Kabilang ang Kapamilya actors na sina Jericho Rosales at Piolo Pascual, Kapuso stars na sina Bea Alonzo, Alden Richards, at Sanya Lopez sa mga kilalang bituin sa showbiz na hinahangaan ni Johnny Manahan.
Si Manahan, o mas kilala sa entertainment industry bilang Mr. M, ay isang respetadong star builder, mentor, at TV director.
Siya rin ang co-founder at dating head ng Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN, bago ianunsiyo noong July 2021 ang paglipat at pagiging consultant niya sa GMA Artist Center (ngayon ay Sparkle GMA Artist), ang talent management arm ng Kapuso Network.
Read: Johnny "Mr. M" Manahan now officially a Kapuso
Sa YouTube channel ng Sparkle GMA Artist Center nitong Linggo, February 12, 2023, nakapanayam ni Alden si Mr. M.
Bilang isa sa mga haligi ng showbiz industry, sinu-sinong local stars ang “pinaka-kinabibiliban” niya ngayon?
Sagot ni Mr. M, “Dito sa atin, nandiyan sina Jericho Rosales, Piolo [Pascual], Alden Richards.”
Halos hindi naman makapaniwala si Alden na mapasama at mabanggit ni Mr. M ang kanyang pangalan.
Sabi ni Mr. M sa kanya, “Ito, totoo, di ba, nagkita tayo, we saw in the project once sa Hello, Love, Goodbye [2019] with Kathryn Bernardo? Doon ko lang nalaman kung gaano kalalim yung ano mo [passion].”
Pagbabalik-tanaw rin ni Alden, “Very vivid pa sa akin, we met in the backstage right after the film and you said only one word to me, 'sensitive,' that’s it.”
Na agad sinang-ayunan ni Mr. M, “Very, very sensitive.”
Sabi naman ni Alden, “Hinding-hindi ko po makakalimutan yon, Sir. That made a mark on me, coming from you po.”
Dagdag pa ni Mr. M, “Kasi yung iba, their acting, kinukuha sa ano sa bravado, kung siga ka, mahirap kung makuha mo yung sensitivity.”
Nahihiyang sagot ni Alden, “Thank you, Sir.”
Read: Mr. M on ABS-CBN execs' reaction to Alden-Maine teamup: "Nataranta sila."
Bukod kina Alden, Jericho, at Piolo, kasama rin sa mga pinangalanan ni Mr. M ang Kapuso actress na si Sanya Lopez at dati niyang mine-mentor na si Bea Alonzo.
Sabi niya, “Sa girls, sina Bea Alonzo at Sanya.
“Siyempre ngayon ko lang [nakasama] yung mga artista sa GMA, talagang I get to know them better.
“Actually, there’s a lot of talented people sa GMA and in the future, I hope I can bring more people in and develop them like I used to before I came into GMA.”
Read: Johnny "Mr. M" Manahan explains how Sparkle banner artists were chosen
Hindi maipagkakaila kung bakit kasama si Bea sa nabanggit ni Mr. M. Noon pa man ay bukas na siyang sabihin sa publiko kung gaano siya ka-proud sa narating ng dating alaga.
Bago pumirma ng exclusive contract si Bea sa GMA-7 noong July 1, 2021, matagal niyang nakasama ni Mr. M sa bakuran ng ABS-CBN.
Kung kaya’t noong October 14, 2022, naging emosyonal ang aktres nang magbigay ng mensahe sa kanyang kaarawan ang dati niyang mentor at itinuturing niyang tatay-tatayan na si Mr. M.
Read: Johnny Manahan wishes Bea Alonzo a “very successful career here at GMA”
Mensahe ng star builder kay Bea sa kanyang ika-34 kaarawan: “I want to wish you a very happy birthday.
“Alam mo naman, hindi ako gumagawa nito, yung mga ganito… But then for you, special ka, you’re special to me.
“And I hope you have a very nice birthday and very successful career here at GMA. Love you.”
Naiyak si Bea sa mensahe ni Mr. M dahil ito raw ang unang naniwala sa abilidad niya bilang aktres.
“Mr. M, I love you so much, alam na alam mo iyan, super...Na-emotional ako,” sabi ni Bea habang naiiyak pero natawa rin siya sa huli.
Paliwanag pa ni Bea, malaking parte sa buhay niya si Mr. M na siyang nag-build-up sa aktres para sumikat.
Aniya, “For me, kasi siyempre, twenty years ago nung kinuha niya ako as his talent, nung wala pang nagtitiwala sa akin.
“At siya pa lang ang unang-unang nagtitiwala sa akin.
“Parang inaakay niya ako nung mga panahon na iyon, e,” sabi ng naluluha pa ring si Bea.
Hanggang sa magdesisyon daw si Bea na lumipat sa ibang TV network ay naka-alalay pa rin si Mr. M sa kanya.
Read: Mr. M reacts to Bea Alonzo transferring from ABS-CBN to GMA-7
