Sinorpresa ng Kapuso actor na si David Licauco ang kanyang fans at ka-love team na si Barbie Forteza nang bumisita siya sa Kapamilya noontime show na It's Showtime.
Si David ang isa sa mga special guest sa "Magpasikat" number ng grupo nina Karylle, Amy Perez, MC Muah, at Lassy Marquez ngayong Martes, Nobyembre 7, 2023.
Si David ang bumoses kay Lulu, ang augmented reality character, sa pagtatanghal ng apat na It's Showtime hosts.
Bakas naman sa mukha ni Barbie, na hurado sa "Magpasikat," ang pagkagulat nang makita si David.

Hirit ni Vice Ganda, "First time sa history ng It's Showtime na ang may guest, e, yung judge.
"Usually kasi ang may guest yung performer, [ngayon] yung judge."
Ikinatuwa rin ng fans ni David ang partisipasyon nito sa pagdiriwang ng ika-14 anibersaryo ng Kapamilya noontime show, dahilan para siya'y mag-trending sa X (dating Twitter).

Samantala, bukod kay David ay kabilang din sa mga special guest ng team KALM (Karylle, Amy, Lassy, MC) ang P-pop group na BGYO, BINI, drag artist na si Taylor Sheesh, at singers na sina Roselle Nava at Fana.
Maging ang orihinal na gumanap bilang mga Sang’gre ng Encantadia na sina Iza Calzado (Amihan), Sunshine Dizon (Pirena), at Diana Zubiri (Danaya) ay present din para suportahan ang kaibigan nilang si Karylle (Alena).
Ang espesyal na partisipasyon nila sa "Magpasikat" ng It’s Showtime ang nagsilbing reunion nila makalipas ang apat na taon.

Ayon kay Iza, nang imbitahan siya ni Karylle ay umoo siya kaagad, ito'y kahit na busy siya sa pag-aalaga sa anak niyang si Deia Amihan.
Read: Iza Calzado on motherhood: “The best advice is no advice.”
Saad ni Iza, "Sabi nga ni Diana, pamilya. Nandito kami para suportahan ang kapatid naming si Karylle.
"Isang tawag lang niyang magkakapit-bisig talaga kami para sa isa't isa, kaya thank you for giving us opportunity para magsama-sama.
"Kasi bibihira talaga kami magsama-sama kahit off-cam. Lalo na matagal na wala si Diana.
"Pag magkakasama kasi kami feeling namin may magic kasi mahal talaga namin ang isa't isa simula pa noon hanggang ngayon."
Read: Original Sang’gres ng Encantadia nag-reunion sa It's Showtime
Hindi naman napigilang maging emosyunal ni Sunshine nang alalahanin kung paano siya napapayag mag-guest sa "Magpasikat."
Aniya, “I called K [Karylle], I'm apologizing at first kasi nga baka hindi kayanin ng schedule, but then K is such a wonderful friend.
"You can always count on her and I think it’s such a beautiful thing that we are all together again here, and Joy [Diana] even made a very big effort to be here with us. So, naisip ko, sino ba naman ako para humindi?"
Read: The Original Sang'gres: The friendship that defies the network war
Napauwi raw si Diana sa Pilipinas mula sa Adelaide, Australia, dahil gusto niyang suportahan ang kaibigan niyang si Karylle.
Saad niya, “Napapayag ako dahil sa pamilya. Na-miss ko kayo. Na-miss kong mag-perform.”
READ MORE:
