Senator Grace Poe on passing of mother Susan Roces: “Nabigla rin kami.”

by Arniel C. Serato Interview coursed through Allan Sancon
May 22, 2022
Grace Poe on mother Susan Roces death
Senator Grace Poe on mother Susan Roces's death: “Nabigla rin kami pero kapag inisip namin ang kanyang mga gawain sa mga nakaraang buwan at linggo, inihanda na niya kami talaga.”
PHOTO/S: Allan Sancon

Malungkot man, malaki pa rin ang pasasalamat ni Senator Grace Poe sa lahat ng mga nakakaalala at nakidalamhati sa kanilang pamilya dahil sa pagpanaw ng kanyang inang si Susan Roces.

Pumanaw ang tinaguriang Queen of Philippine Movies nitong nakaraang Biyernes, May 20, 2022, sa edad na 80.

READ: Queen of Philippine Movies Susan Roces dies

Kagabi, May 21, sa unang gabi ng lamay para sa beterana at nirerespetong aktres sa Heritage Memorial Park sa Taguig City, nagpaunlak ang butihing mambabatas ng isang panayam sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng press.

Dito ay inilahad niya ang mga pangyayari bago pumanaw si Susan.

Una muna ay pinasalamatan ni Senator Grace ang lahat ng nakiramay sa kanilang pamilya.

Saad niya, “Unang-una po, ang aming pamilya ay taus-pusong nagpapasalamat sa napakaraming nakiramay at nakidalamhati sa amin.

“Alam niyo, naiintindihan ko, marami talaga ang nagsabi na nabigla sila. Siyempre, hindi naman tayo magsasabi na kami rin hindi nabigla.

Continue reading below ↓

“Nabigla rin kami, pero kapag inisip namin ang kanyang mga gawain sa mga nakaraang buwan at linggo, inihanda na niya kami talaga.”

Ibinahagi rin ni Senator Grace ang sanhi ng pagkamatay ng ina.

Aniya, “Alam niyo, ang aking nanay ay nasa edad na rin, 80 years old na siya. Ang kanyang ikinamatay, ito yung sinabi ng doktor, cardiopulmonary arrest.

“Ibig sabihin, bumigay po ang kanyang puso. Maraming dahilan iyan, dahil marami na ring mga naging kumplikasyon sa kanya.

“Pero hindi kasi siya dumadaing masyado. Kilala ko yung aking nanay. Itinatago niyang mabuti kung anuman ang nararamdaman niya, ayaw niyang maging pabigat sa iba.

“Pero alam niyo, ngayong nag-pandemic tayo, hindi siya masyadong nakapag-taping, hindi siya masyadong lumabas kaya nagkaroon siya ng maraming oras na magmuni-muni.

“At sa tingin ko, talagang nangulila na siya sa tatay ko. Matagal na rin, 2004.

“Siguro walang buwan na nakalipas o madalas pag nag-uusap kami, siya pa rin ang pinag-uusapan namin.”

Continue reading below ↓

Ang tinutukoy ni Senator Grace ay ang namayapang ama na tinagurian ding King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr. o FPJ.

Pumanaw si FPJ noong December 14, 2004.

READ: Fernando Poe Jr: Da King of Philippine movies

Pagpapatuloy ng senadora, “Pero alam niya na gusto niyang ihanda na kami, ilagay kami sa maayos. Halos dalawang dekada na rin ang nakalipas.

“Si FPJ siguro sabi niya, tama na siguro yun. Siyempre malungkot kami, pero pag inisip namin wala nang sakit, wala nang hirap, at higit sa lahat, kasama na niya ang mga magulang niya at saka ang tatay ko, yun talaga ang true love niya, e. So yun.

“Imagine na lang natin na yun ang kanyang dinadatnan ngayon, 80 years old na siya, marami na siyang natulungan, marami na siyang nagawa sa buhay niya.

“So, sabi namin, mabuti na ring nakapagpahinga siya dahil 14 na taong gulang pa lang siya, nagtatrabaho na siya.”

Continue reading below ↓

DAYS BEFORE SUSAN’S DEATH

May napansin ba silang kakaiba ilang araw bago pumanaw ang ina?

Ayon kay Senator Grace, “The past two weeks, meron nang kakaiba, kasi alam mo iyang nanay ko, mabilis iyan pag may mga balita, lalo na sa mundo ng pulitika kung saan ako ay nakikipagtunggali minsan.

“Siya yung unang tumatawag sa akin at sasabihin niya, 'O, ano nang balita, ano na yung magiging desisyon mo?'

“O kaya, 'Bakit ganun ang isinagot mo? Dapat ito ang sinabi mo,' at saka kung ano na ang kuwento sa mga apo niya.

“Kami yung phone pals, so halos every other day o araw-araw, nag-uusap kami.

"Pero noong nakaraang dalawang linggo, kasi pag nag-uusap kami, minsan isang oras o isang oras at kalahati ang average niyan, parang mga sampung minuto lang, sinasabi niya, 'Sige na, sige na,' at parang nahahapo siya.

“Doon na namin talaga napagdesisyunan ng aking mga pinsan na mukhang meron nang iba dito kasi hindi na rin siya makakain. Ayaw na rin niyang kumain.”

Continue reading below ↓

Bago raw dalhin sa ospital si Susan, masaya pa raw ibinalita ni Senator Grace sa ina ang pagiging ganap na batas na ng Republic Act No. 11767 na naglalayong mabigyan ng mas maayos na suporta ang mga bagong panganak na inabandona ng magulang o mga foundling.

Si Senator Grace ay ampon nina FPJ at Susan.

Lahad niya, “Dinala siya noong Tuesday, kasi ganito yun, bago siya dalhin sa ospital, nag-uusap pa kami, nag-uusap pa sila ng mga kaibigan niya.

“Mga bandang tanghali, nabalitaan namin [na] yung batas ukol sa pagkilala sa mga nadampot na bata o foundlings ay naisabatas na, napirmahan na.

"So, excited ako nun, tinawagan ko siya, 'tapos sabi pa niya sa akin, 'Congratulations!' Kasi, imagine, ipinaglaban niya iyan para sa akin matagal na, na magkaroon ng patas na karapatan ang mga batang naabandona.

“'Tapos sabi ko, 'Ma, not congratulations to me alone, congratulations to you because if not for you and for this advocacy that you fought for, hindi ito magiging ganito. Hindi ako magiging nasa ganitong pagkakataon sa buhay.’"

Continue reading below ↓

Yun ang naging huling pag-uusap ng mag-ina.

Pagpapatuloy ni Senator Grace, “So, masaya siya, 'tapos alam mo, pagkatapos nun, parang naiba na.

"Yun na ang huling pag-uusap namin kaya napaka-symbolic nga, parang hinintay niya.

"Pero pagkatapos nun, nung dinala na namin siya sa ospital, parang wala sa sarili, 'tapos nagku-complain siya na may pain siya."

May mga huling habilin ba ang kanyang ina?

Ayon kay Senator Grace, “So, nung dinala namin sa ospital, ang ipinagbibilin niya palagi, yung mga apo niya na kailangan daw dalhin namin sa Baguio yung mga bata. 'Tapos ang bahay daw ng papa ko doon, ayusin ko daw para yung mga bata puwede daw magbakasyon doon. Yun ang mga naiisip niya.”

MISSION ACCOMPLISHED

Para kay Senator Grace, namatay ang kanyang ina na nagawa nito lahat ng gusto nitong gawin.

“Ang masasabi ko lang po, kahit na po nagkaroon siya ng sakit, hindi naman po siya nawalan ng makakasama, nandun po ang kanyang mga mahal sa buhay.

Continue reading below ↓

"At siya naman po, lahat naman po ng mga pinangarap niya ay nakamtan na niya, at lahat ng mga nais niyang tulungan, natulungan niya.

“Handa na rin po kami, pero siyempre kami po ay nagluluksa.

"Kung makikita niyo po siya ngayon, matutuwa rin kayo sapagkat kung gaano siya kaganda, ganun pa rin si Lola Flora [Susan’s character in Ang Probinsyano], ganun pa rin ang aking nanay kaya ako ay kahit papa'no ay nabibigyan ng kasiguruhan na okay naman siya.”

PUBLIC VIEWING, INTERMENT

Ngayong Linggo, May 22, ay maaari nang masilayan ng publiko ang mga labi ng namayapang aktres.

Pagbabahagi ni Senator Grace, “Umpisa ngayong araw [May 21] para sa mga kaibigan, pamilya.

"Bukas [Sunday, May 22] po, bukas po ang ating viewing para po sa ating mga kababayang nais pumunta dito para makita siyang muli sa huling pagkakataon.

“Bukas naman po ng alas-diyes ng umaga dito. Puwede naman po pumunta hanggang gabi, pero hinihiling po natin sa ating mga kababayan siyempre huwag po tayong makalimot sa pag-iingat at maraming tao.

Continue reading below ↓

"Magsuot ng nararapat na mask at saka palaging maglilinis ng kamay at may social distancing."

Nakatakdang ilibing ang mga labi ni Susan sa darating na Miyerkules, May 25.

Pero hindi pa raw napagdedesisyunan kung itatabi ba ito sa puntod ng namayapang asawa nito na si FPJ sa North Cemetery.

“Siyempre, kasama siya talaga dahil parang Daigdig Ko’y Ikaw. So, yun talaga kasama talaga siya,” ani Senator Grace.

Ang pelikulang Daigdig Ko’y Ikaw ay ang unang pelikulang pinagsamahan nina FPJ at Susan noong taong 1965.

MESSAGE FOR MOM

Ano ang mensahe ni Senator Grace sa kanyang ina ngayong nilisan na nito ang mundo?

Pahayag niya, “Siyempre alam ko naman na nakikinig siya. Kasi kanina, alam ko nagparamdam na sa akin, siyempre ganyan din dahil palagi nating iniisip.

“Gusto ko lang sabihin sa kanya na maraming salamat, hinanda niya kami.

“Sa mahabang panahon na naulila kami kay FPJ at bago pa nun, at bata pa lang ako kung anong maituturo niya sa akin, itinuro niya sa akin.

Continue reading below ↓

“Pinalaki niya ako na maging maligaya sa kakaunti na meron, at huwag kalilimutan na meron talaga tayong misyon sa buhay na kung puwede tayong tumulong, kung meron tayong pagkakataon na tumulong, tumulong tayo.

“Huwag tayong padalus-dalos ng kilos, maging mahinahon tayo, pero huwag tayong paaapi. Pag merong kailangang sabihin, sabihin.

“Kaya, 'Ma, parang nawalan ako ng saklay pero sabi mo naman palagi, di ba, 'Gracia, kaya mo iyan. Kayanin mo iyan. Huwag mo akong papahiyain.'

“So, kakayanin naman namin at alam kong andiyan ka.”

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Senator Grace Poe on mother Susan Roces's death: “Nabigla rin kami pero kapag inisip namin ang kanyang mga gawain sa mga nakaraang buwan at linggo, inihanda na niya kami talaga.”
PHOTO/S: Allan Sancon
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results