Nagbigay ng reaksiyon si Ronnie Liang sa tila pangmamaliit ng isang netizen sa mga katulad niyang artista na nais manilbihan sa bayan bilang Philippine Army reservist.
Sa Instagram noong Lunes, March 20, 2023, ibinahagi ni Ronnie ang screenshot ng Twitter post ng isang netizen.
Kalakip nito ang larawan ni Ronnie at ng iba pang celebrity Army reservists na si Leyte representative Richard Gomez at ang mag-asawang Jessa Zaragoza at Dingdong Avanzado.
Pasaring ng netizen sa caption ng kanyang post: “Pati sina Ronnie Liang, Richard Gomez, Jessa Zaragoza & Dingdong Avanzado ay Philippine Army reservists pala.
“Pwedi na silang isabak sa giyera, e-assign sa Sulu at West PH Sea.”

Mahinahon itong sinagot ni Ronnie, na may ranggong first lieutenant sa Philippine Army Reserve, sa kanyang Instagram post.
Ayon sa singer-pilot, ang kanilang pagiging reservists ay bukal sa puso at wala itong kapalit dahil hindi sila binabayaran dito.
Hindi rin daw pakitang-tao ang kanilang ginagawa bilang celebrities.
Pahayag ni Ronnie: “Ako po ay isang Army Reservist at nais ko pong ipaabot ang aking opinyon tungkol sa isyung nabanggit tungkol sa aming serbisyo.
“Gusto ko po sanang malaman ng lahat na ang aming pagsisilbi sa ating bayan ay hindi lamang para sa display.
“Bilang isang reservist, mayroon po kaming responsibilidad na tumugon sa tawag ng tungkulin kung kinakailangan na walang anuman inaasahang kapalit, Para Sa Bayan (volunteer).
“Marami po sa amin, kabilang na ako, na naipadala na sa Sulu, ay aktibong sumasagot sa mga tawag ng pangangailangan ng ating bansa."
Bilang mga artista, ninanais nilang maging role model sa mga kabataan para mahikayat din ang mga ito na maglingkod sa bayan.
“Ang aming pagiging kilala ay hindi hadlang sa aming serbisyo at pagmamalasakit.
“Sa katunayan, ito ay isang pagkakataon para sa amin upang maging modelo sa mga kabataan na maging handang tumugon na maging volunteer, mag tulong tulong at maglingkod sa ating mga kababayan.
“Sapagkat kaming mga reservists ay naniniwala na walang tutulong sa kapwa Pilipino kundi tayo-tayo din mga Pilipino.”
NOT JUST IN SULU, WEST PH SEA
Sa hamon naman ng netizen na ipadala sila sa Sulu at West Philippine Sea, sinabi ni Ronnie na handa silang tumugon anuman ang pangangailangan ng bansa.
Ito ay dumadaan din sila sa training ng pagiging sundalo.
Aniya, “Kami po ay nagte-training upang maging handa sa oras ng pangangailangan.
“Sa bawat pagkakataon na naitatalaga sa amin, hindi po namin sinasayang ang oportunidad na maipakita ang aming kakayahan.
“Kung ano po ang aming skills, napag aralan at talento ay bung puso po naming ginagamit para makatulong at makapag lingkod sa bayan, hindi man po kami makapag full time na sundalo dahil may ibang mga trabaho din kami na kailangang gampanan, subalit sa panahon na kailangan ang aming serbisyo ay buong loob po kaming tumutugon dito.”
Pakiusap ni Ronnie, huwag maliitin ang kanilang kontribusyon dahil ito ay para naman sa bansa.
“Kaya po sana ay huwag po nating ibaba ang kontribusyon ng bawat reservist, kabilang na ang mga celebrity reservists, sa ating bayan.
“Ang serbisyo po namin ay hindi lamang para sa pagsabak sa West Philippine Sea (WPS) or sa Sulu, kundi upang maglingkod sa ating bansa sa abot ng aming makakaya kabilang na ang humanitarian missions or disaster response.
“Maraming salamat po.”
View this post on Instagram
