Inamin ni Senator Ramon "Bong" Revilla Jr. na napikon at nagalit siya sa aniya'y walang katotohanang pahayag ni Col. Edison "Bong" Nebrija na nilabag ng actor-politician ang batas trapiko dahil dumaan sa bus lane ang kanyang sasakyan.
Si Nebrija ang pinuno ng Task Force Special Operations ng Metro Manila Development Authority (MMDA) .
Sinabi niyang nanggaling sa kanyang tauhan ang impormasyon tungkol sa insidenteng nangyari sa EDSA nitong Miyerkules, Nobyembre 15, 2023.
Ikinagulat at ikinagalit ni Revilla ang pagsasangkot sa kanya sa isang pangyayaring wala umano siyang kinalaman.
Naganap ang "face-off" ng dalawang Bong sa Senado ngayong Miyerkules ng hapon.
Kasama ni Nebrija si MMDA Chairman Atty. Romando "Don" Artes.
Pigil na pigil ang galit ni Revilla nang kausapin nito si Nebrija sa harap ng mga miyembro ng media. Live din itong napanood sa Facebook page ng actor politician.
Sa kabilang banda, mapagkumbaba at malumanay ang pagpapaliwanag ni Nebrija sa senador.
Ito ang bahagi ng pagpapalitan nila ng salita:
Revilla: “Nasa Cavite ako, papaano ako napapunta doon? Now that you know, it’s not my vehicle.”
Nebrija: “Yes. Sir, just like what I’ve said, I just relied on the information that was relayed to me ng tropa ko, Sir.”
Revilla: “Based on hearsay? Wawasakin mo yung senador? Papaano pa yung mga maliliit nating kababayan?”
Nebrija: “Sir, wala po akong intensiyon na wasakin kayo. Why will I do that?”
Revilla: “E, bakit mo binanggit yung pangalan ko sa media? Sana bine-verify ninyo muna. Binanggit mo sa radio, e. Narinig ko.”
Nebrija: “Sir, wala po akong binanggit na ganoon na nandoon kayo. It’s just that, nandoon po ako na nagra-radyo ako, narinig po nila.”
Revilla: “Alam mo, Colonel, ako, bugbog na ako sa maling paratang, okay? Ako, kahit saan ako pumunta, hindi ako umaatras sa mga laban. Yung sa totoo lang ako.”
Nebrija: “Yes, Sir. I understand. Ako rin po nasa totoo, ang sinabi ko lang…”
Revilla: “Nasa totoo ka?”
Nebrija: “I have no intention of ruining your name. It’s just that yun lang po ang information na ibinigay sa akin. So if it was a mistake, like what I’ve said kanina, nagkakamali tayo, lahat tayo tao nagkakamali and I apologize.”
Revilla: "You apologize to the public."
Nebrija: “Yes, Sir, I already apologized kanina. I already made an apology. Tao lang po tayo, lahat po tayo nagkakamali.
"E, ngayon, kung nagkamali yung enforcer ko, as the commander of the task force, the buck ends with me. I do not need to present the enforcer anymore. Kung nagkamali siya, ako na po ang sasagot. Wala po akong balak ipatanggal.
“Kung ako na lang, e, di ako na lang po, but the buck ends with me. The responsibility ends with me. Yun po ang ano ng commander, I need to make decisions.
“It is not to ruin the senator. Alam ko po yung pangalan ni Senator, we have common friends. Wala po akong intensiyon na sirain dahil kung nagkamali po ako, ako na lang. Ako na lang.”
WRONG ACCUSATION
Bago nagsadya si Nebrija sa Senado para personal na humingi ng tawad mula kay Revilla, nagpaliwanag muna ang senador sa harap ng mga miyembro ng media.
"Nahuli raw sa EDSA busway. Nandito ako sa Cavite, paano mangyayari yon?” reaksiyon ni Revilla.
“Medyo nakakasama ng loob dahil yung mga ganitong klase ng mga paratang, katulad ko, may mga pinagdaanan tayong, kumbaga, may phobia tayo dito. Masakit na pinagdaanan.
"Tapos eto na naman, yung mga maling paratang.
"Parang medyo nagpanting ang tenga ko kaya aaminin ko sa inyo, medyo napikon talaga ako.
“And I want them to explain kung sino bang Bong Revilla ang nakita nila. Baka naman kaluluwa ko yung nakita nila doon?"
Ang tinutukoy na "masakit na pinagdaanan" ni Revilla ay ang apat na taong pagkaka-detain niya dahil sa plunder charges.
Nag-ugat ito sa akusasyong pagbulsa ng P224.5 milyong halaga ng ill-gotten wealth sa pamamagitan ng pagtalaga ng pondo sa bogus organizations na diumano’y nilikha ni Janet Napoles.
Read: Bong Revilla "not guilty" of plunder in pork barrel scam case
Saad pa ng senador, “Unang-una, hindi ko kotse yon. Hindi ako gumagamit ng plaka na 8, may CA [Commission on Appointments] pa at 17th Congress daw.
"Wala sa pamilya namin ang… ang asawa ko [Congresswoman Lani Mercado-Revilla] nakaupo siya ngayon sa CA pero hindi 17th Congress kaya napakabigat itong nangyaring ito.
“Kaya sabi ko nga, kung puwede ipatawag sa Senado at ipaliwanag sa akin. In fact, sabi ko pa nga kanina, ipare-recall natin yung budget ng MMDA.
“I just want to make this clear, medyo mainit lang ang ulo ko kanina. Tingnan natin dahil hindi naman kasalanan siguro ng isang tao o ng iilan, e, madadamay ang buong departamento."
Patuloy na himutok ni Revilla, “That is so unfair para sa akin. Alam ninyo, mabigat ang pinagdaanan ko, e. Winasak na tayo sa media before, sa social media.
“Ayoko nang mangyari uli yung mga ganyang paninira kaya nanginig talaga yung laman ko.
"Paggising ko kanina, medyo na-high blood ako. Medyo napa-anak ng teteng ako.
“Kung nagpapapogi sila at gagamitin nilang senador, sana yung totoo. Huwag yung mali.
“Kung kinakailangan, kung talagang nagkasala yung senador o kahit sino pa siya, tiketan nila. Hindi yung gagamitin mo sa publicity para sumikat ka at magpapogi ka at the expense of what?”
Idiniin ni Revilla na dapat humingi ng paumanhin sa bayan ang tukayo niyang si Nebrija.
Sa huli, tinanggap ni Revilla ang kapatawarang hiningi sa kanya ni Nebrija at ipinaubaya niya ang pagdedesisyon kay Artes.
Pinatawan ni Artes ang Task Force Special Operations chief ng preventive suspension, na maaaring tumagal ng dalawang linggo hanggang isang buwan. Magsisimula ito sa Huwebes, Nobyembre 16, 2023.