Bilang ama ni Janine Gutierrez, "sobrang proud" si Ramon Christopher, a.k.a. Monching Gutierrez, sa mga acting trophies na natanggap ng anak mula sa iba’t-ibang award giving bodies.
Kakapanalo lang ni Janine nitong Agosto bilang Best Actress sa 25th Gawad Pasado Awards para sa pelikulang Bakit Di Mo Sabihin.
Ani Monching, “Talagang mahal na mahal niya yung trabaho niya, napaka-successful din ng Dirty Linen, kaya sobrang proud ako sa kanya.”
Kakatapos lamang umere ang Kapamilya seryeng Dirty Linen, kung saan bida si Janine.
Read: Dirty Linen "changing the landscape" of teleserye
Nasa tamang edad na si Janine upang lumagay sa tahimik, sakaling magpaalam na gusto na nitong mag-asawa, ano ang magiging reaksiyon ni Monching?
Tumawa muna ito bago sumagot, “Wala naman, okay lang sa akin. Siyempre kung saan siya masaya, dun din ako.”
Read: Does Ramon Christopher approve of Paulo Avelino for Janine Gutierrez
LEARNING FROM YOUNG STARS
Nakilala noon si Monching bilang male teen heartthrob, ano ang napansin niya sa mga kabataang artista ngayon?
Lahad niya, “Siyempre kahit medyo matagal na tayo sa industriya, meron pa din tayong natututunan na bago from the young ones.
“Siguro yung difference nila saka ako nung kabataan ko, nung ginagawa namin yung Bagets 2, ang feeling ko naglalaro lang kami.
“Yung mga bata ngayon, mas serious sila sa trabaho nila, mas nakikinig sila sa direktor.
"Kasi nung araw, hindi kami masyadong nakikinig kaya napapagalitan kami,” at tumawa si Monching.
"Feeling namin naglalaro lang kami.
"So now, I think mas responsible nga sila, pati sa kinikita nila and all that.”
ROLE HE WISHES TO PORTRAY
Kasama si Monching sa pelikulang Huling Sayaw, na ipapalabas sa mga sinehan ngayong Miyerkules, September 13, 2023.
Gaganap si Monching bilang si Pancho, na uncle ng bidang si Bugoy Cariño.
Ayon kay Monching, "scheduling" ang naging major challenge ng Huling Sayaw, “kasi madaming cast, so siyempre iba-iba ang schedules na aayusin para magtugma sa shooting.”
Tanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), may role ba sa isang pelikula o teleserye na hinding-hindi gagawin ni Monching?
Sagot ng aktor, “Actually, dapat ang sagot diyan wala, puwera na lang yung mga roles na hindi ko kayang gawin, like yung medyo sexy,” at muli itong tumawa.
”Pero dapat talaga ang sagot diyan wala.”
May roles pa ba na gusto niyang gawin?
Patuloy ni Monching, “Sa dami na ng naging roles ko, parang wala na. Nakapag-bading-bading na din ako na parang comedy.
"Siguro yung ano na lang, yung bading na seryoso, hindi pa ako nakakagawa nun.”
Napanood din si Monching sa teleseryeng The Write One ng GMA/VIU Philippines kamakailan.
Ano ang kaibahan sa paggawa ng teleserye at pelikula, at saan siya mas nag-e-enjoy?
Nakangiting sagot ni Monching, "Pareho lang namang enjoy gawin. Sa movie lang, medyo chill kesa sa teleserye, pero pareho ko silang na-e-enjoy gawin.”
Nakausap ng PEP.ph si Monching sa media conference ng Huling Sayaw nitong August 30 sa Viva Cafe sa Cyberpark Tower 1, Araneta City Cubao, Quezon City.
Mula sa Camerrol Entertainment Productions, tampok rin sa pelikula sina Belle Mariano bilang si Tiffany at Andy Abellar bilang Stephanie.
May mahahalagang roles din dito sina Mark Herras, Jeffrey Santos, Christian Vasquez, Emilio Garcia, Jao Mapa, Zeus Collins, Rob Sy, at Mickey Ferriols.
Ang Huling Sayaw ay sa direksiyon at panulat ni Errol Ropero, na isa rin sa mga producer ng pelikula, kasama ang mga executive producers na sina Ronald Allan Guinto, Michael Endaya, Hon. Melvin Vergara Vidal, at Hon. Amado Carlos Bolilia IV.
