Kahit binura agad ni AJ Raval ang kanyang Facebook post kahapon, February 23, 2023, kung saan nakipagtuos siya sa ilang bashers na tinawag siyang “kabit at homewrecker,” mabilis pa rin ang ilang netizens sa pag-screenshot ng iba pang rebelasyon ng sexy star.
Kasunod ng pagpapaliwanag na pumasok siya sa buhay ni Aljur Abrenica nang hiwalay na sila ng estranged wife nitong si Kylie Padilla, ibinunyag ni AJ na nagpaalam siya sa Kapuso actress pagkatapos mag-post ng direktang pag-amin ng relasyon nila ng aktor noong February 14, Araw ng mga Puso.
Read: Jowa reveal: AJ Raval, Aljur Abrenica confirm relationship via Valentine's Day posts
Ang screenshot na ito ay ibinahagi ni AJ sa comments section ng burado na niyang Facebook post.

Mababasa sa conversation nila ni Kylie na civil silang nag-uusap na dalawa.
Mensahe ni AJ kay Kylie: “Nag post na ako ng video namin ni aj, I do respect you pero gusto ko na lang din manahimik mga tao and tigil na sila sa kakahuli saamin nanawa na rin ako hehe. I hope everything is fine.”
Tila wala namang poot sa puso si Kylie laban kay AJ.
Mahinahon ang sagot ng aktres sa Vivamax star. Sinabi rin ni Kylie na hindi si AJ ang third party sa hiwalayan nila ni Aljur.
Mensahe ni Kylie kay AJ: “Ok naman ikaw? It’s fine ano ka ba. Wala namang issue sakin. Di naman ikaw ang naging problema namin sa relationship namin before. Di ko rin alam paano gagawin sa sitwasyon. Pinaliwanag ko naman na sa mga tao na hindi ka 3rd party. Hay.”
Laking pasasalamat naman ni AJ kay Kylie na inabsuwelto siya nito sa hiwalayan nila ni Aljur.
Magkakasunod niyang direct message: “Okay ako. Yes yes, salamat sa pagpapaliwanag. Na appreciate ko yon. At humihingi rin ako ng pasensya sayo sainyo sa na cause ko na gulo. Thank you sa understanding. Can I follow you?”
Sabi naman ni Kylie, magulo na ang relasyon nila ng asawa noong nagsasama pa sila kahit wala pa si AJ sa eksena.
Mag-iisip din daw siya ng paraan na maipakita sa publiko na okay silang dalawa.
Nakikita raw daw kasi ni Kylie kung paano alagaan ni AJ ang mga anak nila ni Aljur na sina Alas at Axl.
Sabi ni Kylie kay AJ: “Magulo na kami before pa ng lahat eh. Magulo lang talaga. Bka may way para maipakita natin na ok naman na ang lahat. Mag isip ako ng paraan. Kasi ayoko din yung nangyayari. Nag cacause ng stress of both sides na pwede naman maging ok tayo. Gusto ko mag thank you na inalagaan mo mga babies ko. [praying hands emoji] it means everything na minamahal mo rin sila.”

Hindi na mababasa ang iba pang naging usapan nina Kylie at AJ dahil ito lang ang ibinahagi ng Vivamax star.
Nakumpirma noong July 2021 ang hiwalayan nina Kylie at Aljur dahil sa rebelasyon ng ama ng aktres na si Robin Padilla kung saan sinabi nitong third party ang dahilan ng breakup.
Read: Robin Padilla reveals daughter Kylie broke up with husband Aljur over third party
Sa rebelasyon kahapon ni AJ, July 17, 2022 naging sila ni Aljur, o eksaktong isang taon matapos silang maghiwalay ni Kylie.
