Aware ang stand-up comedienne na si Donita Nose sa kontrobersiya sangkot ang Wowowin host na si Willie Revillame.
Nabatikos nang husto si Willie matapos niyang isumbat sa national television ang pagtulong niya sa publiko at sa mga personalidad na tingin niya ay naghahayag ng kritisismo sa kanya.
Nangyari iyon sa gitna ng pag-alma ni Willie sa lumutang na aniya'y unverified info na mawawala sa ere ang programa niyang Wowowin sa ALLTV Network.
Ayon kay Donita, naiintindihan niya ang ugali ni Willie.
"Matagal ko na kasing kasama si Kuya Wil. Kilala ko siya. Sobrang kilala ko siyang tao, kung ano ang gusto niya, kung ano ang ayaw niya, at kung saan siya matutuwa, di ba?" bungad ni Donita Nose.
Nakapanayam si Donita bago ang premiere screening ng pelikulang Ako Si Ninoy, nitong Pebrero 18, 2023, Sabado, sa Power Plant Mall ng Rockwell Center, Makati City.
Patuloy niya, "Para sa akin kasi, si Kuya Wil kasi yung tao na pag gusto ka niya, gusto ka niya talaga. Tutulungan ka niya.
"Pag may nakita siya sa iyo na kakaiba na parang pursigido ka, tutulungan ka talaga niya, di ba? Si Kuya Wil, mapagbigay. Mapagbigay yan.
"At dumadating sa point na parang sa akin naman, never… wala naman, never niya akong inano. Ilang beses na niya akong tinanggal, e!
"Pero pinababalik pa rin niya ako, di ba?! So, ganun yun. Yung parang ano, I don’t burn bridges talaga.
"Kahit siguro sabihin natin na andun ako sa kanya, tapos paaalisin niya ako all of a sudden, 'Tanggal ka o ano, ganyan-ganyan!'”
Sa huling episode ng Wowowin: Tutok Para Manalo sa GMA-7 ay isa si Donita sa mga sumuporta.
"So ako, wala akong sama ng loob. Hindi ako nagtatampo na parang, ‘Bakit bigla mo naman akong ginanyan-ganyan whatsoever ganyan?!’
"Sa akin kasi, yun talaga siya, e. Yun ang ugali ni Kuya Wil. Pag once gusto ka niya, dito ka. Magtrabaho ka nang maayos.
"Pag once may nagawa kang mali o hindi niya nagustuhan, siyempre siya yung ano, siya yung boss namin, tatanggalin ka talaga niya, di ba?
"Pero pag alam niyang OK ka talaga, darating at darating, kukunin ka ulit niyan. Kasi alam naman niya talaga na magaling ka, e. Gumawa ka lang ng hindi maganda kaya ka niya tinanggal.”
Related stories:
- Willie Revillame hits back at celebrity critics: "Binigyan ko kayo ng tulong dati... tinitira niyo pa ako!"
- Former Kapuso host Kiko Rustia weighs in on Willie Revillame's rant: “Wow. Sya pa ang inapi?”
- Willie Revillame apologizes to Cristy Fermin: "Na-clickbait ako."
- Cristy Fermin slams Willie Revillame's "panunumbat" on live TV; explains condo unit and car from Willie
DONITA NOSE ON AYUDA FROM WILLIE REVILLAME
Nakatanggap si Donita Nose ng ayuda mula kay Willie Revillame habang kasagsagan ng pandemya.
"Noong nagkasakit ako, oo! Na-COVID ako, binigyan niya ako ng financial support talaga noong naospital ako!” bulalas ni Donita.
Pero nilinaw ni Donita na hindi siya kasama sa mga di pinangalanang personalidad na pinatutsadahan ni Willie sa rant nito sa live television.
Wala raw dahilan para sumabatan siya nito, dahil wala rin naman daw siyang sinabing tirada laban sa Wowowin host.
"Wala talaga! Wala, wala talaga! Hindi ko nakikitaan si Kuya na parang susumbatan niya ako!” pagdidiin ni Donita.
"Hindi ko rin siya magawang siraan. Kasi nga, kilala ko na siya. Kilala ko siya. Pag galit siya, galit siya. Pag mabait siya, mabait siya.
"So alam ko na, kumbaga, kung ano yung kiliti ni Kuya, paano mo siya pakikisamahan. So ako, alam ko na kung paano mag-adjust sa kanya.
"So, never kaming nagkaroon ng point na parang nagkasamaan kami ng loob. Hindi. Hindi talaga!”
Ayon pa kay Donita, isa siya sa mga patuloy na sumusuporta kay Willie at hangad niyang maipagpatuloy ng Wowowin host ang kagustuhang makatulong sa pamamagitan ng show nito.
DONITA NOSE ON AKO SI NINOY
Samantala, maghahatid ng comic relief si Donita Nose sa musical film na Ako Si Ninoy.
Nakakatawa ang pagmamahadera ng characters nina Donita Nose at Tuesday Vargas sa characters nina Joaquin Domagoso at Cassy Legaspi sa pelikula.
"Panggulo lang ako dito! Ha! Ha! Ha! Ha! Alam mo na, siyempre chuwariwap! Ha! Ha! Ha! Ha!” paghagalpak ni Donita.
"Sobrang ano lang ako dito, pang-alis lang ng bigat ng mga eksena. Pang-lighten lang tayo ng mga eksena na medyo alam nating medyo talagang iba ang dating, alam mo yun?
"So ako naman, bilang komedyante, di ba, maghahatid ng konting saya, di ba? Parang ganun po.”
Pangalawang movie ni Donita itong Ako Si Ninoy. Ang una niyang movie ay This Guy’s In Luv With U, Mare! (2012) kung saan love triangle sina Vice Ganda, Toni Gonzaga, at Luis Manzano.
Showing na ang Ako Si Ninoy umpisa Pebrero 22, Miyerkules, sa local cinemas. Idinirek at isinulat ito ni Vince Tañada.
