Humingi ng pasensiya si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach kay National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee noong Martes, September 19, 2023
Ito ay kaugnay sa insidenteng nangyari sa pagbubukas ng Manila International Book Fair sa SMX Convention Center, Pasay City noong September 14, 2023, kung saan hinawi ng isang security escort ni Pia si Ricky nang lapitan at kamayan ng beauty queen ang award-winning writer.
Lumaki ang isyu dahil nakunan ng video ang insidente at kumalat sa social media. Marami ang hindi natuwa sa naging trato ng security escort ni Pia kay Ricky.
Read: National Artist Ricky Lee speaks up about "hawi" incident with Pia Wurtzbach at book fair
MAC ALEJANDRE
Ang matalik na kaibigan ni Ricky at direktor na si Mac Alejandre ang nagkumpirma tungkol sa paghingi ni Pia ng dispensa sa iginagalang na manunulat.
“When Pia learned about the incident, she immediately reached out to Ricky and apologized that an incident occured which she wasn't aware of.
"That was gracious of her,” sabi ni Direk Mac tungkol sa kabaitang ipinakita ni Pia, na kasalukuyang nasa Italy para sa Milan Fashion Week.

Nang hingan si Direk Mac ng reaksiyon tungkol sa karanasan ng kanyang kaibigan, sinabi niyang naging isang malaking isyu ang insidente na puwedeng-puwedeng palampasin ni Ricky.
“Nalagay sya sa isang posisyon na kailangan niyang magsalita.
"Kilala ko si Ricky. Kung may sasabihin man siya, hindi ito magiging tungkol sa kanya. Iisipin niya ang pangkalahatan.
"Kung ibang tao ang nahawi, bata man o matanda, anuman ang kasarian, sikat man o hindi, tama ba ang naganap?
"All of Ricky's statements were in the context of 'ano ang dapat na naganap kung 'ordinaryong' tao ang nalagay sa sitwasyon,'" bahagi ng Facebook post ni Direk Mac ngayong Huwebes, Setyembre 21, 2023.
“Tungkulin ng guard protektahan si Pia. Pero malinaw na kilala ni Pia si Ricky.
"Kung nabigyan ng guard ng konting oras at space ang dalawa, sana ay walang isyu. But the guard was caught in the energy of the moment. Ang focus niya ay trabaho niya. Tama.
“When the incident happened, she [Pia] could have politely told the guard to relax and give her and Ricky a moment. But she was caught in the rush.
“As seen in the video, she was about to be called onstage and people around her were surely rushing her. It was a missed opportunity and no one is to be blamed.
“People around Ricky could have cautioned the guard, too, but they were also caught in the moment."
Dagdag pa ni Direk Mac, "'Maliit' na 'lumaki.' Tama bang lumaki ang isyu?
"May saysay dahil nagkaroon ng diskurso sa makataong pamamaraan sa pagtupad ng tungkulin, sa posisyon at halaga ng mga artist sa komunidad, sa responsibility ng event organizers sa pangangalaga, di lamang sa mga inimbitahan nilang panauhin, kundi sa publiko.
“Lahat may opinyon. Sa gitna ng lahat ng ito, malinaw ang ilang bagay. Sikat ang mga beauty queen. Parang artista o atleta.
“Pag nanalo ang Pilipinas sa Miss Universe, may welcome parade. Inuulan ng guesting sa TV. Nakapila ang endorsements. Cover ng mga magazine at front page sa balita.
"Pag nanalo ng medalya ang atleta sa Olympics o Asian games, ganon din. May pa bonus pang pera mula sa gobyerno at pribadong sektor.
“Ang artist, pag nanalo ng karangalan abroad parang wala lang. At pag may event na tulad ng MIBF, isang event kung saan siya inimbitahan at kasali, nahahawi siya dahil kailangang 'protektahan' ang mas kilalang celebrity.
“Sabi nga ni Ricky, ang pagiging makatao at pagpapakita ng respeto ay para sa lahat. Hindi ito kumikilala ng edad, kasarian, o katayuan sa buhay.
“Pag nangyari uli ito kay Ricky, posibleng di nya uli mapansin. Like in the video, he will just smile and move on. Pero sana wag na ito mangyari kanino man.
“Ricky's works have always been about humanity and justice. He is not about blaming the 'ordinary' people.
"His works illuminate the ills in the system and the elements that perpetuate oppression. All the discourse can serve what Ricky stands for."
Read: National Artist Ricky Lee, ganado sa pagdalo sa Book Fair dahil napapalibutan ng book lovers
BRILLANTE MENDOZA
Hindi lamang si Mac Alejandre ang direktor na nagbigay ng reaksiyon dahil nagkomento rin sa comment section ng isang news organization tungkol sa kontrobersyal na insidente ang kapwa niya direktor na si Brillante Mendoza.
“Walang kasalanan ang guard,” sabi ni Direk Brillante.
“Ang alam lang nun, manghawi ng mga tao regardless of age and stature.
"Dapat ang event organizer nag-briefing and ipinaintinde ang protocol kapag may national artist in attendance. Or dapat ipinakita sa mga guards ang litrato ng mga special guest.
"Hindi naman lahat ng tao kilala ang itsura ni Ricky Lee dahil hindi naman cya artista. He is a national figure and most people do not know the face… just the name.”
Pihadong hindi rin alam ng karamihan ang hitsura ni Brillante, pero maaaring natatandaan ng mga tao na siya ang kauna-unahang Pilipinong nanalong best director sa Cannes Film Festival noong 2009.
Read: Brillante Mendoza named Best Director at Cannes 2009 for 'Kinatay'