FO o friendship over.
Lumalabas na ito ang nangyari sa pagitan nina Dave Bautista at Manny Pacquiao batay sa rebelasyon ni Dave sa isang magazine shoot.
Ang isyu: dahil sa mga pinakawalang anti-gay comments ni Pacquiao noon.
Malapit sa puso ni Dave ang LGBTQ+ community.
Si Dave ay Filipino-Greek professional wrestler-turned-Hollywood actor, habang si Manny ay Pinoy boxing champ na naging pulitiko.
Sa isang video clip na kumakalat ngayon sa TikTok, inilahad ng Guardians of the Galaxy star kung bakit tinakpan niya ang isang tattoo sa kanyang kaliwang braso.
"It used to be a team logo," ani Bautista sa TikTok video na hinugot mula sa kanyang interview sa GQ.
"I was part of a team of a person I considered a friend and someone I really looked up to,” ani Bautista.
Walang binanggit na pangalan ang Hollywood actor, subalit pinangalanan na sa iba-ibang international at local online media na ang tinutukoy ni Dave ay ang katulad na tattoo ni Pacquiao.
Dugtong niya, “And then, he later came out publicly with some anti-gay statements and turned out to be an extreme homophobe."
Aminado si Dave na personal sa kanya ang isyu.
Pagtatapat niya: “It's a personal issue with me, my mom's a lesbian.
“And I just could no longer call him a friend. So, I had it covered up with this."
Ang ipinatong na tattoo ni Dave ay sugar skull face ng isang babae.
Dahil dito nagsulputan ang dating tattoo na nakaukit sa kaliwang braso ni Dave na nagpapakita ng bulalakaw tattoo na kahawig ng tattoo ni Manny.

PACQUIAO’S ANTI-GAY STATEMENT
Noong 2016, naging kontrobersiyal ang pahayag ni Pacquiao na sinabing ang same-sex marriage ay “mas masahol pa sa hayop.”
Umani ng matinding batikos si Pacquiao mula sa sa LGBTQ+ community at supporters nito.
Pero tila nagbago ang ihip ng hangin kay Pacquiao nang sabihin niya sa isang 2021 interview na, “Who am I to judge?”
Parte ng paliwanag noon ng boxer-politician: “Na-edit kasi masyado yung statement ko na yun.
“Ang sinasabi ko palagi, hindi ko kinu-condemn yung mga gay, mga LGBT.
“May mga pamangkin ako na LGBT, ang dami ko mga LGBT na workers, sa bahay ko, kahit sa mga kapatid ko.
“As a person, hindi mo sasabihin na galit ka sa kanya, kinokondena mo siya. Dapat nga, who am I to judge a person, di ba?”
