Nagbigay ng pahayag si Maricel Soriano tungkol sa relasyon ng kanyang ex-husband na si Edu Manzano sa aktres na si Cherry Pie Picache.
Sa bibig mismo ni Maricel nanggaling na updated siya sa buhay pag-ibig ng dating asawa.
Bagamat mayroong nakaraan sina Maricel at Edu ay naisantabi na nila ito at maayos ang pakikitungo nila ngayon sa isa’t isa.
Sa katunayan, naibunyag pa ni Maricel na may proyekto silang ginagawa ni Edu.
Sina Maricel at Edu ay ikinasal noong 1989 subalit naghiwalay pagdating ng 1991.
Sa second-part YouTube vlog ni Maricel kasama si Dina Bonnevie nitong March 25, 2023, pinag-usapan ng dalawa ang kanilang dating leading men.
Nabanggit ang pangalan ni Edu.
“Naalala mo siya?” panunukso ni Dina kay Maricel.
“Parang naaalala ko yan, e. May dating yung pangalan…” pabirong sagot naman ni Maricel.
“Kamusta naman si Edu?” usisa ni Dina kay Maricel.
“Okay naman sila ni [Cherry] Pie,” sagot ni Maricel, indikasyong updated siya sa relasyon ng dalawa.
Paniniyak ni Maricel, mayroon silang magandang relasyon ng ex-husband.
“Okay kami talaga, in fairness. Kasi we’re doing… wag na, kasi bawal banggitin. Basta may ginagawang pe… ano ngayon, something,” pagpipigil ni Maricel.
Hiniritan ni Dina si Maricel na baka magselos si Cherry Pie.
“Hindi. Kilalang-kilala ako ni Pie. Alam na alam niya yan,” paniniyak naman ni Maricel.
Sina Maricel at Cherry Pie ay nagkatrabaho na sa ilang acting projects, tulad ng pelikulang Mila (2001) at teleseryeng Florinda (2009).
MARICEL DESCRIBES EDU AS CO-STAR ON THE SET
Samantala, nagkasundo sina Maricel at Dina sa pagsasabing si Edu ay “kenkoy” at “livewire” bilang co-star.
Ani Dina: “Marami siyang pagpapatawa. Kahit na bored na sa taping magpapatawa siya.”
Sang-ayon dito si Maricel na sinabing mahilig mag-joke si Edu sa set.
Pagbabalik-tanaw ni Maricel, “At saka dadating sa set yan, meron yang outfit. Minsan yung naka-bathrobe.
“Parang sabi ko, ‘Akala ko ba may shooting? Bakit ka nagkaganyan? Bakit nakapambahay ka pa din?’
“Sabi niya, ‘Eto ang outfit ko papunta sa set.’ Kasi meron na naman sigurong naiwanang joke, so itutuloy niya.”
Bukod kay Edu, nakarelasyon din noon ni Maricel si Ronnie Ricketts. Nag-ampon sila, si Marron, na ngayon ay 36 anyos na.
Nagkaanak din si Maricel kay Cesar Jalosjos, si Sebastien, 30.
Base rin sa pahayag ni Maricel ay single siya ngayon. Bukod sa dalawang anak, itinutuon ng aktres ang pansin sa kanyang mga alagang aso.
Nang pag-usapan nila ni Dina ang ukol sa pag-ibig, may hugot si Maricel.
Sabi niya: “Okay na sa akin yung lessons [about love]. May mga nakuha naman akong lessons.
“Pero tama na, di ba? Masyado nang masakit yung heart. Delikado ang love.”
