Tinanggal na bilang Presidential Adviser for Creative Communications ang TV and film director na si Paul Soriano.
Ito ang nakumpirma sa budget hearing sa Senado ngayong umaga ng Huwebes, November 9, 2023.
Habang dinidinig ang budget ng Office of the President, naitanong ni Senator Aquilino "Koko" Pimentel III kung Presidential Adviser pa ba si Soriano.
Sumagot naman si Senator Sonny Angara na wala sa Malacañang si Soriano.
Si Angara ang nagdepensa sa budget ng opisina ng Pangulo.
Naitalaga si Soriano bilang Presidential Adviser noong October 2022.
Read: UPDATED: Paul Soriano appointed as Presidential Adviser for Creative Communications
July 25, 2023, lumabas ang balitang nag-leave si Soriano sa kanyang tungkulin bilang Presidential Adviser for Creative Communications.
Si Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil ang nagbalita nito sa ilang taga-media na nag-cover sa State visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malaysia.
Hindi idinetalye ang dahilan, pero "personal reasons" daw.
Mga unang linggo ng Hulyo, nabalitang nakatutok daw umano si Soriano sa pagbubuntis ng kanyang asawang si Toni Gonzaga dahil malapit na itong manganak.
Ayon sa ilang taong malapit sa mag-asawang Paul at Toni na nakausap ng PEP Troika noon, bago pa mag-SONA ay nag-file na ng leave si Paul.
Minabuti umano ni Soriano na hindi idirek ang SONA ni President Marcos Jr. dahil anytime ay manganganak na ang kanyang asawa.
Noong August 11, 2023, ipinanganak ni Toni ang bunsong babae nila ni Paul, si Baby Polly.
