Hindi pa rin makapaniwala ang aktres na si Dolly de Leon sa tagumpay na tinatamasa ng kanyang latest movie na Triangle of Sadness.
Satirical black comedy and nasabing pelikula na likha ng Swedish director na si Ruben Östlund.
Toilet manager sa isang luxury yacht na nagngangalang Abigail ang karakter na ginampanan ni Dolly sa pelikula.
Umani ng standing ovation ang Triangle of Sadness sa 2022 Cannes Film Festival sa France, na kung saan ay nasungkit din nito ang prestihiyosong Palme d'Or award.
Sa kasalukuyan ay sinusubukan ng pelikula na makakuha ng nominasyon sa international feature film category ng Academy Awards, o mas kilala sa tawag na Oscars.
Nasa Amerika ngayon si Dolly para sa promotional tour ng pelikula na makakatulong din para mapalakas ang tsansa nito na makapasok sa Oscars.
“'Ayun, ang dami po nating nadalaw na mga lugar. Siguro mga anim na lugar na yata ang nadalaw ko,” masayang kuwento ni Dolly nang makausap kamakailan through video call ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Kabilang sa mga lugar na napuntahan ni Dolly ay ang Toronto sa Canada, Austin sa Texas, Los Angeles, New York, at Middleburg, Virginia, sa Estados Unidos.
“Masaya po, sobrang exciting kasi ang dami kong nakikilalang tao. Lahat sila napaka-generous, napaka-sweet na mga tao. Kaya masaya po kahit na nakakapagod lang talaga. Pero masaya po, exciting.”
SUPPORT OF FELLOW ARTISTS
Matagal na sa showbiz si Dolly.
At bagama't nanalo na siya ng Best Supporting Actress sa FAMAS noong 2020 para sa pelikulang Verdict ay ngayon lang niya naranasan ang mabigyan ng labis-labis na atensyon sa loob at labas ng Pilipinas.
Ilan lamang sa mga proyektong ginawa noon ni Dolly ay ang Shake, Rattle & Roll III (1991), Diary ng Panget (2014), Trophy Wife (2014), Ang Babae sa Septic Tank 3: The Untold Story of Josephine Bracken (2019), at Cuddle Weather (2019).
Lumabas din siya sa maraming TV programs katulad ng Mirabella, Pusong Ligaw, Ipaglaban Mo, at Magpakailanman.
Si Dolly ay katulad ng marami sa industriya na kung tawagin ay "bit player."
Sila ang mga artista na kadalasan ay maliit lamang ang papel o limited lang ang exposure sa isang movie o TV project.
Walang manager si Dolly at nalaman lamang niya ang auditon para sa Triangle of Sadness sa tulong ng mga kaibigan.
Ano ang pakiramdam ni Dolly na nakuha niya ang proyekto kahit na wala siyang manager o agent nung panahon na iyon?
“Sanay na kasi tayo sa ganyan,” sagot ni Dolly.
“Marami kaming ganun na artista sa Pilipinas na nakakahanap lang talaga kami ng trabaho through word of mouth.
"Kasi maliit lang ang community natin, lahat tayo magkakakilala, lahat kami magkakaibigan sa industriya, so tulong-tulungan lahat
“So para sa akin, normal lang yun nung nangyari iyon. Parang walang pinagkaiba sa ibang mga trabaho na nakuha ko.
“Pero ganun lang, word of mouth lang talaga lalo sa mga artista na katulad ko. Kami-kami nagte-text-an, ‘Uy, may audition,’ ‘Uy, punta ka, bagay ka sa role na ganito.’
“Ganun lang talaga kami, tulungan.”
NOT GIVING UP
Hindi naging madali ang buhay ni Dolly bilang artista at kinailangan niyang pumasok sa iba’t ibang raket para kumita at maitaguyod ang pamilya.
“Dumating sa point ng buhay ko na apat yung trabaho ko, sabay-sabay—facilitator ako ng team building, naghu-host ako ng mga children’s party, 'tsaka nagda-dubbing ako para sa mga teleserye, 'tapos umaarte ako,” pagbabalik-tanaw ni Dolly na may apat na anak.
Natatawa niyang ikinuwento, “Nag-mascot na 'ko na baka. Ako yung nasa puwet 'tapos yung kasama kong lalaki, sa harap siya, siya yung ulo.
“So, nakahawak ako sa hips niya 'tapos sumasayaw-sayaw kaming ganyan. Lahat na nagawa ko.”
Makailang ulit na ring sumagi sa isip ni Dolly na tuluyan na lang bitawan ang pag-arte at maghanap na lang ng stable na trabaho.
“What made me kept going were the phone calls, the texts, the producers, and the directors still hiring me,” sabi ni Dolly.
“Parang para sa ‘kin, hindi na importante kung ano yung role, hindi na importante kung malaki yung bayad.
“Basta hangga’t kung gusto pa nila 'ko kunin, habang may gusto pang kumuha sa ‘kin umarte sa produksyon nila, enough reason na yun para sa ‘kin and iyon ang dahilan kung bakit hindi ako nag-quit.”
Dagdag pa ni Dolly, “Actually, yung idea na iyon, nanggaling iyon sa panganay ko.
“Dahil yung time na gusto ko na mag-quit, sabi niya, ‘Hindi, mommy, tuloy mo lang yan. Sayang naman, 'ma, tuloy mo. Pag wala nang tumawag, itigil mo na, sige. Pero habang may tumatawag pa, ituloy mo lang.
“Sabi ko, ‘Sige na nga, sige na nga.’ E, hindi naman tumigil yung mga tawag, awa ng Diyos. So, kaya tuluy-tuloy lang ang laban.”
Nagbunga naman ang pagpupursige ni Dolly at ngayon ay may posibilidad pa na mapabilang sa Oscars ang kanyang ginawang pelikula.
“Finally, nabibigyan ng recognition yung ilang taon kong pinaghirapan,” sabi niya na nakangiti.
“’Pag umaarte ka kasi ng matagal 'tapos pare-pareho lagi yung role na binibigay sa ‘yo, magkakaroon ka ng self-doubt, e.
“Parang dapat ba 'kong nandito? Parang kailangan ko na kaya maghanap ng ibang propesyon kasi wala namang nangyayari.
“'Tapos may mangyayaring ganun. Para bang nakahawak ka sa lobo 'tapos lumulutang ka na lang sa hangin. Parang ang gaan-gaan ng pakiramdam mo.
"Ang sarap-sarap ng feeling na nare-recognize.”