Inaprubahan ng Quezon City Council ang resolution na naglalayong ideklara ang aktres na si Ai-Ai delas Alas at director/content creator na si Darryl Yap na mga persona non grata sa Quezon City.
Dahil ito sa diumano'y pambabastos ng dalawa sa Quezon City seal na ginamit sa isang online campaign video sa katatapos na 2022 elections.
Ang persona non grata ay Latin phrase na ang ibig sabihin ay "unwelcome person."
Ayon sa ulat ng Philippine Daily Inquirer nitong gabi ng Martes, June 7, 2022, may kaugnayan ito sa online campaign video na "Ligaya Delmonte" na pinagbidahan ni Ai-Ai at hinulma ni Darryl.
Ginamit ang online campaign video sa pag-endorso kay Anakalusugan Representative Mike Defensor, na tumakbong mayor sa Quezon City nitong nakaraang eleksyon.
Umarte si Ai-Ai bilang Honorable Mayor Ligaya Delmonte at kunwa'y nagbibigay ng mensahe mula sa kanyang tanggapan.
Makikitang background sa likuran ni Ai-Ai ang seal ng siyudad na hawig ng Quezon City seal. Pero sa halip na ang text na "LUNGSOD QUEZON PILIPINAS" ay pinalitan iyon ng text na "BBM" at "SARA."
Pinaniniwalaan ng netizens na patutsada ang video kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, na katunggali ni Defensor sa pagkaalkalde noong May 9, 2022 elections.
Si Belmonte ang nanalo para sa kanyang ikalawang termino bilang mayor ng lungsod.
COUNCILOR IVY LAGMAN'S STATEMENT
Si outgoing Quezon City Councilor Ivy Lagman ang naghain ng resolusyon sa 94th Regular Session ng 21st City Council.
Sa kanyang privilege speech, umapela si Lagman na sana ay humingi ng paumanhin sina Ai-Ai at Darryl dahil hindi raw dapat ginamit ang Quezon City seal sa online campaign video.
"I am calling all the content creators, especially Mr. Darryl Yap and Ms. Ai-Ai delas Alas, and many others who were part of this project, to apologize to the citizens of Quezon City for debasing and bastardizing the beloved seal of Quezon City."
Hindi raw dapat ginamit ang seal para sa pangangampanya ng isang pulitiko, dagdag ni Lagman.
Sa latest statement ni Lagman ngayong Martes ng gabi, muli nitong ipinaliwanag ang kanyang intensiyon sa resolusyong inihain niya, at inaprubahan ng Quezon City Council.
Narito ang kabuuan ng kanyang Facebook post (published as is):
"Hindi ba dapat lang na ideklara na persona non grata sa QC ang mga at nambastos sa seal ng QC?
"Maybe this will make all content creators think twice before posting anything on social media such as these videos.
"That Freedom of Expression is not absolute. Hindi naman basta-basta nalang po na pwede tayo mag post ng mga gusto natin na hindi man lang pinag isipan mabuti kung ano ang mga laman ng mga pinalalabas natin sa mga tao.
"Kung ang Freedom of Expression mo ay hindi minsan nararapat--katulad ng pagsayaw mo habang pinapatugtog ang national anthem o ang pag gamit sa Philippine Flag ng hindi tama, etc., huwag natin itong gawing laging rason para lang mambastos.
"FYI Hindi po ito laban kay President-elect BBM and Vice President-elect SARA DUTERTE.
"Ito po ay patungkol sa paglapastang sa SEAL ng Quezon City,
"Yes you are free to be expressive with your work, but not at the expense of something which QCitizens hold in high regard.
"Quezon City prides itself with many achievements and showcases itself through its distinct corporate seal, the triangle with the pylon of Quezon Memorial Circle. It is created based on the powers given to the city through its Charter, Commonwealth Act No. 502 and Section 22(a)(3) of the RA7160 or the Local Government Code.
"Mahal po namin ang Quezon City at ang lokal na pamahalaan nito ay aming nirerespeto. Sana kayo rin."
Sina Ai-Ai at Darryl ay kapwa tagasuporta nina President-elect Ferdinand Marcos Jr. at Vice President-elect Sara Duterte.
DARRYL YAP'S REACTION
Nitong Martes ng hapon ay naglabas din ng maiksing mensahe si Darry hinggil sa apela ni Lagman na siya ay humingi ng dispensa para sa idinirek na campaign video.
Ang tanging sinabi ni Darryl: "yoko nga."
Kalakip nito ang repost ng apela ni Lagman na sana ay humingi ng paumanhin sina Ai-Ai at Darryl.
Wala pang opisyal na pahayag si Ai-Ai habang isinusulat ang artikulong ito.
Nananatiling bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit dito.