Mukhang tapos na ang mainit na pinag-uusapang kontrobersiya sangkot ang TV host/actress/vlogger na si Alex Gonzaga at ng waiter na si Allan Crisostomo.
Si Allan—ang waiter na laman ng viral video kasama si Alex—mismo ang naglabas ng maiksing pahayag sa ABS-CBN News ngayong Miyerkules, January 18, 2023.
Ayon kay Allan, personal siyang pinuntahan ni Alex sa kanyang pinagtatrabahuan kahapon, January 17.
Doon ay humingi raw ng paumanhin sa kanya ang Tropang LOL host.
Bahagi ng pirmadong pahayag ni Allan na inilabas ng ABS-CBN News: “Last January 17, 2023 around 6:30 PM nasa work po ko. Pumunta po si Ma’am Alex kung saan po ako nagwowork.
“Then nag apologize and nagsorry siya saken tapos konting kwentuhan at sinabi ko po sa kanya na ok na po yung nangyari. Ok na po kami.”

Inilabas ni Allan ang kanyang pahayag ilang oras matapos maglabas ng pahayag ang publicist ng pamilya Gonzaga, kung saan nakasaad na kaibigan ni Alex at ina nitong si Pinty Gonzaga ang waiter.
Read: Alex Gonzaga camp breaks silence on viral video; says waiter is close to Gonzaga family
Matatandaang noong January 15, 2023, nag-viral ang short video na kuha sa bisperas ng kaarawan ni Alex kung saan makikitang pinahiran niya ng chocolate icing sa noo ang waiter matapos hipan ang kandila ng kanyang birthday cake.
Read: Ika-35 kaarawan ni Alex Gonzaga, nabahiran ng isyu dahil sa pagpahid niya ng cake sa noo ng waiter
Dahil sa pangyayari, naging trending topic si Alex ng netizens kung saan karamihan sa mga ito ay binatikos ang TV host/vlogger/actress.
Ilan sa mga personalidad na bumatikos sa kanya ay sina DJ Mo Twister, Arnold Clavio, at marami pang social media personalities.
Sa kabilang banda, kabilang sa mga nagtanggol kay Alex ay si Kris Lawrence.
