Si Jeric Gonzales ay nirekomenda mismo ni Alden Richards na maging co-star nito sa Start-Up PH.
“Of course thankful ako kay Alden, sa dami ng artista sa GMA,” umpisang reaksiyon ni Jeric tungkol dito.
“Salamat sa kanya kasi nagbigay ito ng opportunity sa akin, na hindi basta-basta project ito."
Mismong ang role na ipinagkaloob kay Jeric sa Start-Up PH ay maituturing na big break para sa kanya. Siya ang gumaganap na Dave Navarro, ang Pinoy counterpart ni Nam Do San, na ginampanan ng South Korean actor na si Nam Joo Hyuk.
Dugtong ng Kapuso actor, “Napaka-importante nung role. Kumbaga dun sa Korean na version, sa original, kumbaga ito yung isa sa pinakabida talaga, e.
"So para ibigay niya sa akin yun, talagang nagtiwala siya sa akin. So thankful ako sa kanya. Hindi ko makakalimutan ito for the rest of my career, sa showbiz and my life."
Bukod kina Alden at Jeric, bida rin sa Philippine adaptation ng hit K-drama na Start-Up sina Bea Alonzo at Yasmien Kurdi.
“Ang laking ano nito, ang laking bagay sa career ko, parang, it’s a milestone na pinayagan niya akong makasama dito, na makasama sila ni Bea, ni Yasmien.
"And then maging ganito yung feedback ng mga tao, sobrang happy ako, and I’m excited to see what’s next after this,” ang nakangiting sinabi pa ni Jeric.
HOW JERIC HANDLED THE DOUBTERS
Aminado naman si Jeric na nakarating sa kanya ang mga pagdududa at pangunguwestiyon noong in-announce na isa siya sa apat na bida sa Start-Up PH.
May mga nagtatanong daw kung kaya niyang makipagsabayan kina Alden, Bea, at Yasmien.
Paglalahad ni Jeric, “Actually nung una, siyempre kinabahan din ako.
"Siyempre nung una pa lang ipinakita yung cast, kung sino yung mga makakasama dito, ako yung isa dun, maraming comments, may mga doubters, so kinabahan ako!
“Siyempre, somehow tinanong ko din yung sarili ko kung kaya ko ba."
Naging malaking tulong kay Jeric ang tiwala ng ilang key personalities behind the scenes: ang mga direktor ng Start-Up PH na sina Jerry Lopez Sineneng at Dominic Zapata, Senior Program Manager na si Cathy Ochoa-Perez, at Senior Executive Producer na si Mona Coles Mayuga.
Ani Jeric, “Naisip ko, naniniwala sa akin si Alden, naniniwala sa akin ang GMA, and then the production, of course my directors, then si Ms. Cathy, my PM. So bakit hindi ko gagawin ito?
“Si Ms. Mona pala, naniniwala sila sa akin, ibig sabihin para sa akin itong role na ito.
“So ayun, nagtiwala lang ako sa kanila. And then with the help of my directors, mga co-artist ko, nagawa ko naman nang maayos.”
Nakatulong din naman daw sa kanya ang mga nagduda sa kakayahan niya.
“Parang nacha-challenge ako lalo na ipakita na, ito, parang, worth it ako sa role na ito. So ayun, nakailang weeks na kami magaganda lagi ang reviews, at sana magtuluy-tuloy.”
Mapapanood ang Start-Up PH weeknights at 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.
