Sa kauna-unahang pagkakataon ay naglabas ng kanyang saloobin ang Viva actress na si Rhen Escaño tungkol sa masalimuot na hiwalayan nila noon ng Kapuso actor na si Kokoy de Santos.
Nagkasama sina Rhen at Kokoy sa Walang Tulugan With The Master Showman ng yumaong TV host-star builder na si German Moreno, at doon nabuo ang kanilang relasyon na umabot ng tatlong taon.
Napilitang magsalita si Rhen tungkol sa nakaraan nila ni Kokoy nang nag-promote ang aktres ng bagong mini-series niya sa Viva One, ang Kung Hindi Lang Tayo Sumuko, na mag-i-streaming na sa Sabado, August 19, 2023.
Sa interview ni Rhen sa DZRH nung Miyerkules, August 16, tinanong ng awtor na ito kung sino sa kanila ni Kokoy ang sumuko sa kanilang relasyon.
Nag-isip sandali ang aktres bago niya inilahad kung ano talaga ang nangyari sa kanila ng Kapuso actor.
"Sa totoo lang po talaga, kung kaming dalawa lang naman, nung kami pa nung nasa relasyon namin, masaya po kami.
"Hindi po sa amin nanggaling yung problema," makahulugang sabi ni Rhen.
Hindi sinabi ng aktres kung sino ang nakialam sa kanilang relasyon kaya nagkaproblema silang dalawa, hanggang sa sumuko na lang sila sa isa't isa.
Saad ni Rhen, "Kaya malungkot ako, kasi maraming taong pumasok. Maraming taong nakialam, parang ganun.
"Naging toxic siya, and siya, hindi ko alam kung anong nangyari sa kanya.
"Hanggang sa dumating ako sa point na hindi ko pala kaya na merong ibang taong kailangang magdikta kung ano ang kailangang gawin niya, na kung ano ang magiging desisyon niya.
"And for me, parang may mali na sa mga nangyayari kaya hindi na masaya. So, yun."
Read: Rhen Escaño, hindi kumportableng pag-usapan ang nakaraan nila ni Kokoy de Santos
AGE GAP
Ayon ky Rhen, malaking factor din ang age gap nila dahil masyado pa raw bata si Kokoy nung naging sila.
"Siguro masyado na siyang nasasaktan. Ako naman, sobra akong nasaktan sa part na dahil... malaki po kasi yung age gap.
"Mas matanda po kasi ako sa kanya ng five years.
"So, parang sa three years na yun, aminado naman ako, I'm sure alam niya na nag-adjust po ako sa maraming bagay.
"Kasi ano talaga siya, e, as in baby boy siya sa family, ganyan.
"Parang ako, siyempre ako... siyempre ako, dumating ako sa point na iba yung ano, e, mas dun ako sa papuntang maturity talaga.
"Papuntang, 'Ba't pa tayo magsasayang ng oras kung hindi tayo papunta sa mga ganung bagay?' Parang ganun po.
"So, parang yung hinihingi ko lang naman nung time na yun, ako naman ang ipaglaban. Pero hindi, e.
"And then, dumating sa point na ilang beses ako nakipaghiwalay. Pero parang siyempre, nilaban niya na, 'Huwag, huwag, kaya natin to, ganyan-ganyan.'
"So, ako naman, parang okay, sige, super nag-e-effort, sige. Pero ako, ayoko na talaga. Kumakapit na lang ako because na-attach na ako sa family."
Pagpapatuloy ni Rhen, "Mas gusto ko piliin ko naman yung sarili ko, hindi puro siya lang.
"And then, hanggang sa dumating na point na we have to pretend na we're okay kahit na hindi.
"Kaya meron na akong ibang ini-entertain na alam niya. Alam niya na merong iba na akong kinakausap.
"Nagulat na lang ako, biglang, siyempre alam ng family niya, okay kami. Tapos biglang... parang alam niya na meron akong ini-entertain.
"And then, nagulat na lang ako, parang pinalabas niya na I'm cheating."
Read: Kokoy de Santos, nagsalita tungkol sa nakaraan nila ni Rhen Escaño
CHEATING ALLEGATION
Iyon daw ang lumabas na kuwento—na nangaliwa si Rhen.
Nilinaw ng aktres na hindi siya nakipag-date. Sinasagot lang daw niya ang tawag o message na ibang nagpaparamdam sa kanya.
Alam naman daw ni Kokoy yun at wala siyang itinago sa dating nobyo.
Himutok ni Rhen, "Hindi lang ako nagsalita for how many years. Pero mas nasaktan ako dun sa ginawa niya.
"Kasi parang sa ilang beses ako nakipaghiwalay, naging vocal ako na hindi ko na kaya, na hindi niya ako kayang ipaglaban. Hindi ko kayang tanggapin yun.
"So, naging honest at naging open ako sa kanya na, 'Okay, as you can see, meron na akong kinakausap na iba. As you can see, meron na akong ini-entertain na iba.' May nirereplayan na ako, pero wala akong boyfriend."
Diin pa ng aktres, "Mas nauna ho siya nagka-girlfriend simula nung nagkahiwalay kami, kesa ako nagka-boyfriend.
"Nasaktan ako na yun ang pinalabas niya.
"Hindi naman po talaga ako nag-date. As in nagri-reply lang."
KOKOY'S LIFE STORY ON 'MAGPAKAILANMAN'
Ang isa pa raw ikinainis ni Rhen ay nung lumabas ang life story ni Kokoy sa Magpakailanman, na tila pinalabas na masama siya sa kuwento.
"Kasi, di ba, nagkaroon pa siya ng isang episode sa isang drama na life story niya? And then, hineads-up po ako ng family niya.
"Minessage nila ako na, 'Ganito yung mga nangyari, naging ganyan-ganyan. Medyo naging OA, medyo naging ganito, as in ikaw talaga yung naging bad guy and all, blah blah blah!'
"Hindi ko na po pinanood, kasi alam kong masasaktan lang ako, e. Hindi ko na po pinanood.
"Pero yung mga best friends ko napanood, natatawa! Sabi nila, 'Oh my God, Irene, sobrang hindi ikaw 'to.'
"Kasi kaibigan din po nila. Kaibigan po nila si Kokoy. Kaya nga nagalit sila, e. 'Bakit naman nagganito, naging sobrang mahaderang ano ka dito, ganyan-ganyan.' Sobrang sama ko raw sa story.
"Kaya wala akong dahilan para panoorin to. Wala! Hindi na lang talaga," salaysay ni Rhen.
Ayon kay Rhen, pina-revise pa ni Kokoy ang script para medyo ma-tone down ito.
Kapag nagkita raw sila ng dating kasintahan ay susumbatan niya ito.
"Nasaktan po ako nun. Kasi parang gusto kong sabihin sa kanya na 'Uy, grabe ka naman. Mas malaki naman yung pagmamahal kesa dun sa part na nasaktan tayo. Pero bakit parang ang sama ko naman?'
"Magtatanong ako sa kanya, 'Bakit mo pinalabas sa buong mundo na cheater ako?' Itatanong ko talaga sa kanya!
"'For how many years na nanahimik ako, bakit mo pinalabas sa mga tao...' lalo na yung mga taga-industry na ginawa ko yun kahit hindi naman.
"As in, grabe! Kasi siyempre, nag-reflect talaga yun sa akin. E, ako, hindi naman talaga ako nagsalita.
"Nagugulat na lang yung mga tao kapag nakakasama nila ako. 'Grabe 'no? Dun ko na lang nalaman na may ganun pala.'
"Hindi ko na kailangang mag-explain, kasi hindi naman talaga totoo," giit ni Rhen.
KOKOY RECONNECTS WITH RHEN
Ang latest na kuwento ni Rhen, nakikipag-communicate na ulit si Kokoy sa kanya ngayon.
Nag-follow na raw uli ang aktor sa Instagram account niya at nagti-text ito sa kanya.
Saad ni Rhen, "Sa totoo lang, nagulat nga ako sa kanya na nag-reach out siya. Ewan ko, siguro may na-realize siya.
"Pero ako, kinalimutan ko na yun, kung ano man yung mga bagay na yun. Siguro hindi lang talaga naging... hindi lang talaga tumugma ang mga ganung bagay during that time.
"Pero nasaktan lang ako nung mga times na nasasaktan siya. And kailangan may i-blame, and kailangang may papangalanan na mga kung anu-anong words.
"Pero ngayon, nung nag-reach out, parang okay, parang sige. Nagri-reply ako sa kanila, and yun.
"Parang okay naman kami, and I guess kung magkikita kami ngayon, wala na ako dun sa part na parang gusto ko siyang suntukin.
"Hindi na, wala na ako nun. Parang puwede na kami maging friends ulit."
Okay naman daw si Rhen kung magkaroon ng pagkataong magkasama sila sa isang project. Marami naman daw siyang natutunan sa relasyon nila ni Kokoy.
Pahayag niya, "Life is about learning... love is about finding the balance between kapit and bitaw.
"Kailangan alam natin yun. Kailangan, alam natin kung hanggang kailan tayo kakapit. Kung kailan tayo magmamahal at kung kailan tayo kakapit at kung kailan tayo bibitaw.
"Kasi yun naman ang itinuturo sa atin, e. Kung ano yung tamang pagmamahal, at meron tayong tinuruan kung papano tayo bumitaw.
"Hirap na hirap tayo lagi dun sa pagbitaw. Kaya napahamak nga po ako, e. Hindi ako makabitaw-bitaw.
"So, kailangan natin matutunan yun, and kailangan ibigay natin sa sarili natin na hindi tayo masamang tao kung susuko tayo.
"Ang ibig sabihin nun, hindi masama kung piliin yung sarili natin.
"Mas piliin yung sarili natin over someone. Mas kailangang mahalin muna yung sarili natin."
Ngayon ay pareho nang naka-move on sina Rhen at Kokoy.
Nagka-girlfriend na si Kokoy, at si Rhen naman ay sinasabing masaya ang puso niya ngayon kahit hindi niya ito diretsahang inamin.
Ipinarating ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) kay Kokoy sa isang common friend ang mga sinabi ni Rhen, pero ipinagkibit-balikat na lang daw ito ng aktor.
Sinabi rin ni Kokoy na tatawagan ako para sa kanyang panig. Pero hindi pa ito tumatawag hanggang sa isinusulat namin ang artikulong ito.
