Natapos na ni Direk Mac Alejandre ang shooting ng Vivamax series na ‘Wag Mong Agawin Ang Akin.
Sa istorya, mag-ina sina Angeli Khang at Jamilla Obispo, na pinag-agawan si Felix Roco.
“Iba pala talaga yung series sa movies,” sambit ni Angeli nang makatsikahan namin pagkatapos ng special screening ng pelikulang Virgin Forest noong Hunyo 22, 2022, Miyerkules sa isang mall sa Quezon City.
“Pero kahit sa series siya, sobrang ramdam ko na tutok na tutok sa amin si Direk Mac.
“Sabi ko sa kanya, ‘Direk, ba’t ganun? Pagdating sa ‘yo, ang bilis kong makaiyak talaga. Ang bilis kong ma-all out yung mga acting ko, yung mga drama ko.’
“Kuhang-kuha niya yung mold ko as an artist. Nakikita niya talaga sa mata mo kapag napuputol ka na sa pag-a-acting.
“Talagang tina-try pa rin niya yung best niya na ulitin nang ulitin kahit na gabing-gabi na kami natatapos.”
Si Direk Mac ang nagdirek ng pelikulang Silip sa Apoy, na kung hindi kami nagkakamali ay nananatiling most watched film sa Vivamax.
ON WORKING WITH INTENSE ACTORS
Kumusta ang pakikipagtrabaho kina Jamilla at Felix sa ‘Wag Mong Agawin Ang Akin?
“Kay Jamilla, since we’ve worked before sa Mahjong Nights, close na kami agad dito sa series,” lahad ni Angeli.
“Talagang motherly siya, talagang sobrang bond na namin.
“And kay Felix naman, every time na may eksena kami ni Felix, magkatitigan lang kami, nagtatawanan na kami kaagad.
“So, it’s hard to concentrate, but also happy na sobrang comfortable na namin sa isa’t isa.
“And kahit na sa mga sexy scenes, sa parts na sobrang seryoso, ang hirap na magseryoso.
“But when we got the scene, sobrang thankful sa amin ni Direk na ibang-iba. Kasi, iba pag comfortable ang kasama mo sa set.”
Sunud-sunod ang intense actors na nakatrabaho ni Angeli.
Si Sid Lucero sa Silip sa Apoy at Virgin Forest, si Baron Geisler sa Pusoy, at si Felix Roco sa ‘Wag Mong Agawin Ang Akin.
“They all have their own uniqueness, and sa lahat naman ng tao, nadadala ako sa feelings nila,” saad ni Angeli.
“Nagagawa ko yung pag-aakting ko, and bonus na lang yun kung natutulungan nila ako sa pag-aakting.
“Thankful ako na lahat ng naka-work ko, nagdadalahan kami ng pag-aakting.”
Na-enjoy syempre ni Angeli ang pakikipagtrabaho kay Sid for the second time sa Virgin Forest.
Pahayag ni Angeli, “It was so much better. Kasi, this time, hindi na about sexually abused yung scenes naming dalawa ni Kuya Timmy [palayaw ni Sid].
“This time, nag-uusap kami, more on friends, more on relationships talaga. Kaya sobrang OK na ito yung scenes na nagawa namin dahil mas naging deeper ang relationship namin.”
Isa lang ang sexy scene ni Angeli sa Virgin Forest. Limitado. Ang mas mapangahas ay si Rob Guinto, at yung mga diwatang nakalampungan ni Sid sa may waterfalls.
“I’m happy na dito sa movie na ‘to, I get to show more of my acting than doing a sexy scene,” napangiting salaysay ni Angeli.
“I want to show the people my acting skill kaya talagang sobrang grateful ako na binigyan ako dito ni Direk Brillante [Mendoza] ng more on, ahhm, to show my potential as an actress.”
AIMING FOR AN ACTING AWARD
Umaatikabo ang sexy scenes noon ni Angeli sa Silip Sa Apoy with Sid and Paolo Gumabao.
Sinabihan ni Angeli si Direk Mac na handa siyang gawin ang lahat para sa ikagaganda ng pelikula. Ganun din ba sa seryeng ‘Wag Mong Agawin Ang Akin, o nag-level up pa?
“Nasabi ko sa previous interviews na sana ma-lessen, o mag-lay low ako sa pagpapa-sexy,” pahayag ni Angeli.
“Pero naisip ko na I’m not even half of my acting career.
“Ahhm, I want to do my best and I want to say na pagdating ng panahon na I did that, I’ve got an award for that, and I did my best through out all of my career.
“And gusto ko muna sanang magkaroon ng award. Manifest na ito! Claim ko na! Na sana!
“At pag may award na ako, I think dun na ako siguro paunti-unti na magle-lay low sa pagpapa-sexy.
“Pero sa ngayon, hanggang kaya ko pang mailabas, hangga’t may body pa ako, dun ko ipapakita. Dun ko io-all out.”
ANGELI'S SUITORS
Noong Mayo 25, pagkatapos ng special screening ng Pusoy, inamin ni Angeli na meron siyang tatlong manliligaw. Isa roon ay kilalang aktor, at ang isa pa ay negosyante?
Kumusta na ang three suitors niya, considering na mas gusto pa rin niyang mag-focus sa kanyang career?
Napahalakhak si Angeli, “Ha! Ha! Ha! Ha! Isa na lang siya ngayon! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Isa na lang ang naiwan.
“Pero iniisip ko rin na I’m not yet ready for a relationship. But hopefully, kung talagang ibibigay ni God… but I think it’s too early for me.
“Kasi, nag-i-start pa lang ang buhay ko, at may gusto pa akong i-prove sa sarili ko. And I want to help my family first.”
Hindi raw mahilig mag-text back si Angeli, kaya siguro sumuko na sa panunuyo iyong dalawang manliligaw.
“Lagi kong sinasabi sa kanila, focus muna ako sa career ko,” pakli pa ni Angeli.
Ikinakasa na ang next movie ni Angeli kung saan magbibida sila nina AJ Raval at Diego Loyzaga. Nakatakda silang mag-shooting sa Hulyo 12-20.
Ang Virgin Forest ay streaming umpisa Hunyo 24, Biyernes, sa Vivamax.
Nasa cast din nito sina Vince Rillon, Markki Stroem, Ivan Padilla, Greg Hawkins, Alma Moreno, Julio Diaz, Jao Mapa, Alan Paule, Erlinda Villalobos, Kat Dovey, at Micaella Raz.
