Kinondena ng transport group na PISTON (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide) ang akusasyong red-tagging nina Lorraine Badoy at Jeffrey “Ka Eric” Celiz laban sa mga operator at tsuper na naglunsad ng malawakang transport strike nitong March 6, 2023.
Sa programa ng SMNI (Sonshine Media Network International) na Laban Kasama ang Bayan noong March 9, 2023, naging diskusyon nila ang isinasagawang tigil pasada ng mga pampasaherong jeepney.
Read: Planong phaseout ng traditional jeepneys, gustong ipagpaliban ng ilang senador
Ayon sa program hosts na sina Badoy at Celiz, dapat ay kasuhan sina Mody Floranda—ang national president ng PISTON, si France Castro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), at ang Chairman ng Manibela na si Mar Valbuena dahil sa pagtuligsa nila sa programa at polisiya ng pamahalaan.
Ito’y dahil umano sa kanilang tahasang pagkalampag sa gobyerno upang mapakinggan ang kanilang hinaing laban sa pagpapatulad ng jeepney modernization.
Dagdag pa raw dito ang perwisyong dulot ng kanilang protesta, pag-udyok ng iba na sumali sa kanilang alyansa, at pagharang sa pagdaloy ng pagbangon sa ekonomiya ng Pilipinas.
Read: Ilang eskuwelahan balik-online classes muna dahil sa transport strike
Pahayag ni Celiz, "Hindi naman mga tsuper ang nag po-protesta sa daan [kundi] Anakbayan, hindi naman tsuper ito. Manunulsol ito at recruiter ng NPA (New People’s Army).
"Gabriela, Alliance of Concerned Teachers (ACT). Iilan lang ang driver na sumama dahil tinatakot nila Mody Floranda at tinatakot nina Mar Valbuena.
"Ngayon nabuking na si Mar Valbuena. Binuking siya ni Ginoong Obet Martin, isa sa matagal ng lider ng transport sector.
"Hindi naman yan tsuper, negosyante yan e, at parang pinagkakakitaan na lang nila ang welga-welgahan para pansinin sila ng gobyerno doon sa kanilang pagba-blackmail.
“Kung ako ang tatanungin…dapat pinosasan itong si Mar Valbuena at si Mody Floranda. On what grounds? Inciting to sedition and economic sabotage, or attempt to do economic sabotage.
“Bakit? Bumabangon ang ekonomiya. After almost two years na gumapang tayo at nalugmok sa pandemya, bumabangon ang mga eskwelahan natin, bumabangon ang mga manggagawa at mga kabuhayan ng mamamayan, [pero] sinasabotahe nila.”
Agad namang sinang-ayunan ito ni Badoy.
Aniya, “Oo, at tsaka Eric, kasi ang trust ng ating government this economic recovery diba? And you have someone like that.
"Itong CPP (Communist Party of the Philippines) talagang binabaldado tayo, that's economic sabotage."
PISTON RELEASES STATEMENT
Sa pamamagitan ng isang official press release noong March 10, 2023, kinondena ng PISTON ang paratang na sila ay suportado ng komunistang grupo.
Pinabulaanan din nila ang pahayag nina Badoy at Celiz na diumano ay ginagawa lamang nila ang tigil-pasada dahil sa udyok ng makakaliwang grupo.
Mababasa sa kanilang press release (published as is), “Transport group PISTON strongly condemns the Sonshine Media Network International (SMNI) which recently went on a red-tagging spree against the transport groups who held a successful two-day strike that compelled the Marcos Jr administration to review the PUV Modernization Program (PUVMP).
“Lumahok ang mga tsuper at operator sa tigil-pasada dahil tinutulak sila mismo ng mga anti-mahirap na polisiya ng gobyerno at dahil kailangan nilang ipagtanggol ang kabuhayan nilang gustong i-masaker ng pamahalaan.
“Ang SMNI at red-tagging ang dapat i-phaseout, hindi jeepney,” pahayag ni Floranda.
Bukod dito, inungkat din niya ang mga kasong kinakaharap ng nagmamay-ari ng nasabing istasyon na si Apollo Quiboloy.
Hinaing pa ni Floranda, hindi sila ang dapat ikulong o posasan kundi ang mga "criminal" na nasa SMNI.
Lahad niya, "SMNI is owned by Apollo Quiboloy, a devoted Duterte supporter, delusional cult pastor of the Davao-based Kingdom of Jesus Christ church, and convicted sex trafficker and money launderer. Quiboloy is currently wanted by the US Federal Bureau of Investigation (FBI) for "Conspiracy to Engage in Sex Trafficking by Force, Fraud and Coercion, and Sex Trafficking of Children; Sex Trafficking by Force, Fraud, and Coercion; Conspiracy; Bulk Cash Smuggling.
"Bago tumalak ng kung ano-anong kasinungalingan yang sila Jeffrey Celiz at Lorraine Badoy, baka nakakalimutan nilang isang kriminal ang nagpapalamon at nagpapasahod sa kanila.
"At baka nakakalimutan din nilang sila mismo ay may mga kinakaharap na criminal charges.
"Yun na lang ang harapin nila kesa siraan ang mga tsuper at operator na gusto lang ipagtanggol ang kanilang hanapbuhay."
Si Quiboloy ay kasalukuyang nasa “most wanted list” ng US Federal Bureau of Investigation at tinutugis sa kasong sexual trafficking.
Noong November 19, 2021, inanunisyo ng U.S. prosecutors na sinampahan nila ng kasong sex trafficking si Quiboloy at ang iba pang administrador ng kanyang simbahan dahil sa diumano’y pang-aabuso sa mga kababaihang may edad 12 hanggang 25.
Si Quiboloy ang nagtatag at pinuno ng religious group na Kingdom of Jesus Christ, The Name Above Every Name.
Read: US Treasury sanctions Pastor Apollo Quiboloy over human rights abuse; DOJ still mum on the issue
Si Badoy naman ay may record ng 12 administrative and criminal complaints dahil sa kanyang walang habas na red-tagging, ayon sa Rappler.
Kasabay nito, dati na rin siyang naisyuhan ng show – cause order ng Korte Suprema dahil sa pagbabanta kay Manila Regional Trial Court Judge Marlo Magdoza-Malagar.
Kwestiyonable naman ang credibility ni Celiz ayon sa National Union of People’s Lawyers sa pagdinig na ginanap noong November 2022 hingil sa isyu ng red-tagging.
Sa ngayon ay unti-unti nang nanumbalik ang mga pampasaherong jeepney sa mga kalsada matapos ibaba ang protesta nang magkasundo ang panig ng Malacañang at transport groups hingil sa jeepney phaseout.
Ito ay sa kabila ng desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board’s (LTFRB) na pahabain hanggang December 31, 2023 ang deadline sa mga jeepney operators na sumali o kaya ay magbuo ng mga kooperatiba.
READ MORE:
