Nag-uumapaw ang galak na nararamdaman ng Kapamilya actress na si Jane Oineza, 26, dahil sa wakas ay mapapanood na ang upcoming ABS-CBN at TV5 co-production series na Nag-aapoy Na Damdamin.
Memorable at malapit sa puso ni Jane ang seryeng dahil ito ang kanyang kauna-unahang lead role sa ABS-CBN matapos ang mahigit 22 taong pananatili sa network.
Para sa aktres, katuparan ito ng matagal na niyang pangangarap, paghihintay, at pagtitiyaga.
Saad ni Jane, "After PBB [Pinoy Big Brother] po kasi nagkaroon ako nung Nasaan Ka Nang Kailangan Kita [2015]. Pero ayun po kasi, mas top bill by Ms. Vina Morales and may apat pa po akong kasama.
"So, ito po talaga [Nag-aapoy Na Damdamin] yung maituturing ko na first lead teleserye ko.
"Ako, sobrang saya lang po, sobrang kilig, nakakatuwa, dahil alam ko na pinaghirapan ko ito. Alam ko na hinintay ko rin naman po ito.
"Sobra kong happy kasi alam ko naman na hindi rin naman siya overnight success and I also put my hard work in this.
"I am just really happy na all of these are happening now."
Read: How RK Bagatsing, Jane Oineza keep peace in their relationship
Nag-umpisa ang acting career ni Jane sa ABS-CBN bilang child star nang mapabilang siya sa teleseryeng Sa Dulo ng Walang Hanggan (2001) sa edad na lima. Naging bahagi rin siya ng kiddie gag show na Goin' Bulilit noong 2008.
Sa ginanap na grand mediacon ng Nag-aapoy Na Damdamin nitong Huwebes, July 13, 2023, sa Luxent Hotel sa Quezon City, hindi nakatakas si Jane sa tanong ng entertainment press kung sa loob ng dalawang dekada niyang paghihintay ay wala bang lumapit sa kanyang ibang network.
"Hmmm, meron naman po," sagot niya.
Pero ayon kay Jane, hindi niya magawang i-consider ang mga offer sa kanya ng ibang network dahil sa loyalty at pagmamahal niya sa ABS-CBN na unang tumanggap at nakadiskubre sa kanya.
Aniya, "Mas ano po kasi ako sa ABS-CBN, e, kasi dito na rin po ako lumaki.
"Family ko na rin po ang ABS-CBN, so hindi ko naisip o na-consider na iwan sila."
JANE'S LOVE FOR ACTING
Hindi naman daw nagtampo si Jane sa ABS-CBN kung bakit ngayon lamang siya binigyan ng lead role, sa kabila ng ilang taon niyang pagiging talent dito.
Mas kinuwestiyon daw niya ang sarili kung ano pa ba ang kulang o sobra sa kanya.
Sabi niya, "Siguro more on sa sarili ko, nagpapatanong ako na, ano pa ba yung kailangan kong i-prove, ano pa yung kailangan kong baguhin, kailangan kong idagdag o ibawas sa sarili ko, ano pa yung kailangan?"
Read: How RK Bagatsing, Jane Oineza keep peace in their relationship
Ngunit dahil sa nag-uumapaw niyang pagmamahal at dedikasyon sa trabaho, mas nanaig daw kay Jane ang paghihintay sa tamang panahon.
"Talagang sinasabi ko lang na be patient kahit mahirap. Kasi may mga times na napapaisip ako na, 'Huwag na lang siguro.' Pero kasi, ito talaga yung gustung-gusto kong gawin, e.
"Nag-e-enjoy talaga ako sa pag-arte, sa craft na ito, kaya hindi mahirap sa akin maghintay."
JANE'S PROMISE
Sa July 25, 2023 na ipalalabas sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, TFC, A2Z, at TV5 ang Nag-aapoy Na Damdamin.
Bukod kay Jane, makakasama rin niya rito sina JC de Vera, Ria Atayde, at Tony Labrusca.

Ngayon pa lang ay nagpapasalamat na raw si Jane sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya.
Read: Ria Atayde sums up relationship with Zanjoe Marudo as "comfortable and easy"
Kalakip ng kanyang pasasalamat ang pangakong gagawin niya ang lahat ng makakaya para bigyan ng hustisya ang karakter at oportunidad na ibinigay sa kanya.
Pahayag ni Jane, "Grabe lang po yung pasasalamat ko sa JRB [Creative Production] at sa buong production na ipinagkatiwala at binigyan nila ako ng chance na ipakita yung motivation ko all these years.
"Sobrang kilig and sobra-sobra akong nagpapasalamat sa buong production dahil binigyan nila ako ng ganitong opportunity.
"Hinding-hindi ko iyon ipu-put to waste. Ibibigay ko talaga ang best ko."
Read: RK Bagatsing and Jane Oineza: There's no excuse for cheating
