PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Showbiz and the art of writing blind items

Kuwento ng isang reluctant entertainment writer.
by KC Cordero
Published Jun 28, 2023
Blind Item about Sexy Singer-Actress and Maimpluwensiyang Pulitiko
Isang art ang pagsusulat ng blind items. Kailangang ma-hook ang readers, dapat mailigaw kahit medyo nakukuha na nila ang clues, dapat ding sila mismo ay may duda sa kanilang hula dahil may mga clues na medyo swak sa iba pang celebrities.
ILLUSTRATION: Igi Talao

Here's the thing—ayokong maging showbiz writer o entertainment editor. Walang partikular na dahilan, siguro lang ay hindi iyon ang aking calling.

Hindi akma ang aking personalidad sa entertainment industry. Mahiyain ako, hindi palasalita, at malakas ang inferiority complex hanggang ngayon. Ayokong mag-interview ng mga celebrity. Panay iwas ako riyan.

Pero parang tukso ng pagkakataon, early 2000 ay nakatanggap ako ng offer na maging associate editor ng The Buzz Magasin ng ABS-CBN Publishing. Noong time na iyon ay mahilig sa synergy ang network at karamihan sa mga shows ay nilalagyan ng print component. Ang sikat na sikat na The Buzz tuwing Linggo ang aking tinatapatan.

KC Cordero while working at ABS-CBN

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Si KC noong ABS-CBN days niya, bandang 2013. Photo courtesy of KC.

Ang nangyari tuloy, sa akin napupunta ang dirty work sa magasin—editing ng artikulo, copyreading, bantay kapag nagle-layout na ang art director, nagko-conceptualize ng cover, at nagtse-check ng buong issue hanggang pre-production.

Isang kaibigan kong veteran editor ang nagpayo sa akin noon na dapat magpakalubog ako sa showbiz, magpakilala sa mga artista, direktor, producers, talent managers, atbp. Aniya, sa industriyang ito ay importante ang maraming kakilala at mga koneksyon. “Diyan ka makakakuha ng balita, ng scoop...” payo pa ng beterano sa akin.

Sadly, hindi ako lumabas sa aking comfort zone.

Hindi rin naman ako pinuwersa ng mga boss ko dahil nakikita nilang maganda ang resulta ng aking pagtutok sa contents at pagma-manage ng magasin.

Pero may mga anekdota pa rin na konektado sa pagiging showbiz editor. Minsang nag-anak ako sa binyag at habang nasa loob kami ng simbahan ay nalaman ng isang kumare ko na entertainment editor pala ako. Walang kaabug-abog, kahit nagsesermon ang pari, tinanong niya ako: “Totoo bang bakla si—?”

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

Nagtawanan ang iba naming katabi. Napatingin sa amin ang mga tao, at nagpakawala ng mahabang “Ssshhh!” ang pari. Tahimik lang ako.

May mga nanghihingi rin ng movie passes, kasi raw yung kakilala nilang showbiz writer din ay nabibigyan sila ng passes.

Ang iba naman, akala ay pwede ko silang magawan ng paraang makapanood ng mga noontime shows o kaya ay shooting ng mga pelikula. At kapag birthday naman nila, baka raw puwedeng ma-greet sila ng artista.

SIyempre, hindi ko kaya dahil wala akong kakilala ni isa mang celebrity.

KUWENTONG BLIND ITEMS

May mga pagkakataong may nakakasabay akong celebrities sa elevator ng ELJ (Eugenio Lopez Jr.) building.

Kapag ang kasabay ko ay alam kong siya ang tinutukoy sa na-edit kong blind item, sabi ng isip ko, “I know what you did last summer.”

Namamangha rin ako dahil iba rin pala talaga ang feeling kapag nakakaharap mo sila nang personal kumpara sa kanilang mga larawang itinatapal ko sa pahina at cover ng magasin—kahit hindi dilaw ang suot at ang buhok ay green. Yup, linya iyan ng kanta ng Eraserheads, ICYDK.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

At dahil hindi ako kilala ng mga artista, hindi ako pinapansin kapag nakakasabay ako sa elevator. Minsan may nakasabay akong sikat na sikat at batang female actress. Wala siyang kasama maliban sa kanyang road manager. Naka-earphones ako pero mahina lang ang volume kaya dinig ko ang kanilang kuwentuhan na mahina rin lang.

Tsika ng sikat na female actress, binigyan siya ng Mercedes Benz ng isang big shot sa network. Dumating daw noong weekend. Na-shock ako sa aking narinig. Tiyak malaki ang kapalit ng isang Benz?

Siyanga pala, happily married na siya ngayon—hindi roon sa network bigshot—at may mga anak na rin. May happy ending din naman sa showbiz.

READ:

Teleserye sa totoong buhay: newbie, dumanas ng pang-aapi mula sa isang powerful personality

Struggling actor, hayok na hayok sa publicity

Hindi ko iyon nagawan kailanman ng blind item kasi baka matanggal ako sa trabaho! Gusto ko lang ipakita rito na kung saan-saang lugar talaga nakakapulot ng kuwento.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

May sinulat din akong artikulo tungkol sa isang male actor na sinabi kong laos na kaya walang projects. Nagbanta siyang hahatawin ng baseball bat ang nagsulat nito. Natakot ako, pero hindi rin naman nangyari at kampi rin naman sa akin ang boss ko. Kaya lang ay mamasel ang katawan ng has-been, kaya hindi ako puwedeng pakampante. Wala pa ring career ang aktor hanggang ngayon.

Meron naman kaming female columnist sa news department na ang pangit talaga ng grammar. Ang hilig pang mag-Ingles. Cum laude pa raw ito mula sa isang tanyag na unibersidad, pero hindi mo talaga aakalain.

Meron pa kaming veteran woman columnist na sa laki ng takot sa isang talent manager, pinull-out niya ang kanyang kolum kahit itatakbo na ang magasin sa imprenta. Tinawag niya kasing ham actor ang isang nasa kuwadra ng powerful na talent manager.

Isang beauty queen naman ang sobra raw kuripot na kapag umaalis ng bahay ay naglalagay ng padlock sa refrigerator. Mga katulong ang naiiwan sa condo nito kaya malamang sila ang kanyang pinagmamaramutan.

At kasama sa nasagap kong tsismis mula sa isang ABS-CBN production bigwig yung nasilip niyang halikan ng isang masculadong rising action star at isang rising matinee idol. Sa hinagap ay hindi ko maiisip ang tambalang iyon, na hindi naman nagtagal.

Isang art din ang pagsusulat ng blind item.

Kailangang ma-hook ang readers at dapat mailigaw kung medyo nakukuha na nila ang clues. Dapat sila mismo ay magduda sa kanilang hula dahil may mga clues na medyo swak naman sa iba pang celebrities.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

At kahit digital na ngayon ang platform, isa ang blind item sa talagang hindi nilulubayang subaybayan ng netizens.

ISANG DEKADA NG ENTERTAINMENT WRITING

Naka-10 years ako bilang showbiz writer/editor bago nagsara ang magasin. Eksaktong naka-graduate sa college ang aking anak. Nakapagpatayo rin ako ng maliit na bahay. Iyon siguro ang purpose ng aking naging journey.

Oddly, naitawid ko ang pagiging padre de pamilya sa pamamagitan ng industriyang inayawan ko noon.

Looking back, hindi man ako naging Ogie Diaz o iba pang influential entertainment writers, I enjoyed the ride.

At dahil mababaw lang akong tao, itinuturing kong highlight ng pagiging bahagi ng magasin nang yakapin at halikan sa pisngi ni Maja Salvador noong nagsisimula pa lang siya, at ni Sandara Park noong pambansang krung-krung pa lang siya at wala sa hinagap na magiging global act.

KC Cordero while working at Summit Media

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Si KC, kasama Ang PEP Team na busy-busyhan sa opisina. Photo courtesy of KC.


Sa ngayon, bilang bahagi ng PEP.ph, bagaman at naka-assign ako sa non-showbiz stories, paminsan-minsan ay nagsusulat pa rin ako ng showbiz news. Medyo nag-iba na rin ang environment, lalo ngayong may social media at ang publication ay digital na. Mas madali na ang sourcing ng news, wala na halos itinatago ang mga celebrities, at lalong pabilisan ngayon ang pag-upload para makakuha ng mas maraming engagements.

Sa tingin ko rin, medyo mas maingat sa pagsusulat ngayon. Madalas nga ay nasa safe side. Maraming celebrities ang naging balat-sibuyas. Ayaw rin naman nating magkaroon ng problema ang may-ari ng kumpanya.

Sabi nga ni Bob Dylan, “The times they are a-changin.’” Kung may isang bagay akong nami-miss sa panahon na print ang nangungunang medium, iyon ay ang mantra na ang pagsusulat ng showbiz news ay dapat puno ng intriga at kadema-demanda.

Iyon ang alam ko, ha?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

KC Cordero PEP.ph

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Isang art ang pagsusulat ng blind items. Kailangang ma-hook ang readers, dapat mailigaw kahit medyo nakukuha na nila ang clues, dapat ding sila mismo ay may duda sa kanilang hula dahil may mga clues na medyo swak sa iba pang celebrities.
ILLUSTRATION: Igi Talao
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results