Nagpakatotoo si Sharon Cuneta, 57, sa pag-aming hindi talaga swak ang ugali nila ng kanyang panganay na si KC Concepcion, 37.
Si KC ay anak ni Sharon sa dating asawang si Gabby Concepcion.
Pag-amin pa ng Megastar, hanggang ngayon ay away-bati pa rin sila ng kanyang panganay at hindi ito bumabalik sa dati nilang relasyon.
Lahad ni Sharon, pantay-pantay ang pagmamahal niya sa kanyang mga anak pero, “Hindi naman lahat ng anak mo makakasundo mo nang pare-pareho.”
Ang tatlo pang anak ni Sharon sa current husband na si former Senator Kiko Pangilinan ay sina Frankie, Miel, at Miguel.
Aniya, pareho silang “bullheaded, stubborn, and strong-willed” ni KC, pero “very opposite” ang kanilang pag-uugali.
“Opposite ang ugali namin so hindi maiwasan yung nagbabanggaan. Pero kung pagmamahal at pagmamahal lang…” ani Sharon na idiniin ang pagmamahal kay KC.
Nagkuwento si Sharon sa YouTube vlog ni Ogie Diaz nitong February 24, 2023.
MOST PAINFUL RUMOR about her and KC
Ani Sharon, hinahanap niya ang dati niyang relasyon sa kanyang panganay.
“Nami-miss ko yung dating relationship namin nung bata pa siya.”
Sa paglaki raw ni KC ay unti-unting nagkalayo ang kanilang loob.
Binanggit din ng singer/actress/host ang “pinakamasakit na isyu” na nakarating sa kanya pagdating kay KC.
“Na ayaw kong sumikat yung anak ko,” turan ni Megastar.
“Parang sakit na sakit ako doon kasi sinong matinong magulang, lalo kung artista ka, ang gugustuhin mong anak pa ng ibang tao ang sumikat kesa sa sarili mong anak?
“Kung may papalit sa 'yo o susunod sa 'yo, siyempre, gusto mo yung sa 'yo, di ba?”
Aminado si Sharon na lahat ng rason ay pumapasok sa kanyang isipan bunsod ng pagkakaroon ng lamat ang relasyon nila ni KC.
“Na ako kaya ang dahilan kung bakit minsan malayo siya sa akin, or hindi ko alam, ah…”
Dagdag ni Sharon sa paratang: “Yun ang pinakamasakit na nakakarating sa akin na baka kaya hindi kami magkasundo kasi…
“It was so shocking to hear certain things na never nangyari o never man lang dumaan sa isip ko.
“Parang wag mong pagkumpetisyunin yung mag-ina.
“Nahu-hurt ako sa ganun. Yun na naman, pumapasok yung, ‘Bakit may taong ganon kasama na ilalagay sa utak ng anak mo yun.’
“At ang prayer ko sana hindi siya [KC] maniwala.
Pero giit ni Sharon sa akusasyong ayaw niyang sumikat si KC: “That is a total lie. Or kung meron mang naglagay nun sa utak niya [KC], patawarin ka ng Diyos.”
Bilang ina, kaya raw ibigay ni Sharon ang buhay para sa anak.
THE RELATIONSHIP OF SHARON AND KC
Nang kumustahin ang pakikitungo nila ni KC sa isa’t isa, sinabi ni Sharon na away-bati silang mag-ina.
“Okay kami, minsan hindi. Okay kami, minsan hindi. Yung ganon, parang okay ngayon, bukas hindi. That’s the truth.
“Parang I don’t know anything about my daughter’s life. Very little lang alam ko.”

Lahad ni Sharon, simula bata pa lamang ay hindi masyadong nagkukuwento si KC sa kanya.
Bilang nanay, hinahanap niya na maging open sa kanya si KC, katulad ng iba pa niyang mga anak.
Pero tanggap daw ni Sharon na ganoon na ang personalidad ni KC.
“Hindi ko alam kung bakit nagkaganoon. Sa akin naman lumaki.”
Ang hangad daw ni Sharon ay maisip ni KC ang lahat ng sakripisyo niya para mabigyan siya ng maayos na buhay.
“Ang mga magulang gusto lang naman appreciation, respect, a little acknowledgment.”
Aminado si Sharon na nagkulang siya ng oras noon para kay KC dahil kailangan niyang kumayod bilang single parent.
Aniya ukol kay KC, “Mabuti ang puso ng anak ko. Alam ko ang puso ng anak ko kasi nung bata yan, napaka-perfect, napakabait, napakabuting bata.
“Ngayon ko lang sasabihin, that’s my biggest pain. Kasi parang anuman ang success mo sa buhay, pero meron kang isang pinakamamahal, bakit ba hindi maayos-ayos nang permanently?
“Parang hindi ka kumpleto hindi ka pa rin successful.”
Isa na lang ang hangad ngayon ni Sharon para sa kanyang panganay.
“At this point, gusto ko na lang maging maligaya anak ko. At saka hindi naman siya masamang tao. Napakabuti ng anak ko. She deserves happiness.”
