Sa beach sa Palawan sinalubong ng magkasintahang James Reid at Issa Pressman ang Linggo ng Pagkabuhay.
Base ito sa mga kumalat na kuhang larawan nina James at Issa na ipinost sa social media, partikular sa Facebook, ngayong April 9, 2023, Easter Sunday.
Kanya-kanyang posts ang netizens na nagpa-selfie kasama si James na topless, naka-black shorts, at may green bandana sa ulo.
Base sa added locations ng netizens, si James ay nasa Port Barton, San Vicente sa Palawan.
Sa ilan pang larawan ay makikita si James na kasama ang girlfriend na si Issa na naka-beach top at may kulay green na sarong sa kanyang baywang.


May isang netizen din ang nag-post ng kanyang larawan kasama si Yassi Pressman, kapatid ni Issa, habang nasa loob ng food establishment sa parehong lokasyon.

Lumalabas na magkakasama sa Palawan ang tatlo.
Wala namang post sina James, Issa, at Yassi sa kani-kanilang social media accounts tungkol sa pagbabakasyon nila sa Palawan.
JAMES AND ISSA RELATiONSHIP
Umugong ang isyung magkarelasyon na sina James at Issa nang mag-post si Issa ng larawan ka-holding hands si James noong Marso.
Kuha ang larawan sa Harry Styles concert noong March 16, 2023.
Matinding bashing ang natanggap ng dalawa lalo pa’t dati nang naugnay sina James at Issa, at karelasyon pa noon ni James si Nadine Lustre.
Inakusahan si Issa ng pagiging third party dahil matapos maugnay ni James at Issa ay naghiwalay ang actor-singer at si Nadine.
Mariin naman itong itinanggi nina James, Issa, at Yassi.
Samantala, kinumpirma naman ni Yassi noong March 24, 2023, na magkarelasyon na ang kapatid niyang si Issa at James.
Sinabi rin ni Yassi na nakausap niya si Nadine at wala raw silang problema at wala umanong isyu si Nadine sa relasyon nina James at Issa.
Bahagi ng pahayag ni Yassi: "Wala pong problema. Kami po ni Nadine, okay po kami. Okay rin po yung buong pamilya namin.
"At siyempre po, bago po nag-public ang lahat, lahat po naasikaso in private. So, lahat po, walang problema.
"And me and Nadine are cool, we’re friends. We’ve been friends ever since we were kids kaya naman lahat po, okay po.”
