Hinintay muna ni Jennylyn Mercado na isilang ang panganay na anak nila ni Dennis Trillo bago niya inihayag sa publiko ang suporta nila ng kanyang asawa sa presidential bid ni Vice President Leni Robredo.
Magaganap sa May 9, 2022 ang eleksyon para sa mga bagong mamumuno sa ating bansa, isang isyung mainit na pinag-uusapan habang papalapit ang araw ng pagboto ng sambayanang Pilipino.
Hindi nakapagtatakang mas pinag-uusapan ang presidential contender na pinili ni Jennylyn na suportahan kesa nang magsilang siya ng sanggol noong April 25.
Read: Jennylyn Mercado and Dennis Trillo welcome baby girl
Pahayag ni Jennylyn sa kanyang Instagram post ngayong Martes, May 3: “Iba yung saya na nararamdaman namin sa pagdating ni baby 'D' pero nariyan din siyempre ang kaba at pag-aalala dahil eleksyon na sa darating na May 9.
“Aaminin ko stressful para sa akin ang nangyayari sa bansa natin ngayon kaya pinili ko manahimik muna at mag-focus sa aking pagbubuntis (bawal ma-stress sabi ni doc!).
“Pero siyempre hindi rin maari na hindi ako manindigan lalong-lalo na ngayon na may bago akong silang na anak. Kinabukasan niya ang nakasalalay dito e.
“Sinuman ang mananalong mga opisyal ng gobyerno ay may mahalagang papel na gagampanan sa buhay ng anak namin sa loob ng anim na taon na sila ay manunungkulan sa pwesto.
“Anumang magagawa nila sa anim na taon na iyon ay magbibigay daan sa kung ano ang mundong kanyang kakagisnan oras na siya ay nagdalaga na at mag-isa ng hinaharap ang mundo.”
Sinundan ito ng Kapuso actress ng sunud-sunod na tanong:
“May maayos kaya silang plataporma para sa edukasyon?
"May magsusulong kaya ng batas para mas maprotektahan ang kanyang karapatan bilang bata?
"May maayos ba silang programa sa kalusugan?
“Maging maayos kaya ang palakad nila sapat para maging ligtas ang kapaligiran?"
Patuloy ni Jennylyn, “Kung maari lang gawing perfect ang mundo para sa anak natin, gagawin natin di ba? ‘Lam n’yo yan mga mommies at even daddies. Pero, reality is, we can only do so much as parents.
“Kung ako tatanungin, gusto ko mabuhay ang anak namin sa lipunang malaya, ligtas, at puno ng pagmamahal.
“Gusto ko maranasan niya ang buhay na maginhawa, tapat, at may dangal.
“Gusto ko manirahan siya sa bansang umiiral ang katarungan, iginagalang ang karapatan ng bawat tao, at pinapangalagaan ang kalikasan pati na ang mga hayop.
“Gusto ko lumaki ang anak ko na ang future bessies niya sa LGBTQIA+ community ay malayang nagmamahal at tumatamasa ng pantay na karapatan sa mata ng batas.
“At higit sa lahat, gusto ko mamuhay siya na walang takot at pangamba dahil nirerespeto siya bilang isang babae. Iginagalang, kinikilala ang kakayahan, hindi nililimitahan, at hindi binabastos.”
Si Jennylyn ang first-ever Ultimate Female Survivor ng StarStruck, ang reality-based talent search competition ng GMA-7 noong 2003.
Ikinumpara ng aktres si Robredo sa kanyang sarili na isa ring "ultimate survivor."
Saad niya: “Sa darating na May 9, iboto natin ang pangulo na ultimate survivor din tulad ko— si Vice President Leni Robredo.
“Ultimate survivor siya bilang single mom na mag-isang nagpalaki ng kanyang tatlong mahuhusay ding mga anak.
“Ultimate survivor din siya sa paglilingkod at nakapagpatupad pa rin ng mga programa para tulungan ang sambayanan sa kabila ng kakulangan sa budget ng kanyang tanggapan.
“At siyempre, ultimate survivor siya sa labang ito para sa pagkapangulo dahil naniniwala ako that she is the best choice for the job.
“In the end, the last man standing is really going to be a woman. Naniniwala ako doon. Puno ang puso ko ng pag-asa lalo pa’t ngayon pa lang nai-inspire nya na ang libo libong Pilipino na magkaisa at isulong ang mas maayos na Pilipinas.
“Kaya ako kasama ng buong pamilya namin ni Dennis ay sumusuporta kay Vice President Leni Robredo para maging susunod na pangulo.”
RELATED STORIES:
- 2022 PRESIDENTIABLES | Leni Robredo: Beating the odds
- 2022 PRESIDENTIABLES | Ping Lacson: The Supercop Senator
- 2022 PRESIDENTIABLES | Bongbong Marcos: Unfazed by controversies
- 2022 PRESIDENTIABLES | Manny Pacquiao: From kargador to boxing legend and senator
- 2022 PRESIDENTIABLES | Isko Moreno: From basurero in Tondo to Manila mayor
- 2022 PRESIDENTIABLES | Leody de Guzman: The Labor Leader