Magsasanib-puwersa sa kauna-unahang pagkakataon ang ABS-CBN at TV5 para sa isang teleserye.
Sa video teaser na inilabas ng ABS-CBN at TV5 nitong April 29, 2023, ipinasilip nila ang mga bigating artista na gaganap sa serye na pinamagatang Pira-Pirasong Paraiso.
Pinangungunahan ito nina Loisa Andalio, Ronnie Alonte, Alexa Ilacad, KD Estrada, Joseph Marco, Elisse Joson, at Charlie Dizon.
Ayon sa video, ang Pira-Pirasong Paraiso ang unang co-production ng ABS-CBN Entertainment at TV5 na ipo-produce ng Dreamscape Entertainment.
Mula ito sa direksiyon ni Raymund Ocampo, na siya ring nagdirek ng top-rating drama revenge series ng ABS-CBN na Wildflower noong 2017.
Read: Maja Salvador on Wildflower beating Wowowin in ratings game: "Bibigyan ko po kayo ng jacket!"
Read: PEP TALK. Maja Salvador on Wildflower: Ang tagal na walang ganitong klaseng teleserye
Sabi sa teaser video: "Ngayong 2023, isang palaisipan ang aming bubuksan.
"Kung saan talo ang mabilis na magtiwala, talo ang mga naniniwala.
"Sa laro ng kasinungalingan, galing at talino ang labanan.
"Ito na ang bagong bubuo sa mga araw niyo.
"Starring this generation's leadig men, Ronnie Alonte, KD Estrada, and Joseph Marco.
"Starring the next generatio dramatic actresses, Elisse Joson, Alexa Ilacad, Charlie Dizon, and Loisa Andalio.
"Sa mundo ng tagu-taguan, makita pa kaya ang piraso ng katotohanan?
"Once you play the game of lies, makakadiskarte ba ang puso?
"O ang tuso ang laging panalo?"
Samantala, sa ginanap na script-reading ng upcoming series ngayong Miyerkules, May 3, ipinakilala na rin ang ibang artista na makakasama nina Loisa, Ronnie, KD, Alexa, Joseph, Charlie, at Elisse.
Kabilang dito sina Sunshine Dizon, Markus Paterson, Epy Quizon, Art Acuña, at Argel Saycon.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na ibang detalye maging ang mga karakter at petsa kung kailan mapapanood ang Pira-Pirasong Paraiso.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nakipag-collaborate ang ABS-CBN sa ibang network.
Bago ang collaboration nila sa TV5 ay nauna na nilang inanusiyo ang pakikipagsanib-puwersa nila sa GMA-7 sa pamamagitan ng seryeng Unbreak My Heart, na pinagbibidahan nina Jodi Sta Maria, Joshua Garcia, Gabbi Garcia, at Richard Yap.