Nagtapos si AJ Raval ng high school sa edad na 22 sa pamamagitan ng Alternative Learning System ng San Fernando, Pampanga Division, noong Biyernes, July 21, 2023.
Katuparan ito ng kanyang matagal nang pangarap na makatapos ng pag-aaral at isang dahilan kaya nilimitahan niya ang pagtanggap ng mga showbiz project.
Ang nakatatandang kapatid ni AJ, ang rapper at aspiring actor na si Drizzy Ace Raval, ang nagbigay ng impormasyon sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) tungkol sa senior high school graduation ng sexy actress at ng kanilang 17-year-old brother na si Gaiv.
Ayon kay Ace, ipagpapatuloy ni AJ ang pag-aaral at law course ang gusto ng kanyang kapatid dahil sa ambisyon nitong maging abogado.
Maligayang-maligaya si Ace sa bagong karangalang nakamit ni AJ kaya may mensahe siya para sa kanyang nakababatang kapatid.
“Congrats, sana malayo pa ang marating niya. Alam na niya yon kasi nasabi ko na sa kanya nang personal," mensahe niya para kay AJ.
Ayon kay Ace, kasabay ni AJ na nag-graduate ng senior high school ang kapatid nilang si Gaiv, 17.
"Kasama nila sa graduation ceremony ang mother namin,” kuwento ni Ace tungkol sa pagtatapos ng high school ng kanyang mga kapatid.
Isinapubliko ni AJ ang plano nitong ipagpatuloy ang pag-aaral noong April 2022 kaya tinanggihan niyang gawin ang Scorpio Nights 3.
Read: AJ Raval, titigil na sa pagpapaseksi kaya umatras sa Scorpio Nights 3?
Sabi niya noon, “May goal ako this year. Like, kunwari po, June po, pasukan. Plan ko po is mag-enroll ako this year.
"Parang magla-lie low mo muna ako sa pagpapaseksi. Mag-aaral din muna po ako.
“Grateful po ako na para sa akin ang Scorpio Nights kasi nag-i-start pa lang ako sa Viva, yun na rin po ang pinag-uusapan, Scorpio Nights.
“Malungkot din po ako na isa po yung Scorpio Nights sa pagsa-sacrifice ko dahil may plans ako this year katulad po ng pag-aaral ko.
“Ang showbiz po, kung para sa akin naman po, puwede pa po akong bumalik. Hindi po mawawala sa akin pero yung pag-aaral, lumilipas po kasi yung panahon ko, e.
“Habang bata pa po ako, habang may chance pa po ako na ituloy ang pag-aaral ko, which is gusto ko naman po at gusto ng parents ko and family, itutuloy ko yung pag-aaral ko”
Pinagdudahan ito ng ibang mga tao pero sa kanyang pagtatapos ngayon ng pag-aaral, pinatunayan niyang totoo at hindi publicity ang kanyang mga deklarasyon noon.