Nasorpresa ang mga kababayan natin sa Digos City, Davao del Sur nang makita nila nang personal sa Justice Hall ang aktor na si Enchong Dee.
Isang saksi sa pangyayari na nakausap ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) ang nagkuwento na bandang alas-diyes ng Huwebes ng umaga, June 2, 2022, nang dumating sa Justice Hall ng Digos City ang 33-year old Kapamilya actor.
Mainit ang naging pagtanggap kay Enchong ng mga taong nakasalamuha niya, nagkagulo at humiling na magpakuha ng litrato na kasama siya.
Personal na nagsadya si Enchong sa Justice Hall para sa mediation hearing ng P1-billion libel case na isinampa laban sa kanya ni Drivers United for Mass Progress and Equal Rights (DUMPER) Party-list Representative Claudine Bautista-Lim noong 2021.
Read: Enchong Dee charged with cyber libel by Claudine Bautista who wants P1B in damages
Idinemanda ni Bautista-Lim si Enchong dahil sa diumano’y nakasisirang-puri na tweet ng aktor tungkol sa pagpapakasal niya sa Balesin Island, Polilio, Quezon noong 2021.
Tweet ni Enchong noong August 14,2021: “The money for commuters and drivers went to her wedding. Let’s not prolong this conversation and don’t say otherwise."
Inihingi rin agad ito ng paumanhin ng aktor: “With deep regret, I would like to apologize to Congresswoman Claudine Bautista, her husband, their families, and the DUMPER Partylist… I reacted based on impulse without thinking of the consequences nor the harm it may cause.”
Pero hindi ito sapat dahil itinuloy ni Bautista-Lim ang pagsasampa ng kaso sa Digos City noong August 23, 2021.
Noong January 31, 2022, boluntaryong sumuko si Enchong sa opisina ng National Bureau of Investigation sa Quezon City at nagbayad ng piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan dahil sa arrest warrant na inilabas ng Prosecutors Office ng Davao del Sur.
Sa re-election campaign ng DUMPER Party-list noong May 1, 2022, pabirong tinanong ni Bautista-Lim ang kanyang mga kababayan sa Davao City kung patatawarin niya si Enchong.
Sa salitang Bisaya na isinalin sa Tagalog, nagtanong si Bautista-Lim ng “Gusto niyo ba pasayawin natin siya dito [Davao stage]?"
Malakas na “dili!” (hindi) ang sagot ng mga kababayan niya.
“Ayaw niyo? Ayaw ninyong patawarin? Kayo ang nagsabi niyan, ha?” sabi pa ng kongresista.
Hindi lamang ang mediation hearing ang sinadya ni Enchong sa Davao City. Kasama ang kanyang manager na si Keren Pascual, nagkaroon sila ng charity work sa naturang lugar kahapon, June 1.