Humingi ng paumanhin ang comedian-TV host na si Wally Bayola sa publiko dahil sa pagmumura niya sa live episode ng TV5 noontime show na E.A.T. kahapon, August 10, 2023.
Kahapon ay nasa isang barangay sina Wally, Zombie, at Jose Manalo para sa "Sugod Bahay Mga Kapatid" segment.
Habang nagsasalita si Jose—na ngayon ay sumisikat sa kanyang karakter bilang "Mayor" sa segment na ito ng E.A.T.—malinaw na narinig ang "P*t"ng*n*" mula kay Wally, na gumaganap namang "Dabarguard" ni Jose kasama si Zombie.
Akala marahil ni Wally ay hindi maririnig ang kanyang mura dahil inilayo niya ang mikropono sa kanyang bibig, pero nahagip pa rin ito ng audio.
Halatang ikinagulat din ng mga nasa TV5 studio nang marinig ang mura ni Wally, pero ipinagpatuloy nila ang segment na tila walang nangyari.
Sa pagsisimula ng "Sugod Bahay Mga Kapatid" segment ng E.A.T. ngayong Biyernes ng tanghali, August 11, ay tinalakay ng mga host ang nangyari at nag-trending sa social media.
Sinimulan ito ni Jose, sa kanyang karakter bilang "Mayor."
Pasakalye niya, "Meron lang po akong isang mahalagang bagay na sasabihin sa inyo.
"Marami po akong narinig o marami akong nabasa online, at marami rin pong tumawag sa akin tungkol dito.
"Meron pa tayong ganitong bagay, bagamat hindi naman po namin ito sinasadya, pero kinakailangan po natin itong ayusin.
"Kaya naman po nandito kami ngayon para ituwid po natin yung nagawang hindi nagustuhan o narinig ng bawat isa sa atin, kaya dapat po tayong nakikinig.
"Hindi lang yan, nagpapakumbaba po. Pinakaimportante yung magpakumbaba po tayo bagamat hindi naman natin sinasadya ang mga bagay na 'to.
"At yung isa nating kasama natin na Dabarguard, nakapagsalita, na hindi rin naman niya ito sinasadya. Kaya aayusin po natin ito."
Kaunod na ito ay tinawag ni Jose si Wally.
Pagpapatuloy ni Jose, "Kailangan po kasi nating ayusin ang mga bagay na 'to. Hindi kailangang palagpasin at hindi po natin dapat kunsintihin, ke sinasadya o hindi, kailangan po nating ayusin to."
Halata kay Wally na alumpihit siya bago magbigay ng pahayag.
Saad niya, "Ako po ay may nabitawang salita na hindi ko po dapat sinasabi. Nagkamali po ako dun.
"At ako po ay humihingi ng paumanhin at pang-unawa ninyong lahat. Pasensiya na po. Pasensiya na po sa lahat."
Sabi naman ni Jose, "Mas maganda yung ganun, hindi tayo nagmamatigasan... Ang importante humingi tayo ng kapatawaran.
"Muli po, nandito po kami para humingi ng dispensa sa inyo at makakaasa po kayo na hindi na po mauulit ang mga bagay na 'to."
Sabi naman ni Vic Sotto, na nasa TV5 studio, "Salamat din kay Wally at humingi ng paumanhin, pagtanggap ng pagkakamali.
"Ang mahalaga, pag alam nating nagkamali, e, dapat ay itinatama natin agad."
Biro pa niya sa huli, "O, Mayor, pagsabihan mo yang mga bata mo diyan."
MTRCB ON NOONTIME SHOW
Bago ang insidenteng ito sa E.A.T. ay naging mainit na usapin ang pag-summon ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang representative ng It's Showtime dahil sa mga eksenang ipinalabas sa Kapamilya noontime show noong July 25, 2023.
Ito ay ang eksenang sinimot nina Vice Ganda at Ion Perez ang icing ng cake sa "Isip Bata" segment ng noontime show na napapanood sa GTV, A2Z, at Kapamilya Channel.
Read: MTRCB summons It's Showtime over Vice Ganda-Ion Perez scenes in "Isip Bata" segment
Kasunod nito, pinuna naman ng ilang It's Showtime supporters ang ginawang paghahalikan nina Tito Sotto at Helen Gamboa sa National Dabarkads Day celebration sa E.A.T. noong July 29, 2023.
Nanindigan naman si MTRCB Chairperson Lala Sotto-Antonio, anak nina Tito at Helen, na may ginawang paglabag ang It's Showtime samantalang wala namang ginawang paglabag ang kanyang mga magulang sa E.A.T.
