Dahil sa gag order ay hindi pa rin makapagbigay ng detalye si Carla Abellana tungkol sa dahilan ng paghihiwalay nila ni Tom Rodriguez.
Read: Tom Rodriguez at Carla Abellana, hiwalay na tatlong buwan lamang pagkatapos ikasal?
Sa panayam ni Carla sa Fast Talk With Boy Abunda ngayong Huwebes ng hapon, February 16, 2023, kasama niya ang kanyang legal counsel na si Atty. Peter Sanchez upang magabayan ang aktres at ang host na si Boy Abunda sa magiging takbo ng kanilang usapan.
Sinubukang tanungin ni Boy si Carla kung ano ang mga dahilan ng kanilang paghihiwalay ni Tom.
Sinagot naman ng aktres ang tanong ngunit hindi siya nagbigay ng detalye o paliwanag tungkol dito.
Ayon kay Carla, "Napakadaming dahilan. Kung ililista po natin, medyo marami po yan.
"But, basically, bottomline is… kumbaga, umabot na po sa breaking point, e. Kumbaga, sobra na po, parang ganun.
"So there was still disrespect, lying, and all that. There was no change. Hindi po yon first time na nangyari sa amin, kung ano man po yung pinagdaanan namin.
"Pero ito po yung taken into a different level, mas extreme na po, mas malala. And you know, it came to a point na, parang, it’s too much already po."
Saan sa palagay ni Carla siya nagkulang at saan siya sumobra?
"Siguro sobra pong magbigay na wala na pong natira sa sarili, parang ganun.
"Kulang, hindi ko po alam, siguro better kung yung isang tao po ang makakapagsagot nun.
"Kasi, as far as I know or as far as I am aware, naibigay ko naman po lahat, and I really fought and, you know, gave everything my all po.
"Yung sobra, sobra sa pagbigay, wala na pong natira for myself, self-respect.
"I should also forgive myself. I should also take care of myself. Yung ganung mga bagay na halos wala na pong natira para sa sarili," pagbabahagi ni Carla.
Isiniwalat din ni Carla na mula nang magdesisyon sila ni Tom na tapusin ang kanilang relasyon ay hindi na nila sinubukang kontakin o kausapin ang isa’t isa.
"It’s been a year kung tutuusin po, ano. Partly because choice po namin yon, choice ko po yon.
"I don’t reach out to him. He hasn’t naman din po attempted or tried to reach out. Basta hangga’t may choice po ako, kasi talagang no communication," sabi ni Carla.
LOVE AND MARRIAGE
Bago nagpakasal sina Carla at Tom noong October 23, 2021, pitong taon silang naging magkasintahan, kasama na ang panahong nagsama sila sa iisang bubong.
Read: Tom Rodriguez and Carla Abellana are now married
Pero pagkalipas lamang ng tatlong buwan matapos nilang ikasal ay pumutok ang balitang hiwalay na sila.
Ayon kay Carla, napagtanto niyang wala sa tagal o ikli ng relasyon ang magiging kinahinatnan ng pagsasama ng dalawang tao.
Saad niya, "Kung tutuusin po, alam natin na ang tagal po ng relationship, di ba, you would say na ‘I know the person so well’ or ‘Kabisado ko na yan. Wala nang aalamin pa o malalaman pa.’
"But really, wala po talaga sa tagal… There are times po na life just happens, parang ganun, unexpected things happen.
"Of course, nandun po ako sa the longer the better para you really get to know the person.
"They say marriage changes things, na it would really reveal, maybe, some sides of the other person that you’ve never seen.
"Pero hindi na po siya ganun. Wala na po siya sa tagal talaga.
"Parang hindi na po applicable or totoo yung sinasabing ‘I know him too well’ o ‘I know her too well. Hindi niya gagawin yun.’ Unfortunately, we can still be wrong pagdating sa ganun."
Dagdag pa ni Carla: "No matter how confident you are or sure you are na kilala niyo po yung tao, may times po talaga na magugulat po kayo, parang ganun."
Ano ang mga natutunan ni Carla mula sa maikling pagsasama nila ni Tom bilang mag-asawa at sa proseso ng pagpapawalang-bisa nito?
Sagot niya, "Napakadami po, Tito Boy. Ibang usapan po kapag marriage, e.
"But, basically, siyempre, being a Catholic, alam po natin that you have to fight for the marriage.
"Dapat unlimited ang forgiveness but… kailangan din pong magtira para sa sarili niyo ng respeto. You have to know your worth. Dapat alam niyo po yung value niyo.
"Wala pong problema magpatawad at magbigay ng napakaraming chance, but there has to be change.
"So, ang hirap po na you’re determined to fix something, a relationship, but then walang reciprocation. You cannot fix something or someone na ayaw pong ayusin."
Sa kabila ng nangyari sa pagsasama nila ni Tom, sinabi ni Carla na naniniwala pa rin siya sa pag-ibig, ngunit nagbago na raw ang pananaw niya tungkol sa kasal.
Pahayag ng Kapuso actress, "Love, definitely po, Tito Boy, kasi ang love naman po di lang romantic lang. Love is all around us. There’s family love, love for your career, everything… napakadami po niyan. It’s definitely all round us.
"I feel that. I still believe in love.
"Aaminin ko po, madaming nag-change… especially with marriage. Yun po yung medyo nag-iba po yung aking pananaw or paningin pagdating sa marriage.
"So, I honestly don’t see myself getting married again. Parang nag-iba po, e, nabulagbog po yung aking konsepto or perception."
Pero umaasa pa rin daw siyang maranasang umibig muli.
Read: Carla Abellana asked if she regrets getting married: “Yes… nagsisisi ako.”
DIVORCE DECREE
Kinumpirma ng aktres ang pag-file ni Tom ng divorce papers sa America—si Tom ay American citizen—noong 2022, upang ma-nullify ang kanilang kasal rito sa Pilipinas.
Read: Tom Rodriguez finally speaks up on split with Carla Abellana; reveals he is already divorced
Pahayag ng Kapuso actress, "Basically, wala po kasi yan [divorce] dito sa atin sa Pilipinas, and he exercised his right po being an American citizen din po. Sa U.S. po siya nakapag-file ng divorce. Kasi, unang-una, right po niya yon. Pangalawa, may option po siya nun."
Ayon kay Carla, ikinatuwa ng kanilang kampo ang pagpa-file ni Tom ng divorce decree sa Amerika dahil ibig sabihin nito ay hindi na nila kailangang mag-file ng petition for nullity dito sa Pilipinas.
Saad niya, "Masaya po kami dun, actually, kasi nga po hindi na po namin kailangan ilabas yung mga sama ng loob o dirty laundry ng bawat isa. We don’t have to go through that entire process po ng annulment dito po sa atin."
Natanggap na raw ni Carla ang kopya ng divorce decree na ipinayl ni Tom sa Amerika at iba pang mga dokumento kaugnay nito.
Sa parte naman ng aktres, nakapag-file na sila ng petition for recognition dito sa Pilipinas ng naturang foreign judgment.
Kapag na-grant na ang nasabing petition ng Philippine court ay saka pa lamang magiging pinal ang paghihiwalay nina Carla at Tom.
Hindi na nila kailangan pang dumaan sa annulment process.
Magiging single na muli ang status nina Carla at Tom.
Bago ang pagpa-file ni Tom ng divorce decree sa Amerika ay nagsumite muna si Carla ng temporary protection order dito sa Pilipinas. Na-grant na raw ito ng korte.
Pero hindi raw nila maaaring isiwalat ang detalye ng naturang TPO. Iba raw ito sa gag order kung saan pinagbabawalan silang magsalita o magbigay ng detalye kaugnay ng kaso.
Nilinaw nina Carla at Atty. Sanchez na kahit ma-grant man o hindi ng Philippine court ang dissolution of marriage nina Carla at Tom ay tuloy pa rin ang protection order na isinumite ng aktres laban sa aktor.
Bagamat sinabi noon ni Carla sa isang panayam na posibleng magkatrabaho sila ni Tom since pareho sila ng network na kinabibilangan, nakasalalay raw kay Carla kung ipatutupad niya ang naturang order.
Read: Tom Rodriguez reveals “gag order” prevents him from speaking his truth
FAR FROM BEING IDEAL AND PERFECT
Aware daw si Carla sa public perception sa kanya bilang “ideal” at “perfect girl,” pero nilinaw ng aktres na malayo siya rito.
Aniya, "Hindi ko po alam kung saan nanggagaling yang notion. Salamat po, pero I don’t know kung bakit ganung perfection or ideal but, really, ang layo po.
"My goodness, wala pong katotohanan yun. I’m far from that, yung ganun.
"Hindi rin po ako perfectionist, because a lot of people, I think, assume na, ‘Ah, medyo perfectionist siya.’ Hindi po. Sobrang hindi.
"I’m go-with-the-flow type of person. I’m organized, yes, pero di po ako perfectionist."
Sa kabila nito, hindi raw napi-pressure si Carla sa pagtingin na ganito sa kanya ng tao.
Nasaan na si Carla sa puntong ito ng kanyang buhay?
"Oooh, my goodness!" bulalas niya.
"Trying to maybe forgive myself, not figuring out what happened, why things happened… basically, focusing on what you have, being grateful para lang hindi lalong malunod… counting my blessings.
"Of course, forgiving myself, getting myself better, trying to figure out my value, yung aking worth. Trying to give myself more respect, yung ganun po."
Napatawad na ba ni Carla si Tom? May galit pa ba siya sa dating asawa?
Sagot ng aktres, "For you to be able to forgive, kailangan po mo muna… I have to forgive myself first. So, yes, I have. Wala man po sa hitsura or ano, but I have…
"I saw it something na I have to forgive myself first, bago ko po siya mapatawad.
"Galit, wala na po. Ang hirap pong magbitbit ng galit."
Hindi naman daw naramdaman ni Carla na parang ninakaw ang kanyang buhay.
Naging emosyunal naman si Carla nang ipakumpleto ni Boy ang sentence na ito: “I am Carla Abellana and…”
“I’m grateful… for all the blessings, for what I have left. I am grateful for my life, my family, my best friends, my work. I’m grateful and I’m humbled," naluluhang sabi ni Carla.
Read: Tom Rodriguez and Carla Abellana's love story: a timeline
