para ho i-encourage, para ho lalo pa hong magtrabaho po para sa mga Pasigueño.
"Kasi basically, yun doon sa sinabi sa flag ceremony ay kinukuwestiyon po yun pong trabaho ng vice mayor.
"Ako po, bilang vice mayor po, ang namumuno ho... yun pong pangangailangan nila, lalung-lalo na po sa ayuda during the pandemic po."
Ayon naman sa abogado ni Bernardo na si Ramon Gerard Hernandez, “[Mayor Vico] casted doubt on [Bernardo’s] honor and discredited his qualification and reputation as vice mayor.”
Nakapaloob sa 14-page na salaysay ang complaint ni Vice Mayor Iyo laban kay Mayor Vico. Mayroon din daw silang tatlong saksi para rito.
Para naman kay Sotto, maiintindihan ni Bernardo ang sitwasyon ng kanilang lungsod kung dumadalo lamang ito sa kanilang mga pagpupulong.
Gayunpaman, tanggap niya ang mga puna sa kanya dahil bahagi ito ng kanyang trabaho.
Sabi pa sa CNN Philippines, “Sometimes we get good things from criticisms.”
Magkatunggali sina Sotto at Bernardo sa mayoral race sa darating na May 9, 2022 elections.
