Naghayag ng kanilang saloobin sina Agot Isidro at Nikki Valdez dahil sa tila pang-iisnab ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2022 jurors sa entry nilang Family Matters.
Read: Will Family Matters rule MMFF 2022 box office?
Bago ang Gabi ng Parangal ng MMFF 2022 nitong Martes, December 27, 2022, marami ang nagsasabing at humuhulang maghahakot ng awards ang family drama entry na ito mula sa Cineko Productions.
Pero sa mismong awards night, hindi man lang nakakuha ng nominasyon sa maraming kategorya ang Family Matters.
Ang tanging napanalunang award nito ay ang Gatpuno Antonio J. Villegas Award.
Sa kanyang Twitter account ngayong umaga ng December 28, sunud-sunod ang tweets ni Agot tungkol sa hindi pagpansin ng MMFF 2022 jurors sa kanilang pelikula.
“Medyo disappointed” daw siya dahil hindi napansin sa maraming kategorya ang kanilang entry.
Aniya, “About last night. (My [thought balloon emojis])
“Nagsama sama ang pamilya Florencio kagabi except kay Mommy & Daddy. Umuwi na medyo disappointed na hindi napansin man lang ang ibat ibang aspeto ng aming pelikula.
“Although, Salamat sa Gatpuno Villegas Cultural Award. Much appreciated.”
Ang "pamilya Florencio" na tinutukoy niya ay ang cast ng Family Matters na kinabibilangan nila nina Nikki, Nonie Buencamino, Mylene Dizon, at JC Santos na dumalo sa awards night.
Ang "Mommy & Daddy" namang tinutukoy niya ay ang senior stars na sina Liza Lorena at Noel Trinidad, na hindi dumalo sa awards night.
Read: Liza Lorena at Noel Trinidad, may "kissing at bed scenes" sa Family Matters
Sa ikalawa niyang tweet, sinabi ng actress-singer na nakakahinga na rin sila nang maluwag dahil sa magagandang reviews at mensahe ng suporta sa kanilang pelikula.
Aniya, “Ang nakakapagluwag ng aming dibdib ay ang messages of support, lahat ng glowing reviews, posts na hinihimay ang storya, mga reaksyon pagkalabas ng sinehan. Hangad namin na ang mga aral na natutunan at natuklasan uli ay inyong isasapuso.”
Ayon pa kay Agot, panalo na raw niyang maituturing ang suporta ng mamamayang Pilipino sa Family Matters na may lagpas isandaang sinehan.
“Hindi bale wala sa amin yun. If anything, dito pa lang sobrang panalo na kami.
"Maraming, maraming Salamat sa suporta. Inaasahan namin na mas marami pa ang manonood.
"Showing pa rin ang Family Matters sa more than 100 theaters. Kitakits tayo dun.”
Halos ganito rin aang saloobin ni Nikki Valdez.
Sabi ng Kapamilya actress sa Facebook ngayong araw rin, “Hindi man kami nanominate sa napakaraming categories kagabi, pinakamasarap na award na sa amin ang marinig sa karamihan na ‘blessing’ ang pelikula namin sa kanila.
"Dun palang, panalong panalo na kami. Imagine, buong buhay dadalhin ng bawat pamilyang Pilipino sa puso nila ang #FamilyMatters ? Family Matters Movie”
Ikinatutuwa raw ni Nikki ang magagandang sinasabi ng moviegoers sa kanilang MMFF entry.
Lahad niya, “MISSION ACCOMPLISHED na.
“Salamat sa patuloy na good reviews at suporta. +24 cinemas today. Tuloy lang ang pagbibigay ng ligaya at mga aral na habambuhay natin dadalhin sa ating mga puso. [heart emoji]”
Ang Deleter ang nagwaging Best Picture at nakakuha ng pinakamaraming awards sa MMFF 2022 Gabi ng Parangal.
Second Best Picture ang Mamasapano: Now It Can Be Told at Third Best Picture ang Nanahimik ang Gabi.
Ang itinanghal na Best Actress ay si Nadine Lustre para sa pelikulang Deleter, at Best Actor naman si Ian Veneracion para sa pelikulang Nananahimik ang Gabi.
