Nagkaayos na nang lubos sina Lorna Tolentino at Deborah Sun nitong Hulyo 21, 2023, Biyernes, sa set ng teleseryeng FPJ’s Batang Quiapo.
Humigit-kumulang tatlumpu’t pitong taon ang lumipas bago natuldukan ang kanilang hidwaan o tampuhan.
Kuwento ni Deborah sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) via cellphone nitong Hulyo 22, Sabado ng umaga, niyaya siya ng kaibigang si Azenith Briones na magpunta sa Greenhills, San Juan City, para pakainin siya.
Pagkakain nila, nagyaya raw si Azenith na dumalaw sila sa taping ng Batang Quiapo. Naloka raw si Deborah at hindi siya sinabihan agad na may iba pang lakad.
“Yung hitsura ko kasi, naka-leggings lang at lahat. Hindi ako nag-ayos,” lahad ni Deborah.
“Ka-text na pala ni Azenith yung chief of staff ni Senator Lito Lapid noon pa. Sinabihan ni Azenith yung chief of staff na dadalaw kami para makausap ko si Senator at makaano ako ng trabaho. Siyempre, iba yung personal, e, di ba?”
Read: Deborah Sun, pitong taon nang nakatira sa condo unit ni Ara Mina nang libre
CHANCE ENCOUNTER WITH LORNA
Nagkasama sina Azenith at Deborah sa Regal movie na Temptation Island (1980) sa direksiyon ni Joey Gosiengfiao.
Nasa cast din ng movie sina Dina Bonnevie, Jennifer Cortez, Bambi Arambulo, Ricky Belmonte, Alfie Anido, Domingo Sabado, Jonas Sebastian, Tonio Gutierrez, at Anita Linda.
Read: PEP REVIEW: Temptation Island remains faithful to the campy spirit of the original film
Co-stars sina Lito at Deborah sa pelikulang Ben Tumbling (1985), na tinampukan din nina Vivian Velez, Charlie Davao, George Estregan, at Raoul Aragon, sa direksiyon ni Diego Cagahastian.
Pahayag ni Deborah, “Hindi pa kami artista ni Azenith, magkaibigan na kami noong Karilagan Days! Galing siyang San Pablo City, nagbo-boarding house pa lang noong nagmomodel-model. Matagal na kaming close ni Azenith.
“Parang si Vivian Velez din, hindi pa kami artista, magkakaibigan na kami, alam mo yung ganun.
“So anyway, sabi ko kay Azenith, ‘Ha?! Bakit hindi mo sinabi, sana nag-ayos ako!’ ‘Hindi, okay ang hitsura mo, mukha kang fresh.’ ‘Siyempre, hindi na ako nagda-drugs, e,’ sabi ko pang ganun. Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!
“Sabi ko pa, ‘Wala akong make-up!’ ‘Okay lang!’ So, nag-chat na nga si Azenith sa chief of staff ni Senator Lito. Ang bilin, ‘Basta, hanapin mo ako dun sa may van sa harap, yung van na puti, kay Lorna yun.’ Sabi ni Azenith sa akin, ‘Naku, paano yan, Gigi [Deborah], nandun pala si Lorna.’
“Sagot ko, ‘Okay lang, walang problema. Naku, masamang maging bitter, di ba?’ Masamang maging bitter, mabigat sa buhay yan. Kahit noong araw, ako kasi, pag nagalit, ilang years lang, wala na sa akin yun. Bahala na si Lord, parang ganun ang ano ko.
“Anyway, pagdating namin dun, nagte-take sila. Tsina-chat kami ng chief of staff ni Senator. ‘Halika,’ niyaya ako sa stand-by area ng mga character actors. Nagpaiwan muna si Azenith. Nakipagkumustahan ako sa kanila.
“Nasa labas ako, tapos nakatayo akong ganun, may sasakyan malapit sa akin. Nasa loob pala sina Senator. Niyaya ako ng chief of staff na umikot sa kabila ng sasakyan. Pag-ikot kong ganun, bumaba si Senator, yumakap naman. Nakakatuwa, niyakap niya ako agad at sabi niya, ‘Kumusta ka na?’
“Sabi ko, ‘Thank you, Senator, sa mga itinutulong mo sa akin.’ Tumulong siya sa anak ko nang naospital, nagpapabigay siya para sa mga gamit sa pag-aaral ng isa ko pang anak. Malaking tulong iyong ipinapadala niya.
“Pati sa pinsan kong si Ricky Rivero, noong naospital, nagpadala siya. Si Ricky yung pinsan ko na namatay. Anyway, ganun, sabi ko, ‘Senator, hihingi uli ako ng tulong sa yo. Ang hihingin kong tulong, trabaho…’
“Pagtingin kong ganun, nakita ko si Lorna…”
Read: Actor-director Ricky Rivero dies at 51
THE END OF THEIR RIFT
Napangiti raw agad si Deborah at nag-hi kay Lorna. Kunwari naman daw ay sinumbatan siya ni Lorna na tipong himig-naglalambing.
Salaysay ni Deborah, “Sabi ko sa kanya, ‘Love you!’ Gumanun ako agad. Tapos sabi niya, ‘Hmmph, nung nag-taping tayo sa Channel 5, hindi mo ako binati, hindi mo ako pinansin!’ May sarili siyang tent dun.”
Ang tinutukoy na teleserye ni Lorna ay ang Glamorosa (Nobyembre 2011-Pebrero 2012) na tinampukan din nina Ritz Azul, Alice Dixson, Gloria Diaz, Ronaldo Valdez, Zoren Legaspi, Tonton Gutierrez, Celeste Legaspi, at Lotlot de Leon.
Pagpapatuloy ni Deborah, “Sabi ko, ‘Siyempre, nahihiya naman ako. Nahihiya akong pumasok pa ng tent.’ ‘Hmph, hindi mo ako pinansin…’ Sabi ko, ‘Hi! Labyu!!! Alam mo yun, LT, sa ating magkakaibigan, tayong dalawa ang talagang nagmamahalan.’ Sabi niya, ‘Alam ko.’
“Apat kaming very close noong araw — Lorna, Beth [Bautista], Amy [Austria], at ako. Kami talaga yung ano. Ako yung ano nila ni Rudy [Fernandez] noong araw.”
Si Rudy Fernandez ang yumaong asawa ni Lorna.
Nag-uumapaw ang kasiyahan ni Deborah na may closure na ang hindi nila pagkakaunawaan ni Lorna.
Ngayong Hulyo 22, Sabado, in-add na siya ni Lorna bilang friend sa Facebook.
