Nairita si Gretchen Barretto dahil sa diumano'y "grandstanding" o pagpapasikat ni Senator Ronald "Bato" dela Rosa sa imbestigasyon ng Senado sa kontrobersiyal na e-sabong.
Noong Lunes, March 21, 2022, ginanap ang ikatlong Senate hearing tungkol sa nawawalang 34 katao na sangkot umano sa game fixing sa sabong.
Ang negosyanteng si Atong Ang ay isa sa resource person na ipinatawag sa Senado dahil sa alegasyong sa kanyang sabong arena huling nakita ang ilan sa diumano'y missing sabungeros.
Pag-aari ni Atong ang Lucky 8 Star Quest Inc., ang gaming firm ng e-sabong operations na kumikita ng gross bets na "PHP1B to PHP2B" kada araw o "PHP60 billion" kada buwan.
Si Gretchen ay sinasabing miyembro ng Team Alpha ng Pitmaster group, na isa sa sabong brand ng Lucky 8 Star Quest Inc.
Si Dela Rosa ang chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na nagsisiyasat sa kaso ng mga nawawalang sabungeros.
Sa Instagram Stories ni Gretchen, makikitang kinunan niya ng video ang hearing noong Lunes.
"Get down to business, Bato. Stop grandstanding. Just get down to the investigation," maririnig na saad ni Gretchen habang nakapokus ang camera sa mukha ni Senator dela Rosa sa livestreaming ng Senate hearing.
Patutsada pa ni Gretchen: "Ang mahal ng relo ni Bato. Saan kaya nanggaling? My god! A senator has that much! Oh my gosh."
Tingin ni Gretchen, hindi karapat-dapat si Bato na manguna sa imbestigasyon sa kontrobersiyal na e-sabong.
"How did Bato ever become a senator? Tignan mo ang line of questioning niya. Kailangan talaga lawyer ang mga nakaupo.
"People, vote wisely. Don't vote a Bato! My gosh! Dapat sa 'yo game show."
Sabay hirit pa ni Gretchen, "Tumatalpak kasi si Bato na ito, e.
"Bato, ilabas natin yung mga talpak mo kaya."
Ang "talpak" o taya, base sa lengguwaheng sabungan, ay galing sa salitang "talpakan" na tumutukoy sa pagtutuos o harapan ng mga manok na panabong.
Nagbanggit pa si Gretchen ng isang personalidad, na may ugnayan sa World Pitmasters Cup, kunsaan may "balance" diumano si Bato.
Dagdag ni Gretchen, "The truth will come out, Bato."
GRETCHEN'S "SABUNGERA" MOMENTS
Si Gretchen ay makailang-beses nang nagbabahagi ng kanyang pagdalo sa mga event ng negosyong e-sabong ni Atong.
Kabilang dito ang opening ng Pitmasters Live Off Cockpit Betting Station sa Solaire, base sa Instagram post ni Gretchen noong March 9, 2022.
Noong August 2021, naiulat na namataan si Gretchen kasama si Atong sa isang sabungan sa Cavite.
Makikita roon na si Gretchen ang nagpakawala ng pag-aari niyang manok na si "Lady Tiger" na lumaban sa sabong.
Read: Gretchen Barretto, Atong Ang spotted at cockfighting event
Noon namang September 2021, nag-viral ang Instagram post ni Gretchen kunsaan ipinakita niyang marunong siyang humuli ng manok na panabong.
Read: Celebrities react to Gretchen Barretto's "galawang sabungera" video
WHAT ATONG ANG SAID ABOUT GAME-FIXING IN SABONG
Sa pagdinig sa Senado noong March 21, nag-present si Atong ng mga datos tungkol sa binansagan niyang "conspiracy" sa sabong.
Aniya, "Patutunayan ko sa inyo, ayoko ng dahas-dahas dito. Isipin niyo sino ang nasa likod nito..."
Isang anggulong ipinaliwanag ni Atong ay posible umanong may kinalaman sa game fixing ang mga nawawalang sabungero.
Mayroon umanong "sistema ng sindikato" kunsaan may mga may-ari ng manok na panabong ay pumupusta sa kalaban, at kumikita ng milyun-milyong piso.
Sabi ni Atong, "Ito ang question mark diyan. Kung meron isang financer ka na kausap, at isang financer na iba ang tip mo, hindi mo pinatama yung ibang financer na nagbigay sa iyo ng pera...
"Kasi di ka naman puwede tumaya kapag wala kang deposit, e.
"Pag nahulog yun, mag-aaway-away lahat iyan. Magpapatayan talaga iyan. Iba tip mo sa akin, iba tip mo dito. Nagbebenta ng laro."
Dagdag ni Atong, "Lengguwahe ito ng sabungero. Nagti-tip ka ng tiyope. Ang daming ganyan. Pag may tiyope, ginugulpi talaga nila."
Ang "tiyope" ay tumutukoy sa dispalinghadong manok.
Sabi naman ni Senator Dela Rosa: "With your presentation, I am totally convinced in the game fixing.
"With the existence of game fixing, sino ang apektado sa ginagawa nilang game fixing nila?"
Ayon kay Senator Panfilo Lacson, na bahagi ng komiteng nagsisiyasat sa kaso ng mga nawawalang sabungero, mahalagang ma-establish ng pulisya ang "motive" sa likod ng mga nawawalang indibidwal.
"If you are not able to establish the motive, it can weaken the case," paalala ni Lacson sa pulisya.
Sa ngayon, sinabi ng Criminal Investigation and Detection Group na "motive is still unknown" at patuloy ang pagkalap nila ng ebidensiya upang matukoy ito.