Mahigpit na nagyakapan sina Nora Aunor at Gina Alajar nang magkita sa storycon ng pelikulang Pieta noong Pebrero 4, Sabado ng hapon, sa Victorino’s restaurant, Sct. Rallos St., Quezon City.
“Natutuwa ako dahil kasama ko na naman ang kumare ko,” nakangiting pahayag ni Gina habang katabi si Nora sa open forum.

Limang pelikula na ang pinagsamahan nila — My Little Brown Girl (1972), Condemned (1984), Bulaklak ng City Jail (1984), Tatlong Ina, Isang Anak (1987), at Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina? (1990).
“Dun sa Tatlong Ina, Isang Anak, beybing-baby pa si Lotlot [de Leon],” pagbabalik-tanaw ni Gina.
“My Little Brown Girl, mare, Nora-Tirso [Cruz III] pa noon. Sampaguita [Pictures]. Fourteen years old ako noon, mare.”
Kinorek ni Nora na 12 years old pa lang noon si Gina.
“Ahh 12… 12… tama. Parang ganun. Oo, yeah, nag-aaral ka pa noon e. From school, nagpupunta ka sa shooting. Nag-aaway pa kayo ni Tirso.”
Natawa si Nora sa ipinaalala ni Gina.
Naidirek ni Gina si Nora sa Kapuso drama series na Onanay (Agosto 2018-Marso 2019), na tinampukan din nina Jo Berry, Cherie Gil, Mikee Quintos, Kate Valdez, Wendell Ramos, at Gardo Versoza.
Bale ikapitong pagsasama na nila sa Pieta kung saan bidang lalaki si Alfred Vargas, na prodyuser din ng pelikula.
Ang direktor ay si Adolf Alix Jr.
Read: Alfred Vargas, "umakyat ng ligaw" sa National Artist na si Nora Aunor
DIREK GINA ON DIRECTING A NATIONAL ARTIST
Nagpasalamat si Nora kay Direk Gina dahil ginabayan siya nito sa isang mahirap na eksena sa Onanay.
Pagsisiwalat ni Ate Guy, “Nung Onanay po namin, may eksena ako na iiyak dahil namatay si Gardo, yung kapatid ko. Ay! Hindi ako makaiyak pagdating sa mga ganyan.
“Nilapitan ko si Direk. Sabi ko, ‘Direk, ninenerbiyos ako, hindi ko alam kung ano ang gagawin kong iyak.’
“Kasi alam kong hindi ako makakaiyak, baka mamaya… sa sarili ko, parang… kaplastikan ang ipapakita ko? E, hindi pwedeng ganun.
“Kailangan totoo at nararamdaman ko kung ano ang gagawin ko lalo na pag iyakan at drama talaga.
“Tapos, sabi sa akin… aywan ko, ano ba ang ginawa mo sa akin at napaiyak ako talaga?” pagbaling ni Nora kay Direk Gina.
Sabi ni Direk Gina, “Inakbayan yata kita.”
Pagpapatuloy ni Ate Guy, “Inakbayan ako. May sinabi sa akin si Mare tapos pinisil ang kamay ko. Ayun, naiyak na ako… ‘Sige na, sige na,’ sabi niyang ganun. ‘Take na tayo, take na tayo!’ sabi niya.
“Sa awa ng Diyos, nakuha ko naman po iyong pinapagawa sa akin ni Direk. At nagpapasalamat ho ako dahil nagustuhan ng mga nakapanood yung eksena namin na yun, yung emosyon.
“Kaya thank you, Direk, thank you very much. Dito, ha… hihintayin ko uli yung pagtuturo mo sa akin, ha?”
TAMPUHAN BETWEEN NORA AND GINA
Ibinunyag ni Nora na medyo sumama dati ang loob ni Direk Gina sa kanya.
Kuwento ni Ate Guy, “May kasalanan akong nagawa sa kanya, na totoo naman, aminado ako na kasalanan ko naman.
“Pero kinausap niya ako at marunong siyang magpatawad sa kapwa. Iyon ang gusto kong sabihin sa kanya na… yun ang kumare ko, na marunong umintindi, maunawain at mapagmahal na direktor at artista at kumare.
“Mare, maraming salamat. At ngayon na magkasama kami muli… Mare, huwag mong kalilimutan, ha? Lalapit uli ako sa yo kung halimbawa hindi ko alam kung ano ang iaarte ko.
“Maliban kay Direk [Adolf], ha? Hindi ko na lalapitan si Direk [Adolf], ikaw na lang! Ikaw na ang kakausapin ko!”
Natawa si Gina at ang pakli, “Magtuturuan tayo.”
Giit pa ni Nora, “Turuan mo ako. Mabait na kumare ko yan, si Mareng Gina.”
MENTOR OF A NATIONAL ARTIST
Ano ang pakiramdam ni Direk Gina na itinuring siyang guro o mentor sa acting ng National Artist na si Nora?
“Huwag kayong maniwala diyan, naku!” pagkunot-noo ni Gina.
“Parang ano lang si Mareng Guy… parang si Mommy Anita Linda.
“Si Mommy Anita Linda, kapag kaeksena ko, laging sasabihin sa akin, ‘Gina, Gina, pisilin mo yung kamay ko kapag dialogue ko na, ha? Ha?! Pisilin mo!’ ‘Opo! Opo!’
“Take! Hindi ko pa napipisil yung dialogue, e, yung kamay niya… nagda-dialogue na siya. Tama na ang timing. Ganun si Mareng Guy.
“Sasabihin lang niya na hindi, hindi, hindi… pero at the end of the day, kapag nag-take na, kapag nag-roll na ang camera, magagawa naman niya. Gagawin naman niya, you know.
“It’s not only naman yung sa eksena niyo ni Gardo na namatay siya na umiyak ka dun, meron ka pang isang eksena dun na… awang-awa ka sa anak mo, kay Onay, na lumabas ka ng hospital, e, nandun ka sa hallway.
“Umiyak ka din dun pero subtle na iyak lang, hindi ba? That time also, sabi mo, ‘Ayokong umiyak, ayokong umiyak.’ Then sabi ko sa yo, ‘Kaya mo yan, kaya mo yan.’
“You know, I think nandun na… nandun na, nakatanim na sa kanya yun, innate na sa kanya yun, yung talento niya.
“Na kahit sabihin pa niyang hindi niya kaya, hindi niya kaya… pag nagrolyo na ang kamera, kaya niya pa rin yun. Kaya niya pa rin.
“Tingin ko, parang nililimitahan lang niya yung sarili niya na hindi niya alam, na hindi niya alam but… Nora Aunor is Nora Aunor, you know. Nora Aunor is Nora Aunor!”
NORA'S HUMILITY AS AN ACTRESS
Bilib na bilib si Gina kay Nora noong maidirek niya ito sa Onanay dahil sa humility nito.
Pagpapatotoo pa ni Gina, “Hindi ko siya kinakitaan ng pagka-diva. And yun nga, yung sinasabi na yung… parang hindi niya magagawa kung hindi ko siya tinulungan.
“Hindi totoo yun. Magagawa niya yun. Magagawa niya yun! Minsan lang naglalambing siya.
“My gosh!!! Yung eksena na yun kay Gardo Versoza, kung hindi siya ang gumawa nun, kahit na anong motivation ang gawin ko dun, kung hindi siya ang gumawa nun, it wouldn’t be like that!
“The result wouldn’t be like that. But because she’s Nora Aunor at isa siyang napakagaling na artista, kaya niya nagawa yun.
“Kaya naging unique yun, naging iba. Kasi after the take, we were all like… HA?!” pagre-reenact ni Gina ng incredulous expression.
“Yung ganun talaga, and you know I just instructed the cameramen na, ‘Hindi pwedeng ma-take 2 ito kasi buhos ito! Buhos ito!’ So the cameramen were really ano, ‘Sandali lang po, sandali lang po!’
“Tumatakbo around the set para makunan ang close-up niya. Di ba?! Sabi ko, ‘Dahan-dahan kayo! Hindi siya puwedeng ma-distract! Dahan-dahan!’
“Di ba, galawan nang galawan ang kamera. Pero dire-diretso pa rin siya. Yun, yun yun. Yun ang totoo.
“Dire-diretso siya. Mahaba yung eksena. But we wanted to get the close-ups and all, so diretso lang siya.”
NORA WORRIED ABOUT BEING INTERVIEWED
Nagpasalamat din ang Superstar sa mga taga-media na dumalo sa storycon ng Pieta.
Pahayag ni Ate Guy, “Kanina nga, nung sinalubong ako ni Kuya Mario [Dumaual], napaiyak ako dahil ilang beses na iyang nagte-text sa akin, ‘Ate Guy, painterbyu naman.’
“Pero hindi ko siya sinasagot. Kasi natatakot ako na sinagot ko siya at magpapainterbyu ako, hindi ako makakasipot, o hindi ako makakasagot.
“Kaya pasensya na talaga, Kuya Mario, hindi ko talaga… ibig sabihin, andun na rin talaga yung sinadya ko na talagang hindi kita kinausap.
“Pero kasi, may kinatatakutan ako, bakit ako hindi pumayag na interbyuhin.
“Maraming salamat po dahil sa tagal ng panahon na may mga nangyari sa buhay ko, siguro nababalitaan niyo naman po yun — may mga totoo po dun pero may konting hindi naman totoo.
“Pero hindi ko na po iisa-isahin kasi baka mag-iyakan ho tayo rito, madala kayo sa kuwento ko, e, maabutan tayo ng gabi, ano.
“Kaya ang sa akin lang po, maraming-maraming salamat po sa inyo at naririyan pa rin kayo, ahh maliban sa itong ginagawa kong pelikula na talagang hindi ko alam kung…
“Eto na naman ako, Direk,” natatawang sabi ni Ate Guy.
“Kayo na po sana ang bahalang magpapasensya. Nagpapasalamat ako na hindi ninyo ako nakakalimutan…
“Maraming salamat. Mula sa puso iyan.”
Related Stories:
- Matet de Leon reconciles with adoptive mother Nora Aunor
- Lotlot de Leon denies "boycotting" mother Nora Aunor on Christmas eve
- Ian de Leon spends Christmas with mom Nora Aunor again “after a very long time”
- Matet de Leon on rift with adoptive mother Nora Aunor: "Hindi ko na siya kakausapin ulit."
- Matet de Leon deeply hurt by adoptive mother Nora Aunor's "betrayal": "Ang lakas makaampon nung ginawa nila."
- Lotlot de Leon opens up about reconciliation with mom Nora Aunor
- Lotlot de Leon responds to critic slamming her for skipping family reunion at mom Nora Aunor’s house
- Ian de Leon reveals "bitter truth" why he did not show up at birthday party prepared by mom Nora Aunor
- Lotlot de Leon, itinangging magkasundo na sila ng inang si Nora Aunor
CONFIDENT ABOUT DOING PIETA
Kampanteng-kampante si Nora na gawin ang pelikulang Pieta.
Katuwiran ng Superstar, “Dalawang direktor po ang titingin sa akin dito, e. Plus yung aking producer kaya… hay naku, sorry.
“Ahhm andami kong gustong sabihin pero aabutin tayo ng hanggang bukas niyan e! Hi! Hi! Hi! Pasensiya na lang po, sa akin pa rin.
“Ahh kung ano ang pagmamahal ninyo, ahhh nandun lang po yun sa puso ko dahil yung pagmamahal ninyo ay nakaukit na sa puso ko iyan. Hindi na po mawawala iyan.
“Kaya yun pong mga totoong nagmamahal po sa akin, asahan po ninyo na hindi rin mawawala ang aking pagmamahal sa inyo.
“Hindi man tayo magkita, hindi man tayo masyadong magkausap, alam niyo na po yun. Basta nasa puso ko kayo, nasa isip ko kayo. Alam niyo na po yun kung ano ang ibig kong sabihin.
“Hindi tayo magkakahiwalay habambuhay.”
Nagpalakpakan ang showbiz press and vloggers, at napabulalas si Alfred, “Direk, na-starstruck ako. Ha! Ha! Ha! Starstruck ako, katabi ko si Miss Nora Aunor!”
