Magiging miyembro na ng gabinete ang film at commercial director na si Paul Soriano.
Ngayong Lunes, October 17, 2022, kinumpirma ng Office of the Press Secretary na itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Paul bilang Presidential Adviser for Creative Communications.
Nataon ito sa pagdiriwang ng ika-41 kaarawan ni Paul.
Sa kanyang Instagram Story, ibinahagi ng asawa ni Paul na si Toni Gonzaga ang pin na may disenyo ng Philippine flag at nakalagay sa kahon na may official Presidential logo.
Ito ang simbulo na bahagi na ng gabinete ang kanyang mister.
Maikling caption ng TV host-actress dito, “Using this today… [Philippine flag emoji]”

Unang inalok ni President Marcos Jr. si Paul bilang press secretary ngunit tinanggihan niya ito.
Sa panayam sa kanya ng ABS-CBN News Online noong October 5, 2022, sinabi ni Paul na mas may kuwalipikadong taong nararapat sa posisyon.
Mas makakatulong daw siya sa administrasyon kapag nagtatarabaho siya sa likod ng camera.
Aniya, “Yes, there was a conversation but I feel that the position needs more qualified people to help the President.
“I can be of better service behind the scenes working with the President‘s media and communications team.”
Dagdag pa niya, “I know my strengths, I know what I can give him. I am better utilized at the background than be in front of the camera.
“At the end of the day, my main mandate is to send out the message that we have a hard working leader that sadly people don’t see.”
Si Paul at ang asawa nitong si Toni ay masugid na tagasuporta sa kampanya ni Marcos Jr. at sa partido nitong UniTeam nitong nakaraang May 2022 elections.
Ninong at ninang din nila sa kasal ang Presidente at ang asawa nitong si First Lady Liza Araneta-Marcos, na tiyahin naman ni Paul.
Si Paul ang namamahala bilang direktor sa malalaking events ng kampanya ng UniTeam pati na sa inauguration ni President Bongbong at sa kauna-unahang State of the State of the Nation Address (SONA) nito.
UPDATE: Nakapanumpa na si Paul sa Malacañang, sa harap ni President Marcos Jr., pasado alas-tres ng hapon ngayong araw.
Kasama niya sa oathtaking ang asawang si Toni at ang anak nilang si Seve.

