Ipinagmamalaki ng baguhang young star na si Angelika Santiago ang role niya sa GMA series na Love at First Read bilang isang mean girl na nang-aaway sa bidang si Kyline Alcantara.
Unang nakilala si Angelika sa dalawang seasons ng Prima Donnas, na sinundan ng proyektong Sparkle University.
Pahayag ng 19-year-old newbie, "Nag-uusap nga kami ni Mama, inaasar ko siya. Sabi ko, 'Inaaway ko si Kyline.'
"Kasi kasama ko, si Mama [sa taping], pero dun lang siya sa sasakyan. Sabi ko, 'Ma, inaway ko si Kyline.' "Sagot niya, 'Ha? Talaga? Ba't ka nang-aaway?'
"Sabi ko naman, "Di, sa show lang.' Kala talaga niya inaway ko, kasi bini-video namin.
"Tini-tease-tease namin yung character ni Kyline, kasi yung name ko, same kami ni Kyline, kasi ang character niya, Angelika din.
"Kaya, nung first taping namin, yung puso ko talaga ay nag-jump, kasi sabi ni Direk Mark, 'Angelika, ayusin mo!'
"Nakita ni Direk na nag-panic ako, sabi niya, , 'Hindi, hindi.' Yun pala, parang warm up lang yun [sa character] ni Kyline po."
Hindi ba siya natatakot na awayin o i-bash siya ng mga tagahanga ni Kyline?
Ani Gelay (nickname ni Angelika), "Hindi naman po. Actually, gusto ko po yun.
"Kasi parang pruweba po yun na magaling ako sa character, na nagagampanan ko ito nang maayos.
"Sa Twitter po kasi, dun ko nakikita ang fans ni Kyline, kasi lagi po siyang trending kada may show. Kaya ako din po, naging fan ni Kyline.
"Kasama niya si Andrea Brillantes. Pag-uwi namin galing school, nakatutok na kami sa TV."
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang baguhang artist sa birthday asalto ng kanilang pamilya para sa showbiz reporter na si Lhar Santiago noong Linggo, April 23, 2023, sa Mesa Restaurant sa UP Town Center, Quezon City.
Ano naman ang naging impression ni Gelay kay Kyline na ngayon ay masasabing fast-rising Kapuso actress, pati na rin sa ka-love team nitong si Mavy Legaspi?
Lahad niya, "Super fun po si Kyline na kasama. May time na medyo labas ang lapel [microphone] ko, siya po ang nag-aayos.
"Nagkukulitan kami na sabi niya, 'Ano na, maayos na. PA me.' Parang PA [personal assistant] namin siya. Parang nagdyu-joke-joke.
"Si Mavy naman po, very chill, and very professional din. Super bait.
"Yung mukha niya kasi, na feeling mo very strong guy na di ka papansinin pero pag nakita ka niya, 'Hiii!.' Ganun. Parang....hay. Ang kinis ng mukha nilang dalawa."
Dagdag pa niya, "Actually, kinikilig-kilig ako. Sweet po talaga sila. And, I think, magbu-bloom talaga ang love team nila.
"Supergaling po nila, professional, at pagdating sa work ay ibinigay talaga nila ang best nila.
"Sabi ko nga kay Mama, kung magkaka-boyfriend ako, gusto ko ganyan, yung very sweet and very caring.
"Kahit po si Kyline, very caring din po, Grabe ang pag-alaga, and concern sa isa't isa."
