Mainit pa ring pinag-uusapan sa halos lahat ng social media platforms ang mga naging pahayag ni Alex Gonzaga tungkol sa “artistang matanda” na sinigaw-sigawan siya noon sa pinagsamahan nilang teleserye.
Ikinuwento ni Alex ang “traumatic” experience niyang ito sa December 1, 2022 episode ng kanyang podcast na "Ano Na Catherine."
Idinetalye rito ni Alex ang tungkol sa senior co-star na tinalakan siya dahil late dumating ang TV host-vlogger.
Walang pinangalanan si Alex kung sino ang tinutukoy niyang “artistang matanda,” pero marami ang nagbanggit sa pangalan ni Dina Bonnevie.
Read: Is Alex Gonzaga referring to Dina Bonnevie as the "artistang matanda" who scolded her on the set?
Nagkataon namang pinag-uusapan din ang rebelasyon ni Dina sa isang interview ukol sa nakatrabahong younger co-star na pinagsabihan niya dahil sa "diva attitude" umano nito sa kanilang set.
Tumugma sa mga pahayag noon ni Dina ang mga naging pahayag ni Alex sa kanyang recent podcast episode.
Sina Dina at Alex ay nagkasama sa teleseryeng P.S. I Love You ng TV5 noong 2011.
ALEX POSTS A POSITIVE COMMENT
Pinagpiyestahan ang isyung ito at muling nabuhay ang previous interviews ni Dina ukol sa pinagalitang younger co-star.
Naging maingay ang netizens na walang pakundangang pinapangalanan sina Dina at Alex sa kanilang posts sa social media.
Ang ibang netizens, sinadya pa talagang bumisita sa Instagram account ni Dina at nag-iwan ng comments sa latest post ng award-winning actress.
Hinihingan nila ng reaksiyon ang seasoned actress hinggil sa isyu, subalit tahimik si Dina at walang sinagot na komento.
Sa kabilang banda, isang makahulugang Instagram Story ang ipinost ni Alex nitong Biyernes, December 9, 2022.
Ni-repost ng TV host-vlogger ang positive comment ng isang supporter na ipinagtatanggol siya.
Sa komento ng supporter, sinabi nitong “na-amazed” siya sa mga pahayag ni Alex sa "Paano Ba To: The Podcast" ni Bianca Gonzalez noong March 2022.
Sabi ng supporter, komedyante si Alex sa kanyang personal vlogs, “Pero dun sa isang podcast na yun [Paano Ba To], ang dami kong natutunan.”
Ang pinag-usapan pa raw noon ay tungkol sa purpose, at marami raw napulot ang supporter sa mga pahayag ni Alex.
“Kaya I’m so glad na meron na rin siyang sariling Podcast. Hihihi!” sabi ng supporter ukol sa sariling podcast ni Alex.
Simpleng reaction ni Alex: “Aaaawwww thank you [embrace emoji]”
Kalakip nito ang digital poster ng podcast ni Alex.

Walang mang paliwanag, mahihinuhang nais ipahiwatig ni Alex na ikinatuwa niyang naging makabuluhan ang kanyang podcast sa supporter na ito.
Kung pakikinggan ang podcast entries ni Alex, nagbabahagi siya ng mga pangyayari sa kanyang buhay at ang mga natutununan niyang leksiyon mula sa mga karanasang ito.
NETIZENS CONTINUE TO TEASE ALEX
Pero hindi pa rin tinatantanan si Alex ng kanyang mga kritiko.
Sa recent IG post niya na ipinu-promote ang kanyang latest vlog, magkahalo ang comments.
Naroon pa rin ang kanyang supporters, pero may mga kritiko ring nagkomento kaugnay ng isyu sa kanila ni Dina.
Sabi ng iba, hihintayin nilang i-guest ni Alex kanyang sa vlog ang “artistang matanda.” Ang iba, humihiling na gumawa si Alex ng house tour vlog kay Dina.
May iba namang pinuna si Alex tungkol sa kontrobersiya, gaya ng komentong hindi raw ito dapat nagpapahintay sa set. May pumuna rin ng kanyang pagiging "unprofessional" umano.

