Para sa dating Kapuso young actress na si Kyle Ocampo, laging may lugar sa puso niya ang GMA-7.
Naging isa siya sa lead cast ng Munting Heredera, na umere noong 2011.
Pero nagsimula ang career ni Kyle sa kiddie show na Tropang Potchi, kung saan kasama siya sa cast hanggang nagtapos ito
Nanggaling din sa naturang kiddie show ang Sparkle actress na si Bianca Umali, pero hindi sila nagpang-abot ni Kyle dito.
“No po, after po niya ako yung pumalit,” sabi ni Kyle.
Paglilinaw naman ni Kyle, inabutan pa niya ang launch ng Sparkle, na dating GMA Artist Center, noong August 2022, pero hindi na siya naging bahagi nito.
Tapos na kasi ang kontrata ni Kyle bilang Kapuso noong inilunsad ang Sparkle.
"Hindi na po nag-renew," aniya.
Pero kahit na officially released na siya ng GMA Network noong August last year, "always thankful" naman si Kyle sa pinanggalingang network.
Aniya, “Well, thankful po ako palagi… always na po akong thankful sa GMA, kasi naging malaking parte naman po sila kung bakit ako naging Kyle Ocampo ngayon.
"Pero hindi naman po maiiwasan na we have to go on separate ways para po mag-grow as an actress and as a person po.”
Si Kyle ay nasa pangangalaga na ngayon ng bagong talent agency na Marikit Artist Management.
Paano kung may makukuha si Joseph “Jojo” Aleta, ang may-ari at CEO ng Marikit, na mga project sa GMA? Ano ang mararamdaman ni Kyle?
“I’m open naman po na mag-work uli sa GMA,” bulalas ng aktres.
“Like I said naman po kanina, I’m always thankful po and may place naman po siya sa heart ko and ten years din naman po ako sa GMA, so open naman po kami sa lahat ng network po.”
Hindi naman daw ito magiging awkward para kay Kyle, "Kasi until now naman po nagkaka-work pa rin po ako sa GMA.”
Napanood pa si Kyle kailan lamang sa Abot Kamay Na Pangarap, na pinagbibidahan ni Jillian Ward.
“Young Zoey po ako, si Kazel.”
Si Zoey, portrayed by Sparkle actress Kazel Kinouchi, ang kontrabida kay Dra. Analyn Santos portrayed by Jillian.
Bukod kay Kyle ay mga talents ng Marikit Artist Management sina Barbara Miguel, Jeremy Luis, Charles Angeles, Angelika Santiago, at ang all-male group na Masculados na binubuo nina Robin Robel, Nico Cordova, David Karell, Enrico Mofar, Richard Yumul, at Orlando Sol.
